Kabanata 30

234K 14.7K 36.9K
                                    

[Chapter 30]

MAALIWALAS ang kalangitan, malayang lumilipad ang mga ibon sa kalangitan. Maingat kong hinihimas ang buhok ni Sebastian habang nakahiga siya sa damuhan at nakapatong ang kaniyang ulo sa aking hita. Nasa ilalim kami ng isang malagong puno habang sinasayaw ng hangin ang matataas na talahib sa paligid.

Patuloy ang pag-ihip ng sariwang hangin na sinasabayan ko ng paghiging dahilan para makatulog nang mahimbing si Sebastian. Bukod sa iniisip niya pa ring panaginip ang lahat ng ito, hindi ko rin siya masisisi dahil nakainom siya ng alak.

"Huwag ka na umalis" saad niya habang nakapikit ang kaniyang mga mata. Iginuhit ko ang aking daliri sa kaniyang kilay. "Dito na lang tayo habambuhay" patuloy niya, napatigil ako sa paghiging. Magkahalong lungkot at saya ang naramdaman ko sa sinabi niya. Dahil imposibleng mangyari iyon. Imposibleng magkatuluyan ang isang tao at ang isang tauhan na nabubuhay sa loob ng kwento.

Napahinga ako nang malalim saka pinagmasdan ang paligid. Ano ang mangyayari sa amin kung sakaling piliin kong mabuhay dito?

"Mas iibigin kong mabuhay nang payapa rito kasama mo" muli akong napatingin sa kaniya. Bakas sa kaniyang mukha na pagod na siya. Pagod na pagod na siya sa lahat ng kalungkutan at kasawian na kinamulatan niya mula pagkabata. Wala nang halaga sa kaniya ang anumang karangalan, posisyon, kapangyarihan at karangyaan.

"Ngunit..." pinigilan ko ang aking sarili, hindi ako pwedeng umiyak sa harapan niya. Hindi ko dapat iparamdam sa kaniya na malungkot ang panaginip na ito. "Marami ka pang tungkulin na dapat tapusin. Kumbaga sa isang kwento, may mahalaga kang papel" saad ko, nakita ko ang paggalaw ng kaniyang adam's apple na para bang may gusto siyang sabihin pero pinili niyang huwag ituloy.

"Kailangan mong patunayan sa lahat na hindi ikaw ang Sebastian Guerrero na maraming pinarusahan, pinabilanggo at pinaslang. Hindi ikaw ang Sebastian na makasarili sa pag-ibig. Hindi ikaw ang kontrabida sa isang nobela" dahan-dahan niyang iminulat ang kaniyang mga mata at pinagmasdan ako. Umiwas ako ng tingin at agad kong pinunasan ang mga luha kong hindi na matigil sa pagbagsak.

Iniangat niya ang kaniyang kamay habang nakahiga pa rin sa hita ko at maingat niyang pinunasan ang aking mga luha. "Hindi sa akin mahalaga kung anumang isipin ng iba. Maaari nilang isipin kung anong gusto nila. Ang mahalaga ay naniniwala kang hindi ako masamang tao tulad ng sinasabi nila" napapikit na lang ako at tumango sa sinabi niya. Kasalanan ko kung bakit puro malulungkot at pagkasawi ang nararanasan niya.

Hinawakan ko ang kamay niya at tumingin ng diretso sa kaniyang mga mata. "N-ngunit kailangan mo iligtas ang mga buhay na nanganganib ngayon. Hindi ba't sinabi mo sa akin na walang buhay ang dapat mawala nang walang dahilan" paalala ko sa kaniya, napaiwas siya ng tingin sa'kin at ibinaba na niya ang kaniyang kamay.

Kasalukuyan na niyang pinagmamasdan ang asul na kalangitan at mapuputing ulap. "Kailangan kong mabigyan ng katarungan ang iyong sinapit. Wala akong nagawa noong namatay ang aking ina, isa akong batang mahina, walang kapangyarihan at walang muwang"

"Ngunit ngayon iba na. Hindi ko hahayaang mauwi sa wala ang nangyari sa iyo" patuloy niya, hindi ako nakapagsalita at napayuko na lang. Kagabi pa sumasagi sa isipan ko na maaaring si Berning o Roberto ang nagtangkang pumatay sa'kin dahil nilaglag ko sila sa hukuman.

Itinaas ni Sebastian ang kaniyang kamay na parang inaabot niya ang mga ulap sa langit. "Ano ang hitsura ng langit?" tanong niya, sandali ko siyang pinagmasdan. Animo'y ibig niyang iparating sa akin na gusto na rin niyang matapos ang lahat at sumunod sa kabilang buhay.

"Aking napagtanto na alinmang kamatayan ang aking sasapitin ay maluwag ko nang tatanggapin iyon. Maiiwan ba akong duguan sa loob ng isang selda? Mahahatulan ng kamatay sa harap ng taumbayan sa paraan ng garrote?" ang kaniyang mga mata ay tuluyan nang nabalot ng lungkot at kawalan ng pag-asa. "Alinman doon... Hindi na sa akin mahalaga" patuloy niya saka ibinaba ang kaniyang mga kamay at muling ipinikit ang kaniyang mga mata.

Salamisim (Published by Anvil Publishing Inc.)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon