Mula sa isang malaking palaruan ng kanilang lugar, mayroong dalawang batang naglalaro ng mga pinitas na dahon. Habang ang isa ay pinagpupunit-punit ang mga ito, ang isa naman ay sinusubukan itong amuyin. Ngunit sa tuwing papalapit ang dahon sa kanyang mukha upang tikman, siya ay mabilis na napipigilan ng kanyang kasama.
"Madumi nga kasi iyan!" sambit ng batang babae habang sinusubukang hablutin ang piraso ng dahon mula sa kanyang kalaro.
Hindi naman nagpatinag ang isa, bagkus ay tumayo ito at pinagkakalat ang mga punit na dahong nasa binting bahagi ng batang babae. "Ewan ko sa iyo!" Sabay takbo palabas ng lugar.
Subalit, ang batang tumawid pabalik sana ng kanilang bahay — ulong puno ng pagkamuhi mula sa ginawa ng kalaro, walang wisyo, hindi nakatingin sa paligid, nakatakip ang mga tenga, ay hindi napansin ang sasakyang humaharurot sa kanyang direksyon.
Mabilis ang pangyayari. Walang panahon ang drayber at ang bata upang tumauli.
Ang mga gulong ay tumili, sumunod ang malakas na ingay ng pagpinid ang narinig.
Tumilapon ang katawan sa ere. Pagkadapo sa lupa ay kumaskas sa magaspang na aspalto at agad pininturahang pula. Ang likidong naroroon ay dumaloy na para bang naghahabol ng kalayaan. Madali, makapal, madami.
Tahimik ang paligid. Walang busina, ususerong mga tao, o sigawan. Tanging ihip ng hangin ang makaririnig at maririnig. Swerte na lamang kung ang mga puno ay makapagsasalita rin, ngunit ang kalarong babae lamang ang nag-iisang testigo.
Unti-unting bumagal ang sasakyang tila nagdadasal na hindi bata — o ibang tao — ang nabunggo. Hanggang sa huminto ito.
Limang segundo. Tatlongpu. Hanggang sa isang minuto ang nakalipas, hindi pa rin lumalabas ang drayber. Malamang ay nag-iisip kung ano ang susunod na gagawin, tutulungan ba ang bata, o tutulungan ang sariling makalayo sa responsibilidad.
Maya-maya rin ay umusok ang tambutso at umandar ang gulong, pumagaspas na palayong sasakyan. Malinaw ang pinili.
Tatakbo pa sana ang batang babae at balak habulin ang sasakyang nakasagasa, ngunit ano nga bang magagawa ng kanyang apat na taong gulang na mga paa? Ang mas nakalulungkot pa, kung ikukumpara sa kanyang mga kasing-edad, ang batang babae ay hindi pa rin marunong magbasa at hindi ganoon kagalingan sa mga palarong kalsada. Naisip niya, imbis na bigyang atensiyon ang sasakyan, mas makabubuting pumunta siya sa katapat na bahay ng palaruan at kumatok upang makahingi ng tulong.
"Tao po! Tao po!" nagmamadali niyang sigaw mula sa kalsada.
Ngunit kahit anong sigaw at tawag niya ay walang sumasagot o lumalabas mula sa tarangkahan ng bahay. Lumipat siya sa katabing tahanan.
"Tao po! Tao po!" ulit niya.
Tulad ng nauna, walang sumagot sa kanya.
Ipinagpatuloy niya ang gawaing ito hanggang sa kalayuan na ang mga bahay mula sa batang nakahandusay sa kalsada, puno ng dugo, at walang malay. Tulad ng ilan, walang sumagot sa kanyang mga tawag, pakiramdam niya tuloy ay walang gustong tumulong sa kanila.
Ano nga bang alam na gawin ng isang hamak na bata? Nang siya ay nag-umpisang makaramdam ng kawalan ng pag-asa, naglakad na siya pabalik sa katawan ng kanyang kalaro. At noong siya ay liliko na sa kanto, napansin niyang biglang luminis ang paligid at kalsada.
Nasaan ang batang kalaro niya, tanong sa kanyang sarili. Hindi ba at mayroong dugo sa bandang doon, ngunit bakit wala na ngayon? Anong nangyari? Kahit siya ay bata lamang, tandang-tanda niya ang aksidenteng nangyari — dahil sino ba namang makalilimot sa naganap? Talagang mayroong dugo sa bandang doon! Ang suot na tsinelas ng kanyang kalaro ay napatapon pa nga sa kanang bahagi ng kalsada, habang ang katawan ay naiwan sa kabilang banda — ilang hakbang ang pagitan. Naalaala niya rin kung paanong ang mga bahay sa paligid ng palaruan ay mayroong bukas na mga bintana ngunit sa pagkakataong ito, nagmistulang wala nang naninirahan sa loob, hanggang sa buong kapitbahayan! Kahit pa mayroong daga sa kanyang dibdib, mukhang suntok na lamang sa buwan ang pagkakataong mayroong sasagot sa kanyang mga katanungan.
BINABASA MO ANG
Nine Choirs of Heaven
FantasySa loob ng ilang oras ay biglang nagbago ang inaakalang mundo ni Yira. Kung kanina ang problema lamang niya ay kung papaanong makapasa sa kolehiyo, ngayon ay unti-unti nang nalalaman ang katotohanan sa likod ng kanyang tunay na katauhan. Sa gitna pa...