Kabanata 6

257K 14K 10.1K
                                    

[Chapter 6]

NAPAPIKIT ako nang biglang may liwanag na tumapat sa aking mukha. "Ma'm, bawal po pumasok diyan" wika ng isang lalaki.

"Faye! Halika nga, baka makasira ka diyan" narinig ko ang boses ni Pia. Sinangga ko ang aking kamay sa liwanag ng flashlight na hawak ni kuya na nakatutok sa akin.

Nasa likuran niya ang tatlong estudyante na ngayon ay nakatingin din sa akin. Pumasok si Pia sa selda, hinawakan ang kamay ko at inalalayan akong makalabas doon. "Sorry kuya, mahilig lang talagang mag-explore 'tong friend ko. Lalo na sa mga makalumang bagay" ngiti ni Pia kay kuya sabay lingon sa selda kung nasaan ako kanina.

"Mukhang wala naman pong nasira ang friend ko sa loob. Check niyo pa po kuya" patuloy ni Pia. Naglakad si kuya papalapit sa selda at sumilip sa loob.

"Hindi pa po kasi fully reconstructed ang area na 'to. Lalaygan pa namin ng mga bakal at dadagdagan ng semento" wika ni kuya saka nagpatuloy na sa paglalakad, agad sumunod sa kaniya ang tatlong estudyante at muli itong nagbiruan at nagtakutan.

Nakapulupot naman ang kamay ni Pia sa braso ko. Hindi ko alam kung bakit ang bigat ng ulo ko at parang nahihilo ako. "Hindi na dapat ako susunod e, kaso naalala ko sayang naman pinunta natin dito kung hindi ako makakapasok dito sa dungeon" saad ni Pia, nilabas na niya ang phone niya at nagsimulang kumuha ng mga larawan sa loob.

Nang makalabas na kami sa dungeon, mas lalo akong nakaramdam ng hilo. Nakakapit lang ako kay Pia para sumunod kung saan kami pupunta at para hindi ako mawalan ng balanse. "Salamat po sa pagbisita sa makasaysayang bilangguang ito. Nawa'y nag-enjoy po kayo" paalam ni kuya, nagpasalamat ang lahat sa kaniya, nagpa-picture pa ang tatlong estudyante kay kuya.

Nauna kaming naglakad ni Pia pabalik sa parking lot. Hindi pa kami nakakalayo sa Fort Santiago nang mapatigil ako sa paglalakad. "Faye, are you alright?" tanong ni Pia saka hinawakan ang balikat ko. Nakayuko na ako at nakahawak sa aking magkabilang tuhod.

"Ang sakit ng ulo ko" napahawak ako sa aking ulo, inaatake na naman siguro ako ng migraine. "May dala ka bang gamot?" nag-aalalang tanong niya saka yumuko para makita ang hitsura ko. Tumango ako ng marahan, "Nasa kotse" agad akong inalalayan ni Pia pabalik sa sasakyan.

Pagdating sa loob ng kotse, agad niyang hinanap ang gamot at inabutan ako ng tubig. "Hindi na dapat kita niyaya dito, pagod ka pa kahapon sa booksigning" saad ni Pia, nararamdaman kong nakonsensiya siya. Nakaupo siya ngayon sa driver's seat at ako naman sa passenger's seat. Ibinalik ko na ang bottled water sa lagayan nito saka sumandal at ipinikit ko sandali ang aking mga mata.

"Okay lang 'yon, gusto ko rin naman mamasyal at makapunta sa dungeon" sagot ko habang nakapikit ang mga mata. Inabot niya sa'kin ang phone ko, "Kapag tumawag diyan si Henry, 'wag mo sagutin. Blinock ko siya sa lahat ng account ko pati sa phone ko. Nakakainis 'yung mga ganong lalaki, pati mga kaibigang babae pinagseselosan dahil lang wala raw akong time sa kaniya. Ang immature niya" reklamo ni Pia saka pinaandar na ang kotse.

Iminulat ko ang aking mata at inilagay ko sa bag ang aking phone, ngayon ko lang napansin na nawawala ang isang pares ng sapatos ko. "Pi, 'yung sapatos ko" saad ko sabay turo sa paa ko. Hindi ko namalayan kanina siguro dahil parang lumulutang ang ulo ko at hindi ko masyadong maramdaman ang katawan ko habang naglalakad kami papunta sa parking. Bukod doon ay kakaunti lang ang ilaw sa paligid kaya hindi rin siguro napansin ni Pia na isa na lang ang suot kong sapatos.

"Girl, naiwan mo ata doon sa dungeon!" gulat na saad niya, "Tara, balikan natin" iiikot na sana niya ang sasakyan pabalik pero pinigilan ko siya. "Wag na, maabala pa natin sila. Gusto ko na rin umuwi, ang sakit talaga ng ulo ko" napatingin sa akin si Pia, pinagpatuloy na lang niya ang pagmamaneho.

Salamisim (Published by Anvil Publishing Inc.)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon