Kabanata 4

284K 15.4K 26.8K
                                    

[Chapter 4]

ILANG ulit kong ginuguhit sa lupa ang mga pangalan ng characters sa istorya ko. Nasa likod ako ng kusina ng panciteria ni Aling Pacing. Kakaalis lang ni Sebastian at ng mga kawal na kasama niya. Malalim na ang gabi at maliwanag ang kabilugan ng buwan. Hindi pa rin mawala sa aking isipan ang ginawa niya kanina.

"Alas-sais nagbubukas ang tanggapan ng heneral" bulong niya dahilan upang tuluyan na akong hindi makagalaw sa gulat dahil ang code na iyon ay siyang ginagamit ng mga espiya.

Naramdaman kong humakbang na siya paatras, "Babalik na lang ho kami bukas ng mas maaga" saad ni Sebastian na ikinatulala nina Aling Pacing at Mang Pedro, siguradong kinabahan sila sa pag-aakalang aarestuhin sila ng mga guardia, kakain lang pala ang mga ito.

Maging ako ay tulala ring nakatalikod sa kanila suot ang balabal na ipinatong ni Sebastian sa ulo ko. Noong una ay hindi ko maintindihan kung bakit niya ginawa iyon pero nang subukan kong lumingon sa kanila, naroon din ang mga guardia na kasama niyang nagparusa sa mga bilanggo na siguradong makikilala ako.

Sumakay na sila sa mga kalesang nakaabang sa labas ng Panciteria. Nang makaalis na ang mga ito ay napahawak na lang si Mang Pedro sa katabing silya, nanghina ang kaniyang tuhod sa kaba.

"Ngayon ko lang nasilayan ng ganoon kalapit ang binatang anak ni Don Antonio, kay guapo" wika ni Aling Pacing, kumpara sa kanilang dalawang mag-asawa mukhang hindi naman nataranta si Aling Pacing sa pagdating ng mga kawal.

"Mapanganib ang heneral na iyon" saad ni Mang Pedro na napahawak pa sa kaniyang dibdib.

"Oh, Tanya hija, ikaw ba ay lalabas?" tanong ni Aling Pacing dahilan upang matauhan ako. Agad kong tinanggal ang balabal saka umiling.

"M-may tao po kaya sa palikuran?" pag-iiba ko ng usapan, hindi ko na hinintay ang sagot ni Aling Pacing, mabilis akong naglakad papunta sa palikuran at sinarado iyon. Hindi ko malaman kung bakit ako kinabahan ng gayon, gulong-gulo na ako sa character ni Sebastian!

Napatitig ako sa pangalan niya na isinulat ko sa lupa, binilugan ko iyon. "Kalaban si Sebastian, syempre alam niya ang code ng mga espiya ng pamahalaan na ginagamit para tugisin ang mga rebelde. Pero bakit niya sinabi sa akin iyon? Iniisip ba niyang kasapi ako sa mga rebelde at gusto niyang maging espiya ako sa grupo at ibalita sa kaniya ang lahat?" napatayo ako nang pumasok sa utak ko ang ideyang iyon. Wow! Gagawin pa akong trahidor ng character na 'to ha!

Inihagis ko na ang batong hawak ko na siyang ginamit ko para iguhit ang mga pangalan ng character at binura ang mga iyon gamit ang aking paa. Napatingin ako sa suot kong bakya, ang sakit din pala nito isuot araw-araw.

Napatigil ako nang maalala ko na nawawala nga pala ang isang piraso ng white shoes ko. Siguradong naiwan iyon sa bilangguan. Maging ang sling bag ko ay nawawala rin, 'yung denim skirt at white long sleeve shirt ko na may nakasulat na Hope lang ang naitago ko ngayon dito.

Kinagat ko ang aking daliri, isang mannerism na palagi kong ginagawa kapag nag-iisip ako ng mabuti. Ngunit napadura rin ako nang maalala kong humawak pala ako sa lupa kanina. Babalik na lang sana ako sa loob ng panciteria nang biglang may isang lalaki ang mabilis na lumundag papasok sa bakod.

Napatigil ito at gulat ding napatingin sa akin, hindi niya siguro inaasahan na may taong nakatambay ngayon dito kahit hatinggabi na. Nagtama ang aming mga mata, nakasuot siya ng puting kamiso de tsino at salakot. Hindi ko maitatanggi na ang ganda ng kanyang tindig, makapal na kilay, bilugang mata at matangos na ilong.

Siya ang unang umiwas ng tingin at ibinaba niya ang suot na salakot upang hindi ko makita ang kaniyang mukha. Pero huli na ang lahat, nakita ko na siya. Kung magbabase ako sa kutob, malakas ang pakiramdam ko na siya si Lorenzo! Sa wakas, nakita ko na rin ang bida sa aking istorya!

Salamisim (Published by Anvil Publishing Inc.)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon