Kabanata 32

260K 14.9K 38.8K
                                    

[Chapter 32]

ISANG putok ng baril ang umalingangaw sa paligid dahilan para magulat kami ni Roberto. Dumaplis ang bala sa tagiliran ni Roberto dahilan upang mabitawan nito ang hawak na espada at muntikang mawalan ng balanse.

Gulat kaming napalingon sa pinanggalingan ng putok ng baril. Nanlaki ang aking mga mata nang makita si Sebastian na nakasakay sa kabayo kasama ang lima pang guardia na nakasakay din sa kani-kanilang mga kabayo.

Nakatutok ang mahabang baril na hawak ni Sebastian kay Roberto. " (HALT!) agad napaatras si Roberto at mabilis nitong tinakpan ang kaniyang mukha saka tumakbo papunta sa masukal na gubat. Agad siyang hinabol ng mga guardia civil sa utos ni Sebastian.

Dali-daling bumaba si Sebastian sa kabayo at tumakbo papalapit sa'kin. Hinawakan niya ang magkabilang balikat ko ngunit tila hindi ko iyon maramdaman. Namamanhid at nanginginig ang aking buong katawan.

Agad tinabas ni Sebastian ang manggas ng kaniyang uniporme upang ipangtapal sa leeg kong may sugat at dumudugo na ngayon. Tila lumalabo ang aking paningin at umiikot ang paligid, ang huli kong natatandaan ay nagawa akong buhatin ni Sebastian pasakay sa kabayo at papalayo sa lugar na iyon.


NAALIMPUNGATAN ako sa maligamgam na tubig mula sa basang tela sa aking kamay. Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata. Nakita ko si Sebastian sa aking tabi habang maingat na pinupunasan ng basang tela ang kamay ko na may bahid ng tuyong dugo.

Natuyo na rin ang ilang patak ng dugo sa damit ko. Nasa loob kami ng nag-iisang silid dito sa aklatan. May isang nakasinding lampara sa tabi ng kama kung saan ako nakahiga. Madilim at malamig ang paligid, hatinggabi na siguro o madaling araw.

Sandali ko siyang pinagmasdan, hindi niya pa alam na gising na ako. Nababalot ng matinding lungkot at pag-aalala ang mukha niya. Kaya pala nararamdaman ko na problemado siya nitong mga huling araw ay dahil nililitis siya sa hukuman at pinagkakaisahan ng lahat.

Dahan-dahan kong iniangat ang kanang kamay ko upang hawiin ang buhok na tumatama sa kaniyang kilay. May bahid din ng dugo ang uniporme niya, hindi pa siya nakapagpalit ng damit at siguradong hindi pa siya nakakain.

Napatigil siya nang mapansin niya ang kamay kong unti-unting papalapit sa kilay niya. Napatingin siya sa'kin. Animo'y tuluyang naglaho ang labis niyang pag-aalala. Bago pa maabot ng kamay ko ang buhok niya ay hinawakan na niya ito.

"M-may masakit ba sa iyo?" tanong niya, malalim ang kaniyang mga mata. Tulad ng gabing walang buwan sa kalangitan.

Umiling ako nang dahan-dahan, sa pagkakataong iyon ay hindi ko napigilan ang pagpatak ng luha ko na dumaloy sa aking tenga. Napayuko si Sebastian, isinangga niya ang aking kamay at hinalikan iyon saka nagkubli roon upang hindi ko makita ang pagbagsak ng kaniyang luha.

Si Sebastian 'yung tipo na hindi umiiyak sa harap ng iba. Minsan ko lang siyang nakitang ganito, lango siya sa alak. Ngunit ngayon hindi, magkahalong puyat, pagod, problema, pag-aalala at takot ang nararamdaman niya para sa aming dalawa. Humihikbi siya, ramdam ko ang mainit niyang mga luha sa aking kamay.

Hindi ko maigalaw ang aking leeg, gusto kong bumangon at yakapin siya pero mas lalo kong nararamdaman ang hapdi ng mahabang guhit na aking tinamo. Kung hindi dumating si Sebastian, tuluyan nang bumaon ang matalim na espada sa aking lalamunan.

Ilang minuto kaming nabalot ng katahimikan at pagtangis na pareho naming ayaw ipakita sa isa't isa. Ipinikit ko na lang ang aking mga mata habang patuloy ang pagdaloy ng aking tahimik na luha. Ano nga ba ang mas masakit? Ang pisikal na sugat na siyang tatapos sa buhay ko o si Sebastian na maiiwan mag-isa sa loob ng kwentong ito?

Salamisim (Published by Anvil Publishing Inc.)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon