Chapter Two

995 26 0
                                    

ANG AKALA ni Bianca ay makakapag-relax siya sa araw na iyon. Pinuyat kasi siya ng pinsan niya nang nagdaang gabi. Pinilit siya nitong i-kuwento ang mga bagay na hindi na dapat nito inaalam pa sa mga nangyari sa kanya sa Paris. Pinilit din siya nitong mag-ayos ng gamit para lang makuha nito ang mga pasalubong niya para dito. Walang konsensiya ang pinsan niya kahit na nahihilo na siya sa sobrang antok at pagod at dahil din dito kaya nakalimutan na niyang tawagan ang mga magulang niya nang nagdaang gabi. Sigurado siyang se-sermunan siya ng mommy niya pero magpapaliwanag na lang siya dito.

Nang umagang iyon naman ay nakilala niya ang kasintahan ni Kuya Travis na si Alexa. Madami silang napag-kuwentuhan tungkol sa love story ng mga ito na kahit yata paulit-ulit niyang marinig ay hindi pa din siya nagsasawang pakinggan. Nakakakilig naman kasi ang love story ng mga ito. Hindi sana niya gustong iwan si Alexa ngunit naisip niyang tawagan at makipag-kita sa mga kaibigan niya. Baka kasi magtampo ang mga ito kapag hindi niya kinontak ang mga ito. Pero syempre, hinintay muna niya ang pinsan niya para hindi naman siya ma-kunsensiya na iwanang mag-isa si Alexa sa bahay nila.

At ngayon nga ay heto siya, kasama ang mga maiingay na kaibigan niya sa Black Rose Bar and Restaurant. Doon siya niyaya ng mga ito dahil sigurado raw na magugustuhan niya doon. Maganda daw kasi ang ambience sa bar na iyon at parang gusto na din niyang sumang-ayon dahil mula nang dumating siya sa lugar ay hindi pa naman siya naiirita, sa halip ay nare-relax pa nga ang pakiramdam niya.

Pero nawala ang magandang pakiramdam niya nang magsimula siyang sermunan at putaktihin ng mga kaibigan niya. Kung ano-anong tanong na ang itinanong ng mga ito sa kanya. Lahat na yata ng nangyari sa kanya sa Paris na hindi alam ng mga ito ay nai-kuwento na niya. Ang limang kaibigan niya ang female version ng Kuya Travis niya. Kaya nga sanay na siya sa kakulitan ng pinsan niya dahil katumbas ng sakit ng ulong nakukuha niya dito ang sakit ng ulong nakukuha niya kapag ang mga kaibigan na niya ang nangungulit sa kanya.

Kino-konsensiya pa siya ng mga ito dahil nitong mga nakaraang araw nga ay hindi niya nako-kontak ang mga ito. Masyado kasi siyang naging abala na tapusin ang natitirang mga trabaho niya kaya wala siyang kinontak kahit na sino sa mga mahal niya sa buhay nang mga panahong iyon.

Bago siya umalis ng bansa apat na taon na ang nakararaan ay nakasama at nakausap pa niya ang mga ito. Alam ng mga kaibigan niya ang lahat ng nangyari sa kanya maging ang dahilan ng pag-alis niya. Hinahayaan siya ng mga ito na gawin ang gusto niya at tuparin ang mga pangarap niya bilang pakonsuwelo na din sa sakit ng pusong gusto niyang takasan noon. Isa pa, sa tingin din ng mga ito ay mas tamang lumayo na lang siya kaysa patuloy na masaktan kung mananatili siya sa bansa noon.

"Hindi ka na naman aalis, 'di ba? You're staying here for good?" expectant na tanong ni Cham. Mataman itong nakatingin sa kanya habang sumisimsim sa pineapple juice nito.

Nakangiting umiling siya. "Hindi na din naman ako papayagan ni Kuya Travis na umalis eh. Pinagbigyan na daw niya akong gawin ang gusto ko for four years kaya hindi na daw ako puwedeng mag-reklamo." sagot niya. Ayon sa pinsan niya, tama na ang pagiging childish niya pagdating sa mga magulang niya at tama na ang pagtakas niya sa isang problemang iniwan niya noon. Panahon na raw para harapin niya ang lahat at magpaka-mature na siya. At doon naman daw siya gumawa ng pangalan sa Pilipinas, hindi iyong mas nauna pa siyang makilala sa ibang bansa kaysa sa sarili niyang bansa.

Malayo sa natapos niya ang naging trabaho niya sa Paris. HRM kasi ang kursong kinuha niya sa kolehiyo dahil sa kagustuhan ng mga magulang niya. Tinapos niya iyon nang walang nililikhang problema para na din sa mga ito dahil naniniwala pa din siya na pagkatapos niyang matupad ang gusto ng mga ito ay papayagan na siya ng mga itong abutin ang pangarap niya. Na sa awa ng diyos ay nangyari naman dahil sinabi sa kanya ng kanyang ama bago siya makatapos ng kolehiyo na papayagan siya nitong mag-aral ng photography.

A Song For You Book 1: A Man in Love (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon