CHAPTER 9
MABIGAT na mabigat ang pakiramdam ni Charlotte habang nakatitig siya sa kisame ng maliit na opisina niya. Katatapos lang niyang asikasuhin ang huling pasyente niya.
"Doc, hihintayin na ba kita?" tanong ni Jadis nang sumungaw ang ulo nito mula sa pinto.
Walang kabuhay-buhay na nilingon niya ito. "Hindi na. Mauna ka na. Dito na muna ako."
Matamang tinitigan siya nito. "Okay ka lang ba, doc?"
Sumipa ang kirot sa puso niya sa tanong nito. Pilit niya iyong in-ignora saka bahagyang ngumiti. "Okay lang ako. Pagod lang talaga ako."
Mukhang hindi ito kumbinsido sa sagot niya pero tumango na rin ito. "Sige, doc. Mauuna na ako. Maaga na lang akong papasok bukas."
"Jadis."
"O?"
"'Wag ka na munang pumasok bukas."
Kumunot ang noo nito. "Bakit?"
Ipinatong niya ang isang kamay sa mesa niya saka muling itinuon ang mga mata sa kisame. "Wala namang masyadong naka-schedule bukas, 'di ba? Paki-cancel mo na lang muna. Gusto kong magpahinga."
"May sakit ka ba?"
Oo. Sa puso. "Wala. Pero hindi maganda ang pakiramdam ko. Sumisigaw na yata ng pahinga ang katawan ko."
Pumalatak ito. "Uminom ka ng maraming vitamin C, doc. Tawagan mo lang ako kapag nagka-problema."
Tumango na lang siya at hidni na nagsalita pa. Gusto na niyang maiwang mag-isa para mapakawalan na niya ang sakit na kanina pa nagwawala sa dibdib niya.
Narinig niyang nagpaalam ito sa kanya bago tuluyang sumara ang pinto. Narinig pa niya ang pag-click ng lock ng main door sa labas bago tuluyang natahimik ang klinika niya.
Nang masigurong nag-i-isa na siya ay tuluyan nang kumawala ang pinipigilan niyang mga emosyon. Napahawak siya sa dibdib niya nang manikip iyon kasabay ng pag-guhit ng hindi maipaliwanag na sakit.
Kahapon, pagkagaling niya sa bahay ni Seishiro ay doon na siya tumuloy sa klinika niya. Manhid ang pakiramdam niya maliban sa kirot na humahagupit sa puso niya.
Seishiro was getting married. May fiancée na pala itong naghihintay na lang ng kasal ng mga ito, bakit pa ito nakipag-lapit sa kanya? Bakit pa nito inakit ang puso niya? Bakit pa nito hinayaang mahulog ng husto ang loob niya?
Naalala pa niya ang kislap sa mga mata ng mga magulang nito habang ipinapakilala ang babaeng mapapangasawa raw nito. They were obviously fond of Kiyo. Tiyak na tuwang-tuwa ang mga ito kapag nakasal na ang dalawa.
Nanginginig ang mga kamay na dinampot niya ang imbitasyong nakapatong sa mesa niya—ang patunay ng unang kabiguan niya. May isang parte ng pagkatao niya ang gustong punitin iyon at sunugin na lang.
Sinong matinong tao ang gugustuhing pumunta sa engagement party ng lalaking mahal niya sa ibang babae?
Mariing ipinikit niya ang mga mata nang sunud-sunod na magpatakan ang mga luha niya. Kung alam lang niyang ganito kasakit ang magmahal, hindi na sana niya sinubukan pa. Hindi na lang sana niya hinayaang mahulog ang puso niya. Nanatili na lang sana siya sa tahimik niyang mundo.
Sa mundo kung saan kuntento na siyang tinatanaw lamang si Seishiro.
Hindi niya alam kung gaano katagal na siyang nakapikit nang maramdamang tila may nakatingin sa kanya. Dagling nagmulat siya ng mga mata.
Biglang kumabog ang dibdib niya nang makita ang lalaking dahilan ng lahat ng nararamdaman niya—pagmamahal at sakit.
Nakangiti ito habang nakahalukipkip na nakatingin sa kanya. Mabilis na tumuwid siya ng upo. "N-nandiyan ka pala." Aniyang pilit ginagawang normal ang tinig niya.
BINABASA MO ANG
Loving The Charming Prince
RomanceCharlotte had no clue about love. Sa buong buhay niya ay hindi pa niya nararanasan ang ma-inlove. Pero nabago ang lahat ng iyon nang dumating sa buhay niya ang guwapong beterinaryo ng village nila. Seishiro made her feel a lot of different emotions...