Ito ang unang pagkakataong nasulyapan ni Yira ang pasilyo ng sinasabi nilang Kailaliman.
Kumpara sa Lugar ng mga Puro at ang lupaing nasasakupan nito, ang Kailaliman ay isang malaking mansyong naglalaman ng maraming palamuti. Ang mga gilid at pader ay mayroong nyutral na kulay lamang — puti, itim, malamaya, kayumanggi, minsan ay ginto. Sa kanyang itaas ay magkakahilerang aranyang halos pareho ang hugis — mga barok na kristal. Kung titingnan mula sa kisame ay nagmimistula itong bituin sa pagningning, kumikinang tulad ng tubig na tinatamaan ng sinag ng araw.
Mayroong mga modernong pintuan ding gawa sa salamin. Matangkad ang pagkakagawa, dalawa ang lagusan, at gintong mistulang salamin ang ginamit bilang dekorasyon. Ang iba sa mga ito ay kulay malamaya, at puti. Ngayon lamang ito napansin ni Yira ngunit kapareho nito ang pintuang mayroon ang kanyang silid. Naisip niya, Buti na lamang at hindi sila naliligaw dito. Pare-pareho ang disenyo ng lugar!
Bilang nakatingin sa kanyang harapan, pansin niya ang sahig na mayroong materyal na nagbibigay ng malambot, at mainit-init na kalatagan sa mga naglalakad na nilalang. Ang mga hibla ng alpombrang pinanggugulungan ng upuang de-gulong ni Yira ay sobrang lambot, at makapal na para bang hindi ramdam ang hirap ng pagtulak sa kanya — para ba ngang walang nakasakay dito dahil sa sobrang gaan niya. Kumpara sa nakasanayang kulay ng paligid, ang tumpok na saksonya nito ay kulay kalimbahin — nangingibabaw sa buong mansyon.
Sa kalayuan ay ang hagdang papunta sa ibang palapag ng lugar — hindi alam ni Yira kung ilan ang mayroon dito, ngunit maaari niyang tanungin siguro — na ang barandilya ay ginto, at mayroong mga estatwang agila sa magkabilang gilid. Pagkalagpas ng hagdang gawa sa laryo ay mayroong pasilyo ulit na katulad na katulad sa itsura ng pinagmulan nina Yira.
Ang mga ilaw ay naglalabas ng malakahel na aninag. Ang kondisyon ng loob ng mga silid ay iba sa pangkabuuang itsura ng lobi ng Kailaliman. Moderno ang disenyo ng lugar — hindi mahahalatang mga Demonyo pala ang nakatira at namumuhay sa loob.
Kung anong ikinaaliwalas ng lugar, ganoon naman ang ikinasalungat ng mga nilalang na narito.
Napansin ni Yira ang isang itim na pintong gawa sa kahoy. Akala niya ay doon sila papasok ngunit dumiretso lamang ang nilalang na tumutulak sa kanya at lumiko papasok sa katabing pintong puti na mayroong ginto sa kaliwa nito.
Hindi niya maiwasang magtanong. "Anong meron sa pintong iyon?" Turo niya sa nakita.
"Bawal diyan," sagot ng isa.
Hindi mo naman ako sinagot, isip niya.
Wala naman talagang inakala si Yira sa magiging itsura ng bago niyang silid, ngunit nagulat pa rin siya nang makitang magkaparehong-pareho ang nauna at sa ngayon. Ang pwesto ng kahon, pagkawalang bintana, ang palausukan, at ilang mga silya ay ganoon din! Sino man ang makapapasok dito ay maiisip na nawalang imahinasyon ang arkitekto ng lugar.
Hininto ng nilalang ang upuang de-gulong sa tabi ng higaan, binitawan ang hawakan sa likod, at pumunta sa sulok ng silid — nakaharap sa pader.
Nagulat si Yira dahil dito. "Anong ginagawa mo?"
"Matutulog. Nakakapagod ang maglakad," ani nilalang.
Hinawakan ni Yira ang itaas na bahagi ng gulong upang paandarin. "Saglit, diyan ka talaga matutulog? Ayaw mo sa upuang naroon?" Turo niya sa silyang ilang hakbang lamang ang layo mula sa nilalang.
Humaluyhoy lamang ang kausap. "Ugh, too bothersome. I am already tired for today..."
At dahil hindi naman naintindihan ni Yira ang sinabi nito, naisip niyang mas magandang hindi na lamang ito istorbohin. Papaanong makatutulog siya sa ganoong posisyon?
BINABASA MO ANG
Nine Choirs of Heaven
FantasySa loob ng ilang oras ay biglang nagbago ang inaakalang mundo ni Yira. Kung kanina ang problema lamang niya ay kung papaanong makapasa sa kolehiyo, ngayon ay unti-unti nang nalalaman ang katotohanan sa likod ng kanyang tunay na katauhan. Sa gitna pa...