Chapter Four

811 16 0
                                    

Four years ago

KANINA pa palingon-lingon si Bianca sa buong paligid ng bar na kinaroroonan niya pero hindi pa din niya makita ang hinahanap niya.

Kasalukuyan siyang nasa Rise and Shine bar and restaurant, ang pinakamalapit na bar sa unibersidad na pinapasukan niya. Sangkatutak na pagpapaalam pa ang ginawa niya sa mga magulang niya para lang payagan siya ng mga itong pumunta doon. Kasama nga lang niya ang pinsan niyang si Kuya Travis, pero mas okay na iyon kaysa naman hindi siya makadalo sa isa sa pinaka-mahalagang araw sa buhay ng isa sa pinaka-importanteng tao sa buhay niya.

Ang Static Band ang bandang inaabangan niya sa gabing iyon. It consists of four members namely: JJ, Kurt, Gabriel and Jiroh. Niyaya siya nang nagdaang araw ni Jiroh---kaibigan at manliligaw niya---para manood sa pinaka-espesyal na gig ng banda nito. Sa wakas kasi ay naging mainstay na ang Static Band sa Rise and Shine. Noon ay dalawang beses sa isang linggo lang kung tumugtog ang mga ito sa naturang establisimyento kaya kinakailangan pang humanap ng mga ito ng ibang racket. Para kasi sa isa pang kabanda ng mga ito na si Garbiel ang ginagawa ng mga ito. Nangangailangan ng malaking pera si Gab para sa pagpapa-opera sa mama nito na may sakit sa puso. Maging ang maintenance ng gamot niyon ay iniisip pa nito. Walang ama si Gabriel kaya wala itong maasahan na tutulong dito kundi ang sarili nito. Hindi naman kasi mayaman ang mga ito.

Hindi sapat ang nakukuhang allowance ni Gab sa scholarship nito sa unibersidad nila at ang pagtulong ng tiyahin nito para sa pagpapagamot ng mama nito kaya naman tinulungan ito ng mga kabanda nitong pawang mga may sinasabi sa buhay. Ayaw tumanggap ni Gab ng pera galing sa kanila dahil ang gusto daw nito ay may gagawin ito para sa mama nito. Hindi naman nila maatim na hindi tulungan ang kaibigan nila kaya ginagawa na lang nila ang lahat para matulungan ito sa sarili nilang paraan. Pero nang malaman nila na o-operahan ang mama nito, pinilit nilang tanggapin nito ang mga ibinibigay nila. Nagsinungaling pa sila dito at sinabing utang nito iyon sa kanila at bayaran na lang sila kapag may pera na ito kaya naman napapayag nila itong tanggapin ang mga ibinibigay nila.

Ang ginagawa niyang paraan ay ang pagtitipid ng baong ibinibigay sa kanya ng mga magulang niya. Mabuti na lang at hindi siya mahilig gumastos kaya nakakatipid siya. Linggo-linggo ay nagbibigay siya ng pera kay Jiroh para pandagdag sa ibibigay ng mga ito kay Gabriel. Naging kaibigan na din niya ang mga kabanda ni Jiroh kaya ang problema ng mga ito ay problema na din niya.

Bago niya naging manliligaw si Jiroh Paolo Acosta ay isa ito sa masasabi niyang iilan sa pinakamalalapit niyang kaibigan. Kaklase nila ito sa mga minor subjects---kahit na iba ang kurso nito sa kurso nila---ng kaibigan niyang si Anje kaya simula noong unang taon niya sa kolehiyo ay kilala na niya ito. At noon pa man ay crush na crush na niya si Jiroh. Sino ba naman ang hindi magkakagusto dito, ito na yata ang pinaka-cute na lalaking nakilala niya. Hindi kasi swak sa hitsura nito ang pagiging guwapo dahil mukha itong kasali sa isang Korean boygroup. At dahil mahilig siya sa JPOP at KPOP kaya madali nitong nakuha ang atensiyon niya. Idagdag pang magaling itong tumugtog ng gitara at maganda ang boses nito.

Ang Static Band na yata ang pinaka-magaling na bandang kilala niya sa buong University nila kaya hindi malayong sumikat ang mga ito sa hinaharap kung gugustuhin ng mga itong pumasok sa entertainment industry.

Syempre, hindi lang naman ang talent ni Jiroh ang nagustuhan niya dito. Sobrang bait din kasi nito. Ang nagustuhan pa niya dito, kahit na madaming babae ang nagpapapansin dito, hindi nito iyon tine-take advantage katulad ng ginagawa ng ibang lalaki. Napaka-humble nito at maayos nitong tinatanggihan ang pagtatapat ng mga babaeng nagpapakita ng interes dito.

Masaya siya dahil naging kaibigan niya ito. Simula nang makilala niya ito ay naging makulay na ang napaka-boring na buhay niya. Bukod kasi sa apat na kaibigan niyang babae ay wala na siyang iba pang kaibigan. At boring ang buhay niya dahil palagi siyang bahay at eskuwelahan lang. Hindi kasi siya pinapayagang gumala ng mga magulang niya kung hindi ang mga pinsan niyang lalaki ang kasama niya na pare-pareho namang ayaw siyang isama sa lakad ng mga ito. Mabuti na nga lang at mabait ang Kuya Travis niya at isinasama siya nito kapag naiisipan nitong mag-relax mula sa busy schedules nito.

A Song For You Book 1: A Man in Love (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon