Ngunit parang hindi naman ata ito ang daan pabalik sa kung saan ang dapat nilang puntahan... Ang naalaala ni Yira bago siyang pumuntang ilog, ang Lugar ng mga Puro ay isang malawak na dahunan. Ang hinding mabilang na mga bahay-pahingahan ay mayroong mga puno sa likod nito, sariwa rin ang simoy ng hangin, at pawang hindi gumagalaw ang oras.
Habang sinusundan ni Yira ang kanyang Papa, napansin niyang ang lugar na kanilang tinatahak ay napalitan bilang mabulaklak na, wala gaanong mga puno ngunit puspos naman ng mga pananim! Ang haring araw na kanina ay sobrang nakataas ay palubog na ngayon, at mistulang sumusuko na.
Dahil nauuna nang kaunting hakbang ang kanyang magulang, binilisang maglakad ni Yira upang makahabol dito. "Saan po ang gawi natin?" tanong niya.
Hindi siya sinagot nito, nakatingin lamang si Hex nang diretso sa kanyang nilalakaran.
"Pa?" ulit ni Yira.
Pawang walang diwa, hinawi ng magulang ang kamay nito sa harap ng kanyang mukha bago sinabing, "Kumusta ka naman, Yira?"
Kasama ng kakaibang tingin ay, "Ayos lang naman po. Saan po tayo papunta?" tanong ng isa.
Ngumiti si Hex sa sagot ni Yira. "May nalaman ka na ba tungkol sa iyong nakaraan?"
Nagkasalubong ang mga kilay ni Yira dahil napapansin niyang iniiwasang sagutin ng kanyang magulang ang katanungang saan sila papunta. Sa sobrang daming nangyari ngayon, maski siya ay nag-uumpisa nang maghinala! "Uhm, hindi pa po ako sigurado kung—"
"Kilala mo na ba ang mga magulang mo?"
Napatinging mabilis si Yira kay Hex. "Po?"
"Hindi pa siguro. Supongo que no," bulong nito.
Kakaiba ata ang ikinikilos ng kanyang Papa. "Hindi po ba kayo nina Mama Julie ang mga magulang ko?" Dahan-dahang katanungan ni Yira.
Napangiti lamang si Hex. Naka-unat man ang kanyang mga labi at pirming naglalakad, bakas ang kalungkutang nararamdaman nito sa kanyang mga mata. Tama nga sila, ang mga mata ang bintana sa iyong kaluluwa.
"Narito na tayo."
Walang nakitang pinto o kahit anong lagusan si Yira kaya siya ay napahinto. Ang tanging makikita lamang sa gitna ng mga bulaklak ay isang malaking puno ng pino.
Puno ng pagtataka, "Nasaan po sila?"
Ipinakita ni Hex ang kanyang kanang kamay upang ipahayag na mauna na ang dalaga. "Kasunod mo."
Gamit ang daliri, itinuro ni Yira ang puno ng pinong nasa harapan nila. "Dito? Paano po?"
Natawa lamang si Hex sa reaksiyon nito kaya upang siya ay tulungang makapasok, hinawakan ng magulang sa parehong balikat ang anak, at sa hindi malamang pangyayari ay tumagos sila mula sa isang hindi nakikitang halang ng puno. "Ito na ang iyong panahon, Ángel Yira," bulong ng magulang.
-
Mula sa Librong pinagbabasehan ng lahat ng mga kautusan, gawain, misyon, pangalan at kapangyarihan ng mga nasa Paraiso, hindi maikakailang ito ang pinakamahalagang gawang panitikan ng mundo. Sa loob ng limang daang pahina, isa sa mga nakasaad ay ang pagbibigay karapatan sa mga Anghel na magkatawang-tao tuwing Panahon ng Lenten.
Ang mga Anghel ng Paraiso ay nahahati sa siyam na Herarkiya: sa pinakababa ay ang mga Anghel. Nakaatas silang tulungan at gabayan ang mga taong naninirahan sa Gitna upang ito ay mamuhay nang payapa, masagana, at makaiwas sa mga sakuna. Patungkol sa pananamit, sila ay nakasuot ng mga balabal na sa tanging kaliwa lamang ang mayroong manggas, habang ang kanilang mga baywang ay mayroong nakapalibot na gintong sinturon. Ang mga Anghel ang saligan ng mga nilalang sa Paraiso — at ng lahat — kahit sila ay nasa ibabang ranggo, ang kanilang kahalagahan ay hindi maaaring ikumpara sa mga sumunod sa kanila.
BINABASA MO ANG
Nine Choirs of Heaven
FantasySa loob ng ilang oras ay biglang nagbago ang inaakalang mundo ni Yira. Kung kanina ang problema lamang niya ay kung papaanong makapasa sa kolehiyo, ngayon ay unti-unti nang nalalaman ang katotohanan sa likod ng kanyang tunay na katauhan. Sa gitna pa...