Nagkamali ng hatol si Yira tungkol sa Lugar ng mga Puro. Hindi ba at dapat ay payapa ang lupaing ito? Bakit biglang nagkakaroon ng lindol at mayroong gustong kumuha sa kanila?!
Matapos idabog ng May Banal ang mesang kanilang ginamit upang takpan ang mga sarili sa mga nahuhulog na bagay sa loob ng silid, pinalibutan nina Era, Julie, at Hex ang dalaga.
Ang mga kandilang pinagmumulang ilaw ay napalitan ng liwanag ng buwan dahil nabuksan at sinira ang katawan ng puno ng pinong nagsisilbing pader ng silid-tagpuan. Nakatatakot ding tumakas dahil napansin ni Yira na mayroong mga nilalang na nakatayo sa mismong dako kung saang giniba ang lagusan.
Matapos ang rebelasyon, mayroong ulit na kaganapan. Ayaw ba nilang pagpahingahin muna si Yira?!
"Serapin, anong nangyari sa iyo?" tanong ng May Banal.
Tuminging diretso si Yira sa taong nagsalita. Ang nilalang na ito ay mayroong mahabang buhok na umaabot sa kanyang bisig, balbas na natatakpan ang buong leeg, at mga matang para bang umaapoy. Mahinhin ang boses na maririnig, ngunit kasalungat nito ang ekspresyong ipinapakita sa kanilang apat.
Nakapangingilabot.
At dahil walang sumagot sa kanilang apat, mabilis silang nakarinig ng kaluskos mula sa kanilang likod. Ang mga Anghel na kanina ay nakaharang lamang sa lagusan, ngayon ay pumalibot sa kanilang apat. Dahil sa kabang nararamdaman ni Yira, sinubukan niyang hawakan ang manggas ni Julie.
Kahit pa masasabing pagpapanggap lamang ang lahat, sa haba ng panahong pinagsamahan nila sa iisang bahay ay nababasa na ni Julie si Yira mula sa maliliit na kilos nito. Kaya ay inabot ng nakatatanda ang kanyang kamay sa likod nito, senyales upang hawakan ni Yira bilang suporta.
Syempre, nakita ng May Banal ang interaksyong naganap. "Aw, qué dulce! Me pregunto qué pasará después de lo que te pasó. Napakalambing talaga!" Ngisi ng nilalang, at saka nawala. "Ngayon, nasaan ang Libro?"
"Wala kaming kinalaman sa pagkawala ng Libro," ani Hex.
Humingig ang isa. "Sinungaling. No te creo."
Nakita ni Yira kung paanong hinawakan ni Julie sa braso si Era bago umiling. "H'wag," bulong nito.
Halata ang bakas ng walang-magawa sa mukha ni Era. Pumikit siyang saglit upang pakalmahin ang sarili bago sinabing, "Paano Mo kaming natukoy?"
Nagkibit-balikat lamang ang May Banal. Lumapit ito ng ilang hakbang paharap hanggang sa makatapat niya si Era. "Mahal kong Serapin..." sabi niya habang ang daliri ay nakahawak sa baba ni Era. "Kailan ka ba babalik sa ating Upuan? Ako lang ang naroon. Te soledad sin ti."
Sinampal ni Era ang kamay na nasa kanyang tapat. Punung-puno ng pagkamuhi ang ekspresyon nito. "Kahit kailan ay hindi ako babalik sa Paraiso dahil sa mga kagagawan Mo."
Pinagmasdan lamang ng May Banal ang kamay na nagkaroon ng pulang bakas dahil sa pagkasampal. Tumawa itong kaunti at hinaplos-haplos na para bang ipinapahiwatig na kalapastanganang hawakan siya, lalo na kung ang mayroong sala ay mas mababang nilalang kaysa sa kanya. "Oh?" Pagtaas nito ng kilay pagkatingin kay Era. "Hindi naman siguro ganoong kasama ang ginawa ko sa Paraiso... Kung ako ang tatanungin, mas bumuti nga ang lugar natin?"
"Manahimik ka! ¡Mierda!"
Para bang sa isang hudyat, ang mga Anghel na nakapalibot ay naglabas ng mga espada, at itinapat sa kanila! Nagulat ang lahat sa nangyari kaya ay mas pinaliit nila ang palibot kay Yira upang maprotektahan ito, habang hawak-hawak pa rin ni Julie ang kamay ng dalaga; liban sa May Banal na taas-noong nakatayo sa gitna.
"Sa haba ng panahong iyong ginugol sa Gitna ay natuto ka nang sumagot, ano?" tanong nito na mayroong pahiwatig ng pagkamangha.
Hindi nagugustunan ni Era ang tono ng kausap. "Hindi Ka karapat-dapat bigyang respeto."
BINABASA MO ANG
Nine Choirs of Heaven
FantasySa loob ng ilang oras ay biglang nagbago ang inaakalang mundo ni Yira. Kung kanina ang problema lamang niya ay kung papaanong makapasa sa kolehiyo, ngayon ay unti-unti nang nalalaman ang katotohanan sa likod ng kanyang tunay na katauhan. Sa gitna pa...