Kabanata 5

256K 14.3K 20K
                                    

[Chapter 5]

"P-PAUMANHIN, heneral Sebastian Guerrero" gulat na saad ng Don na agad napaatras at nabitawan ang matalim na piraso ng baso. Napatitig ako sa kanang palad ni Sebastian na hindi na maawat sa pagdugo ngayon. Ngunit sa kabila ng sugat na kaniyang tinamo, hindi nababakas sa mukha niya ang sakit na dulot nito.

Agad dumating ang mga kawal at hinawakan ang magkabilang braso ng Don. "T-tinuturuan ko lamang ng leksiyon ang alipin na iyan!" paliwanag ng Don sabay turo sa'kin. Humakbang muli si Sebastian at pumagitna ito.

"Maraming mga ang nakatingin ngayon sa inyo, Don Severino" saad ni Sebastian. Ibig niyang ipaalala na siguradong mapapatawan siya ng parusa dahil maraming makakalita sa pananakit niya.

Hindi nakapagsalita ang Don, ni hindi na rin siya makatingin sa mga taong nasa paligid. "Walang kaso sa akin iyon, hijo. Salamat sa iyong pag-aalala ngunit ako'y nakikiusap na huwag naman sana mahantong sa pagdakip ang aking amigo" sabat ni Don Florencio na ngayon ay nasa gitna na nilang dalawa. Nakangiti ito at palaging mahinahon. Taliwas sa kaniyang totoong ugali.

Ako ngayon ang gulat na napatingin sa Don na nagtangkang hampasin ako ng basag na baso. Siya si Don Severino? Ang isa sa pinakamayaman at maimpluwensiyang Don na may hawak ng mga pasugalan at sabong. Magiging kakampi siya ng pamilya ni Sebastian ngunit sa huli ay ilalaglag sila nito.

Wala ng nagawa si Sebastian kundi ang pagbigyan ang hiling ng ama ng kaniyang mapapangasawa. Tumango siya sa dalawang guardia upang bitawan na nito si Don Severino. Napatikhim na lang si Don Severino saka tiningnan kaming dalawa ni Sebastian ng matalim bago ito naglakad papalabas sa mansion.

Hinarap ni Don Florencio ang kaniyang mga bisita, "Paumanhin sa mga nangyari. Nawa'y kalimutan na natin iyon at ipagpatuloy natin ang kasiyahan" ngiti niya sabay senyas sa mga musikero na muling magpatugtog ng nakakaindak na musika.

Nang tumugtog ang musika, muling nagsayawan ang mga bisita at bumalik sa kani-kanilang mga kwentuhan. Narinig kong bumulong si Don Florencio kay Sebastian na magtungo sa silid-aklatan ng kanilang tahanan. Magpapatawag ito ng manggagamot para sa nasugat niyang kamay.

Tatawagin ko sana si Sebastian ngunit nauna na itong maglakad paakyat sa ikalawang palapag. Ni hindi niya pinansin o tiningnan ang kamay niyang dumudugo ngayon.

Aalis na lang dapat ako baka makalikha pa ako ng gulo ngunit ilang beses akong napapatingala sa hagdan. Nakokonsensiya ako. Bakit niya ba kasi ginawa iyon? Pero kung hindi niya sinangga ang bubog, siguradong may sugat na ngayon ang mukha ko.

Pumunta ako ng kusina, halos abala ang mga kusinera at serbidora. Hindi nila napansin na nagtimpla ako ng tsaa at nilagyan ko iyon ng gatas. Buong tapang akong umakyat sa hagdan patungo sa silid-aklatan. Alam ko kung nasaan ang silid na iyon na matatagpuan sa pinakadulo ng ikalawang palapag.

Idinikit ko muna ang aking tenga sa pinto bago kumatok ng tatlong beses. Naghintay ako ng ilang segundo ngunit walang sumagot kaya binuksan ko na ang pinto. Napatingin sa'kin si Sebastian na nakasandal sa mesa habang binabalutan niya ng tela ang sugat sa kaniyang palad.

"Uh, m-may dala akong inumin" panimula ko, hindi ko malaman kung bakit parang namamalat ang lalamunan ko. Parang nalulubog ako sa lupa at nilalamon ng matinding konsensiya. Nasaktan siya dahil sa'kin.

Hindi siya sumagot kaya pumasok na ako at isinarado ang pinto. Napansin kong nahihirapan siya maglagay ng tela sa kamay niya kaya dali-dali kong inilapag sa mesa ang dala kong tsaa at tinulungan siya. Napatigil siya at napatingin sa'kin nang kunin ko ang tela.

"Hinugasan mo na ba ang sugat mo? May alcohol---Ah, wala. Sandali lang, may kukunin lang ako" saad ko saka mabilis na lumabas sa silid-aklatan at tumakbo papunta sa kusina.

Salamisim (Published by Anvil Publishing Inc.)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon