Kabanata 25

204K 13.6K 18.2K
                                    

[Chapter 25]

DALAWANG araw na ang lumipas mula nang mabilanggo si Sebastian nang dahil kay Amalia. Naging tahimik ang lahat. Taliwas sa inaasahan kong pag-aalsa ng mga rebelde. Siguro ay mas pabor sa kanila na ligtas si Amalia at si Sebastian na isa sa mga kalaban nila ang nasa bilangguan ngayon.

Hindi lumalabas ng silid si Amalia, ilang manggagamot na rin ang dumating upang gamutin ang mga sugat niya. Si Aling Pacing lang ang nakakapasok sa loob ng kwarto niya. Bantay-sarado rin ang buong Panciteria ng mga guardia civil. Sarado rin sa lahat ang Panciteria. Maging ang buong pamilihan ay naging matamlay ang kita dahil natatakot ang lahat lumabas ng bahay.

Ayon kay Roberto, para raw protektahan si Amalia na siyang testigo laban kay Sebastian dahil siguradong gagawa ng paraan si Don Antonio para gantihan ang pamilya nila Aling Pacing. Pero duda ako roon, sa palagay ko ay gusto lang din bantayan ni Roberto ang pamilyang ito at siguraduhing hindi magtataksil sa kaniya.

Pinapakiramdaman ko sina Aling Pacing at Mang Pedro kung may ideya na tinulungan ko rin tumakas sina Amalia at ang kasintahan nitong guardia civil ngunit sa tingin ko ay hindi sinabi ni Amalia dahil hindi naman nagbago ang pakikitungo sa'kin ng mga magulang niya.

Nababakas lang sa kanilang mukha ang matinding suliranin lalo na't mas lalong lumulubha ang kalagayan ni Amalia. Hindi siya makakain at palagi siyang sumusuka ng dugo.

Isang hapon, habang nagpapahinga ang lahat. Maingat akong pumasok sa loob ng kwarto ni Amalia. Wala si Mang Pedro na nagbabantay sa pintuan. Dahan-dahan kong isinara ang pinto. Madilim ang loob ng kwarto ni Amalia kahit hapon pa lang.

Nagkalat sa sahig ang mga halamang gamot na sa tingin ko ay sinubukan nilang lahat mabawasan lang ang sakit na nararamdaman ni Amalia mula sa mga tinamo niyang sugat at pasa. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang kalagayan ni Amalia. Hinang-hina siyang nakaratay sa kama at nababalot ang kaniyang tiyan ng kung anu-anong halamang gamot na tinali gamit ang isang puting tela na may bakas ng dugo.

"I-inay..." wika niya, maging ang mga mata niya ay tila wala nang buhay. Dahan-dahan akong umupo sa tabi ng kama at hinawakan ko ang kaniyang kamay. "T-tanya?" saad niya na parang hindi pa siya sigurado kung sino ang taong nasa tabi niya ngayon.

Tumango ako sa kaniya. "Oo, a-ako ito" maging ang aking lalamunan ay nanginginig na. Mali ang ginawa niya nang ituro niya si Sebastian matapos namin siyang tulungan ngunit alam kong may dahilan kung bakit niya nagawa iyon. Bukod doon, dismayado ako sa aking sarili at sa mga nangyayari dahil hindi pa rin namin sila nagawang iligtas ng kasintahan niya.

Unti-unting tumulo ang luha ni Amalia habang nakatingin sa'kin. Sinubukan niyang abutin ang aking mukha ngunit wala nang sapat na lakas ang kaniyang mga kamay. "P-patawarin niyo ako... Hindi ko ibig na mapahamak si señor Sebastian" isinubsob ko ang aking mukha sa mga kamay niya. Tuluyan na ring bumagsak ang aking mga luha na ilang araw ko nang pinipigilan.

"P-pinapili niya ako kung sino ang ibig kong iligtas... Ikaw o si señor Sebastian. Ibig rin idawit ng heneral ang aking mga magulang at ang mga manggagawa rito sa Panciteria kung hindi ko ituturo si señor Sebastian" napatulala ako sa kaniya habang dumadaloy ng dahan-dahan ang luha sa aking mga mata.

Muli siyang napahikbi ngunit nahihirapan na rin siya magsalita lalo na't malaki ang tinamo niyang sugat sa tiyan na parang sinasaksak siya ng paulit-ulit sa bahaging iyon. "M-maaari mo ba akong ihingi ng tawad kay señor Sebastian? A-aking nararamdaman na hindi na ako magtatagal pa" patuloy ni Amalia, pilit akong umiling sa huling sinabi niya. Hindi pwede. Hindi siya pwedeng mamatay.

"H-huwag mong sabihin 'yan. Maraming kakilalang mangaggamot ang iyong mga magulang. Gagaling ka rin Amalia. Huwag kang sumuko pakiusap" saad ko, naudlot lang ng isang linggo ang kamatayan niya pero hindi ko pa rin matanggap na mauuwi pa rin sa kasawian ang kaniyang character.

Salamisim (Published by Anvil Publishing Inc.)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon