[Chapter 17]
MABILIS akong gumapang sa ilalim ng kumot at itinaklob iyon. Narinig ko ang mabagal na hakbang ni Sebastian papasok. Nanatili lang si Ornina sa tapat ng pintuan habang nakatalikod. Ano bang ginagawa ni Sebastian dito sa kalagitnaan ng gabi?
Narinig ko ang paggalaw ng silya. Siguro ay umupo siya roon. "Ibig kong humingi ng paumanhin. Batid kong natutulog ka na kung kaya't hindi na kita gigisingin" panimula niya. Binuksan niya ang bintana dahil narinig ko ang pag-usog niyon.
Pinagpapawisan ako sa kaba. Inangat ko nang kaunti ang kumot upang silipin siya. Nakatingin lang siya sa bintana habang nakaupo sa silya. "Sa katunayan, may bumabagabag sa aking isipan. Batid kong paniginip lamang iyon na maaaring kaya ko nararanasan dahil natunghayan ko kung paano namatay si ina. Hindi ba't nakwento ko na iyon sa iyo noong mga bata pa tayo?" patuloy niya saka napahinga nang malalim at tumingin sa sahig. "Marahil ay hindi mo na siguro naaalala"
Napapikit na lang ako. Hindi na talaga naaalala ni Maria Florencita dahil ginawa ko ang character niya na tanging si Lorenzo lang ang kaniyang iibigin. Lahat ng tungkol kay Sebastian ay hindi mahalaga sa bidang babae.
Iyon naman ang dapat mangyari hindi ba? Palaging nauuwi sa wala ang pag-ibig ng second male lead. Dahil sila lang naman ang mga characters na susubok sa tatag ng pagmamahalan ng dalawang bida sa istorya.
"Hindi ko batid kung bakit ganito ang aking nararamdaman. Tila may kulang sa mga nangyayari. Pakiramdam ko ay may nasasabihan ako ng mga ganito noon ngunit wala akong maalala. Pilit kong hinahanap sa iyong tingin kung ikaw ba ang napagsasabihan ko ng mga saloobin. Subalit tila wala ka ring ideya sa mga nangyayari"
Muli ko siyang sinilip sa ilalim ng kumot, nakatingin na muli siya sa bintana. Ibig sabihin, nararamdaman din niya na parang may kulang at nawawala rito sa mundo nila? Posible kayang maalala niya na nagkita na kami dati pa bago ko i-edit ang kwentong ito?
Biglang hinangin ang mga papel na nakapatong sa mesa dahil nakabukas ang bintana. Nahulog ang mga papel sa sahig, malapit sa ilalim ng kama kung saan nagtatago si Lorenzo. Tumayo si Sebastian at pinulot niya isa-isa ang mga papel.
Napapikit na lang ako sa kaba. Hindi niya sana makita si Lorenzo sa ilalim ng kama dahil siguradong magbabago at magugulo na naman ang mga nakatakdang mangyari sa kwento.
Nakahinga ako nang maluwag nang makuha na ni Sebastian lahat ng papel at ibinalik iyon sa mesa. Hindi niya nakita si Lorenzo sa ilalim dahil madilim ang buong kwarto. Paupos na rin ang sindi ng kandila. "Matulog ka na nang mahimbing. Hindi mo man narinig ngayon ang mga sinabi ko, kahit papaano ay ibig kong malaman mo na handa kong ipagkaloob ang aking tiwala sa iyo dahil ikaw ang aking mapapangasawa" wika niya habang sinasara ng dahan-dahan ang bintana.
Pinatay na rin niya ang sindi ng kandila saka lumabas ng kwarto. Isinara na ni Ornina ng dahan-dahan ang pinto at muling naghari ang dilim at nakabibinging katahimikan sa loob ng silid.
Tulala kong inalis ang kumot na nakataklob sa'kin at napatitig sa kisame. Tama nga ang hinala ko, napapanaginipan na niya ulit ang magiging kamatayan niya na bahagi ng pagwawakas ng kwentong ito. Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit nalalaman niya iyon sa panaginip?
Nagulat ako nang biglang lumabas si Lorenzo sa ilalim ng kama. "Hoy!" tawag ko sa kaniya dahil agad siyang tumakbo sa bintana, binuksan iyon at lumundag pababa. Mabilis siyang sumampa sa bakod at naglaho sa dilim.
Hindi ko akailang magagawa akong takasan ng gano'n ni Lorenzo.
"SAAN ka ba nagpunta kagabi?" tanong ko kay Maria Florencita, kanina pa siya tahimik. Kasalukuyan kaming nasa kalesa. Ihahatid ko siya sa simbahan para sa kumpisal na ginagawa niya isang beses kada linggo.
BINABASA MO ANG
Salamisim (Published by Anvil Publishing Inc.)
AdventureAng Unang Serye. "Isang araw, nagising na lang ako sa loob ng kuwentong isinulat ko." Natuklasan ni Faye na nagagawa niyang makapasok sa kuwento na kaniyang isinulat. Ang kaniyang nobelang Salamisim ay tungkol sa pagmamahalan ng isang dalaga na anak...