Kung ilalarawan ni Yira ang Lugar ng mga Puro ay isang salita lamang ang kanyang magagamit: normal. Kung iisipin, kapag narinig ng isang tao sa unang pagkakataon ang pangalan ng lugar siguro ay magwawari ito ng palasyo, ginto, malaking hardin, at nagsasayawang mga miyembro sa loob. Ngunit wala ang mga nabanggit sa kung ano ang Lugar ng mga Puro.
Pagkapasok mula sa hindi nakikitang harang, unang mapapansin ang pader na kasing-tangkad ng baywang ng karaniwang taas ng tao. Sa pinakagitnang palugit ng pader ay mayroong mataas na tarangkahang nilagyan ng mga palamuting bulaklak, at mayroong karatulang ang basa ay "El Refugio Seguro." Ang Ligtas na Kublihan man iyan o Lugar ng mga Puro, sa pangalan pa lamang nito, pakiramdam ni Yira ay hindi sila mapapahamak ng sinuman dito. Makahihinga na siya nang malalim.
Maliban siguro sa isang tao. "Alam ko kung anong iniisip mo!" Katabing naglalakad ni Yira si Lucifer nang magsalita ito. "Akala mo siguro ay may mansyon, ano? O kaya may mga sumasayaw na mga magagandang Anghel pagpasok natin, pero sa huli ito ay isang malaking hardin lang."
Tiningnan nang masama ni Yira ang katabi, anong klaseng nilalang ang magsasalita nang ganoon sa presensiya ng mga naghahatid sa kanila!
"Woah, can't you relax? I practically begged The Retired to let me in here, I'm not going to ruin my vacation over petty fights with you, Angels."
"Una, hindi mo ako tinawag sa pangalan ko. Ngayon naman ay nagsasalita ka sa lenggwaheng hindi ko naiintindihan. Gano'n ba kayong mga Demonyo, isinasabuhay niyo ang mga masasamang dila patungkol sa inyo?" naiiritang pangangantiyaw ni Yira.
"Yeah, well, they are not actually rumors."
"Ano?"
Napahaluyhoy lamang si Lucifer. "Sobrang panira talaga iyong pinagkaiba nila ang lenggwahe ng mga Anghel, Demonyo at mga normal na tao, ano? You're missing out on a lot of stuff! I mean, kung ang balak talaga nila ay..." Itinaas ng Demonyo ang kanyang mga hintuturo at hinlalato saka binaluktot itong parehas nang kalahati, "peace, bakit hindi na lang naging isa para sa lahat?"
"Bakit mo ba sa akin itinatanong iyan? Tao lang ako," depensa ni Yira.
"Heh, yeah, right." Tiningnang muli ni Lucifer si Yira mula ulo pababa. "Kung isa ka lang hamak na tao, sige nga, bakit ka narito?"
Hindi nakasagot si Yira dahil siya mismo ay hindi alam ang nangyayari hanggang sa pagkakataong ito.
"I thought so. Kanina ko pa nababasa iniisip mo, kanina ka pa rin nagtataka kung bakit Anghel ang tawag nila sa iyo kung tao ka lang. Nakatatawa, ano?"
Dahil sa mga salita ni Lucifer ay parang mayroong kumurot sa puso ni Yira.
Nang mapagtanto ng Demonyong hindi na sasagot pa sa kanya ang kausap, nagsalita siyang muli na mas lalong nagpakirot ng puso ni Yira. "Ibig-sabihin... kasinungalingan ang buong buhay mo. Oh well, malalaman at malalaman mo rin ang katotohanan. An Angel's fate is inevitable, you know?"
"Yira, huwag mo na siyang pansinin," ani Julie na naglalakad lamang din sa harap nilang dalawa. "Sasabihin din namin sa iyo ang lahat, hindi lang namin inakala na matatagpuan Nila tayo nang mas maaga."
"Sinong nila?" tanong ni Yira.
Tumigil sa paglalakad si Julie at humarap kay Yira. Hinawakan nito ang mga balikat ng anak, tiningnan sa mga mata at sinabing, "Pangako, sasabihin namin sa iyo ang lahat. Sa ngayon, hintayin muna nating gumaling si Era at dumating si Hex."
Si Lucifer na nakita ang palitang usapan ng dalawa ay biglang sumabat muli. "So, kung hindi Niya pala kayo matutukoy, hindi niyo sasabihin sa kanya?" Umiling ito matapos ang sinabi. "Kawawang bata."
BINABASA MO ANG
Nine Choirs of Heaven
FantasySa loob ng ilang oras ay biglang nagbago ang inaakalang mundo ni Yira. Kung kanina ang problema lamang niya ay kung papaanong makapasa sa kolehiyo, ngayon ay unti-unti nang nalalaman ang katotohanan sa likod ng kanyang tunay na katauhan. Sa gitna pa...