Kabanata 9

260K 14.9K 22.1K
                                    

[Chapter 9]

NARAMDAMAN ko ang malamig na pagyakap ng simoy ng hangin sa gitna ng madilim na gabi at walang katao-tao na kalsada. Naintindihan ko na ang gusto niyang iparating. Sa unang pagkakataon, gusto niyang maranasan magkaroon ng kaibigan.

Nakatitig pa rin ako sa kaniyang mga mata, ibig kong hanapin ang Sebastian na binuo ko upang hadlangan ang mga hangarin ng rebeldeng grupo at maging ang pagmamahalan ng dalawang bida sa kwento ito. "B-bakit?" iyon ang salitang unang lumabas sa aking bibig. Hindi ko alam kung bakit siya ganito.

Nagtaka siya sa sagot ko, "Bakit ibig mo akong pagkatiwalaan?" mas lalo akong nakokonsensiya. Kung alam niya lang na ako ang dahilan kung bakit malungkot siya at nag-iisa.

"Dahil hinihiling ko rin na ako'y pagkatiwalaan mo. Aking nababatid na ikaw ay nahihirapan. Kasapi ka sa mga tulisan ngunit kailangan mo silang talikuran upang iligtas ang may ari ng Panciteriang ito" tugon niya saka napayuko at napatitig sa kaniyang sapatos.

Hindi ako nakapagsalita, hindi ko akalain na iniisip niya rin pala ang sitwasyon ko ngayon. Napahinga siya ng malalim saka tumingala sa karatula ng tindahan kung saan nakasulat ang Panciteria ala Pacita.

"Marahil ay iniisip mo ngayon na isa akong masamang tao sapagkat tinatakot kita ngunit sa halos isang dekadang lumipas. Hindi magawang matunton ng pamahalaan ang kinaroroonan ng pamilya ni Don Imo at ng kaniyang mga taga-sunod. Tila pinoprotektahan sila ng kalangitan at umaayon sa kanila ang tadhana" patuloy niya saka tumingala sa langit. Kumikinang ang mga bituin na nagbibigay ng kapayapaan sa tahimik na gabi.

"Bilang isang miyembro ng mga tulisan, nababatid ko na hindi ganoon kadali na talikuran mo sila. Kalayaan ang inyong layunin hindi ba?" saad niya saka lumingon sa akin, ang kaniyang mga tingin parang may ibig iparating. Napahinga na lang ako ng malalim saka naupo tatlong baytang papunta sa tapat ng pintuan ng Panciteria.

Umupo rin siya sa tabi ko ngunit kalahating dipa ang layo namin sa isa't isa. "Kapayapaan naman ang aking hangad. Kapayapaan at kaunlaran ang ibig ng pamahalaan" napalingon ako sa kaniya, nakatingin pa rin siya ngayon sa mga bituin. Siya pa rin si Sebastian Guerrero, ang character na binuo ko upang ipagtanggol ang pamahalaan sa kwentong ito.

"Paano kung bigla akong mawala balang araw? Paano kung hindi ko magawa ang ibig mong mangyari? Paano na sina Aling Pacing at Mang Pedro?"

Tumingin siya sa akin. "Hahanapin kita kahit anong mangyari" tugon niya, tila biglang tumigil ang pintig ng puso ko nang sabihin niya iyon. "At paparusahan" dagdag niya, ngunit sa pagkakataong iyon ay nasilayan ko ang kaniyang ngiti at mahinang pagtawa kahit sandali.

Hindi ko alam pero natawa na lang din ako, marunong din pala magbiro itong si Sebastian. "Hanggang sa huli, bukambibig mo pa rin ang magparusa" bawi ko at pareho kaming natawa. Hindi ko alam kung anong nakakatawa pero natutuwa lang ako dahil nagagawa nang magbiro ni Sebastian. At sa kabila ng lahat ng iyon, nararamdaman kong unti-unti na niyang binubuksan ang pinto niya para sa ibang tao.

"TANYA, halika na't mag-agahan" tawag ni Aling Pacing nang kumatok ito sa pinto. "Opo, susunod na po ako" tugon ko habang nakatitig pa rin sa sketch ni Sebastian na ginawa ko noon. Nakaupo ako ngayon sa study table ni Amalia at pilit kong iniisip ang mga pangyayari lalo na ang pag-uusap namin ni Sebastian kagabi.

Inilapag ko sa mesa ang sketch saka kumuha ng panibagong papel, isinawsaw ko sa tinta ang pluma saka isinulat sa papel ang mga tauhan sa nobela ko at ang main roles nila. Nang matapos ko iyon ay muli kong pinagtugma-tugma ang bawat tauhan.

Kung tutulungan ko si Sebastian masugpo ang mga rebelde, masisira ang takbo ng kwento ko. Hindi pwedeng mapuksa ang mga rebelde at maghari ang pamahalaan. Mawawalan ng saysay ang pinaglalaban nila Lorenzo at hindi rin maganda sa kwento na naghari ang kasamaan.

Salamisim (Published by Anvil Publishing Inc.)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon