Kabanata 27

241K 15.4K 48.8K
                                    

[Chapter 27]

KAGABI ko pa gustong magpalamon sa lupa dahil sa kahihiyang nangyari sa loob ng isang silid sa hukuman. Hindi ako makakain ng maayos at hindi rin ako nakatulog buong gabi. "Tanya, maaari mo bang dalhin ito kay Amalia?" tanong ni Aling Lucia, tumango ako saka kinuha ang isang kahoy na tray na naglalaman ng lugaw at isang basong tubig.

Tulala akong umakyat papunta sa kwarto ni Amalia. Kakatapos lang nila mag-rosaryo ni Aling Pacing. Hinalikan niya ang noo ng anak saka tumango sa'kin. Sa paglipas ng araw mula nang malaman nila na kasapi rin ako sa rebelde, unti-unti na rin nilang natanggap at naintindihan ang aking dahilan kung bakit hindi ko agad sinabi sa kanila na kaanib ako sa samahan.

Umupo na ako sa bakanteng silya sa tabi ng kama ni Amalia at inilapag sa maliit na mesa ang dala kong pagkain. "May bumabagabag ba sa iyong isipan, Tanya?" tanong niya, unti-unti na ring bumabalik ang kulay niya. Maging ang kaniyang sigla at boses ay nanunumbalik na rin.

Kinuha ko na ang mangkok na naglalaman ng lugaw saka napabuntong-hininga. Napapikit na lang ako nang maalala ko na naman ang nangyari kagabi.

"Sebastian, bago mo makalimutan ang lahat, ibig kong malaman mo na... Gusto kita" pag-amin ko sa kaniya habang hinihintay ang pagpatay ng apoy at pagkawala ng liwanag sa buong paligid.

Napatulala si Sebastian sa sinabi ko, ngumiti lang ako sa kaniya.

"Faye..." saad niya sabay hawak sa lampara. Agad kong tinaktak ang lampara. Hindi ako makapaniwala na hindi ito namatay!

"Shocks! Bakit hindi namatay?" gulat kong tanong at tinaktak pa iyon ng tatlong beses. Tulala lang sa akin si Sebastian na para bang hindi siya makapaniwala na matapos akong umamin sa kaniya ay mas mahalaga sa'kin ang sindi ng lampara kaysa sa sasabihin niya.

Napapikit na lang ako, ramdam ko ang pag-init ng aking mukha. Hindi ganito ang dapat mangyari. Agad kong binuksan ang lampara at pinatay iyon gamit ang aking hininga. Napahinga ako ng malalim nang dumilim ang buong paligid.

Ngunit napatigil ako nang marinig ko muli ang boses ni Sebastian, "B-bakit mo pinatay ang sindi ng lampara?" tanong niya, ramdam ko ang pagkabigla at kaba sa kaniyang tono na para bang nagdadalawang-isip siya sa gustong kong mangyari sa aming dalawa ngayon sa silid na ito na tanging kaming dalawa lang ang makakaalam.

Agad akong napaatras. Ilang segundong naghari ang katahimikan sa pagitan namin. Rinig ko ang kaniyang bawat paghinga. Tila naistatwa ako sa kaing kinatatayuan nang maramdaman ko ang mainit at magaspang niyang palad na dumampi sa aking kamay nang kunin niya ang lampara.

Ilang sandali pa, muling nagkaroon ng sindi ang lampara. Hindi ko alam kung paano nangyari iyon pero narinig ko ang pagkiskis ng posporo. Ipinatanong ni Sebastian ang lampara sa isang mesa at muling tumingin sa'kin.

Agad akong napaiwas ng tingin habang nakahawak pa rin sa tapat ng aking puso. Gusto kong magsisisigaw at magwala ngayon dahil wala na akong mukhang maihaharap sa kaniya. Umamin na ako. Ako pa talaga ang mapangahas na naunang umamin kahit hindi naman dapat dahil wala naman ako sa kwento.

Magsasalita na sana siya ngunit mabilis akong tumakbo papunta sa pintuan, binuksan ang pinto saka nagtatakbo papalabas ng hukuman na parang nakakita ako ng multo.


"Maaari mo namang ibahagi sa akin kung anuman ang gumugulo ngayon sa isipan mo" natauhan ako nang muling magsalita si Amalia. Napapikit na lang ako saka napahilamos sa aking mukha. "Anong gagawin ko? Pinahiya ko 'yung sarili ko sa harap ng isang... lalaki" saad ko, gusto kong mag-break down ngayon. Nakakahiya talaga.

Napaisip naman si Amalia, bakas sa mukha niya na hindi niya masyado maintindihan ang problema ko. "Ipinahiya mo ang iyong sarili sa harapan ng isang ginoo?" ulit niya. Umupo ako nang maayos saka muling humarap sa kaniya. "Oo, parang gano'n na nga" saad ko saka isinubsob ang aking mukha sa kumot niya.

Salamisim (Published by Anvil Publishing Inc.)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon