To The One Who Left Us

39 2 3
                                    

Putangina ka.

Putangina ka.

Narinig ko na naman ang iyak ni mama. Ilang gabi na siyang umiiyak nang ganiyan. Alam mo ba kung bakit? Kasi nalalapit na naman ang anniversary niyo. Oo ganyan yan palagi. Ganiyan yan kada taon. Pang-walong taon na niyang taon ngayon. Walong taon na siyang nagdadalamhati sayo.

Para namang namatay ka.

Hindi ka nga patay.

Nakita pa kita kahapon sa may karinderya ni Aling Tessie. Kumakain ka kasama yung anak mong babae.

Ako sana yun eh. Ako sana yang kasama mo. Ako ang kasama mong kumakain diyan dati eh.

Tangina sana namatay ka na lang.

Alam mo bang tumalikod lang ako na parang walang nakita kahit nagkatagpo ang mga mata natin? Wala eh. Nasanay na rin naman ako. Papa ko ba naman iwan kami tapos bumuo ng bago niyang pamilya malapit lang din sa'min.

Bobo ka ba?

Minsan naiisip ko talagang bobo ka, eh.

Kasi buti nalang hindi ako nagmana sayo. Kasi matalino ako. Sa sobrang talino ko, hindi kita nakakalimutan.

Hindi ko nakakalimutan ang pagiging mabuti mong ama sa amin. Hindi ko nakakalimutan kung paano mo kami ipasyal sa park noon tapos maghahabulan lang tayo. Hindi ko nakakalimutan ang mga pasalubong mong pagkain at laruan. Hindi ko nakakalimutan kung paano mo ako kargahin dati na parang superhero tayong dalawa.

Tangina, bakit ako umiiyak? Namana ko yata to kay mama.

Pero ang masaklap din, hindi ko nakakalimutan kung paano mo kami iniwan. Kung paano mo hindi pinakinggan ang mga iyak namin ng mga kapatid ko. Kung paano mo kinalas ang yakap ni mama sayo.

Tangina ka, naaalala ko pa ang lahat. Talagang memoryado ko ang araw na iyon. Hindi ko alam kung saan kami nagkamali lahat. Kung bakit gusto mo biglang umalis.

Sampung taon palang ako nun. Hinugasan ko naman nang mabuti ang mga pinggan. Hinalikan mo pa nga ako sa pisngi nun kasi sabi mo good girl ako. Tapos nanood pa tayo ng Barbie noon kasi wala ka namang problema sa Barbie dati kapag ako ang kasama mo.

Saan ako nagkamali, pa? Saan kami nagkamali? Sobrang napangitan ka ba sa Barbie kaya mo kami iniwan? Kaya mo kami pinagpalit sa babae mo? Mas magaling ba siyang magluto kay mama? Mas magaling ba siyang maghugas ng pinggan? Mas maganda ba siya? Mas sexy?

Tangina, bakit? Bakit? Matalino ako. Minsan naiisip ko kung may logical reason ka ba kung bakit mo yun ginawa. Pero hindi ko mapairal ang logical reasoning, critical thinking, at rationale thinking ko pagdating sayo. Kasi bakit?

Bakit mo nagawa yun? Hindi ba masarap ang ulam natin noon? Tangina pa. Sana naman ipaalam mo sa amin kung bakit. Kasi hanggang ngayon hindi ko pa rin alam kung bakit mo kami iniwan. Hindi ko pa rin maisip kung may naging mali ba ako. Ano bang kulang sa amin na natagpuan mo sa iba?

Mahal mo ba talaga kami? Minahal mo ba talaga kami?

Gagraduate na nga pala ako sa Marso. Sana mabalitaan mo sa mga kapitbahay na valedictorian ako. Baka sakaling pumunta ka.

Si bunso, nag-birthday lang last month. Nakita kita sa labas ng bahay. May dala kang regalo pero nung nakita kita'y dali-dali mong nilapag yun sa damuhan at tumakbo ka.

Naaalala mo pa rin pala kami.

Tumigil na si mama sa kakaiyak. Nakatulog na siguro siya.

Hindi pa rin kita napapatawad pero mahal pa rin talaga kita, pa. Galit na galit pa rin ako sa'yo pero sana naman pumunta ka sa graduation ko.

Minamahal ka pa rin,
Hannah

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jul 22, 2021 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Unsent LettersTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon