CHAPTER 8
"HINDI KA pa ba uuwi?"
Tanong ni Charlotte kay Jadis nang abutan niya ito sa mesa nito na nag-a-ayos ng mga patient records. Katatapos lang niyang bunutan ang huling pasyente niya. Nagpasya siyang mag-half day na lang para maasikaso niya ang mga alaga ni Seishiro.
"Eh, mamaya na, doc. Aayusin ko lang muna ang mga ito. Medyo male-late kasi ako bukas." Paliwanag nito.
Napakunot-noo siya. "Kailangan talagang naka-schedule ang pagiging late mo?"
"Nagpaalam kaya ako sa inyo."
"Kailan?"
"Ngayon." Nginisihan siya nito bago biglang sumeryoso ang mukha. "Uuwi kasi ako ng Bulacan ngayon, doc. May problema sa amin. Nawawala daw ang pinsan ko."
"Nawawala?"
Saglit na natigilan ito. Maya-maya ay bigla itong napangiwi. "Actually, hindi naman kami sigurado kung nawawala nga siya. Lagalag kasi ang babaeng iyon." Ngumiti ito nang balingan siya. "Baka doon na ako matulog ngayon, doc. Bukas na lang ako ng umaga ba-biyahe ulit. I-so-sort out ko lang ang mga ito para bawas trabaho bukas."
Sinilip niya ang mga naka-bukod na files. "Marami ba akong naka-schedule bukas?"
"Medyo." Ngumiti ito. "Pipilitin kong makarating bago mag-lunch, doc."
Tumatangu-tangong inayos niya sa pagkakasukbit ang bag niya. "Okay lang. Tawagan mo na lang ako kapag nagka-problema para alam ko kung darating ka."
Nakangiting tumango ito. "Thank's doc."
"O, siya. Mauna na ako. Ikaw na ang bahala rito." Aniya bago tinungo ang pinto.
Ilang sandali na siyang naglalakad nang sumalit sa isip niya ang pupuntahan niya.
Seishiro's house...
Napakagat-labi siya. Madalas siyang dumaan sa klinika nito, pero, ni minsan ay hindi pa siya nakakarating sa bahay nito. Minsan lang din siyang naka-daan doon dahil nasa North block ang bahay nito samantalang nasa East block naman ang sa kanya.
Unti-unting bumilis ang tibok ng puso niya nang matanaw ang kanto ng North block. Halu-halong mga eksena ang lumilitaw sa isip niya. At karamihan sa mga iyon ay hindi na dapat banggitin pa. Mariing ipinikit niya ang mga mata saka bahagyang ipinilig ang ulo. No. Pupunta siya roon upang asikasuhin ang mga alaga ng binata.
Tama, sang-ayon ng isip niya. Kaya umayos ka, Charlotte!
Hindi niya alam kung gaano katagal na niyang sinasaway ang pag-liliwaliw ng imahinasyon niya. Namalayan na lang niya ang sariling nakatayo sa harap ng maluwang na bakuran ng binata.
Gaya ng karamihan sa mga bahay sa village nila, mababa lang ang gate at bakod ng bahay nito. Maganda ang pagkaka-tubo ng damo sa malawak nitong lawn. Mayabong rin ang mga puno ng ipil-ipil at acacia sa isang sulok na siyang nagsisilbing lilim sa isang maliit na gazebo. Napapalibutan din ang mga puno ng malaking kulungan na puno ng iba't-ibang kulay ng ibon.
Gumawi ang tingin niya sa bungalow sa harap niya. Simpleng-simple lamang iyon pero mukhang napaka-cozy. Mula sa kinatatayuan niya ay tanaw niya ang front porch ng bahay. Gawa iyon sa kahoy. May ilang bonsai plants ding nakapa-ikot roon. May natatanaw siyang animo pond sa kabilang gilid ng bahay.
Hindi na niya matandaan ang hitsura ng bahay na iyon bago nito iyon nilipatan, pero, alam niyang mas maganda iyon ngayong naroon na ang binata.
Biglang lumitaw sa isip niya ang imahe nilang dalawa na nakaupo sa porch habang masayang pinanonood ang isang batang babaeng tumatakbo sa lawn.
BINABASA MO ANG
Loving The Charming Prince
RomanceCharlotte had no clue about love. Sa buong buhay niya ay hindi pa niya nararanasan ang ma-inlove. Pero nabago ang lahat ng iyon nang dumating sa buhay niya ang guwapong beterinaryo ng village nila. Seishiro made her feel a lot of different emotions...