Dear Mama

59 16 9
                                    

May 10, 2020

Dear Mama,

Hi ma. Kamusta ka na? Si bunso, kamusta? Si papa? Iyong mga alaga nating kambing? Sana okay kayong lahat diyan.

Ma, sana sapat ang bigas niyo diyan lalo na't marami pa rin ang kaso ng COVID-19 dito sa Pilipinas. Hindi din kami makauwi dahil nagbabantay kami sa frontline. Mag tatatlong buwan na pala noong huli ko kayong nakita. Mahirap din kasi dito sa Mindanao ma. Oo nga't may pandemic pero hindi kami mananatiling kampante. Alam mo naman ang sitwasyon namin dito, di ba? Bukas, magroronda ako sa kabundukan. Sa dating kampo ng mga rebelde. Kailangan kasi ma. Huwag ka ng mag-alala diyan. Kayang kaya ko ito. Para sa bayan, ma.

Marami na din ang isyu tungkol sa militar. Narinig mo ba, ma? Madami 'no? Hindi naman ako kasali pero ang kasamahan ko ang bumaril sa isang sibilyan. Sinubukan ko namang pigilan pero mataas ang rangko ma, eh. Hindi ko kayang kalabanin. Baka ako pa ang tinamaan ng bala noon.

Ma, minsan ayaw ko na. Gusto ko ng sumuko. Ano pa bang pinaglalaban ko dito? Ang tingin ng mga tao sa amin, kami ang kalaban. Utos kasi ng Presidente ma. Wala kaming magagawa. Pasensya na kung sinuway ko ang mga pangarap mo. Ang mga utos mo. Pasensya kung sinunod ko ang pangarap ko. Pero sa panahon ngayon, hindi ko na alam kung ang bayan pa ba ang pinaglalaban namin. Ma, nahihirapan na ako. Sana nandito ka. Miss na miss ko na kayo. Siguro ikaw ang may hawak ng quarantine pass ma, no? Siguro kung nandiyan lang ako, hindi ko kayo papayagan makalabas. Huwag na huwag kayong lalabas diyan kung hindi naman talagang kailangan, ha? Turuan mo nalang ng mga gawaing-bahay iyan si Christian para makatulong sa inyo.

Nabalitaan kong ipinasara na daw ang ABS-CBN. Ang lungkot mo lang siguro ma 'no? Paano mo na mapapanood si Cardo niyan? Iyong sports ni papa? Mababalik din naman daw sila, ma. Tiwala lang tayo.

Siguro araw-araw pa din kayong nagdarasal ma. Alam kong pinagdarasal niyo ang buong bansa, pati na rin ang buong mundo. Sana' y ipagdasal niyo rin ako ma. Pasensya na kung hindi ko kayo matawagan o ma-text. Alam mo naman na mahina talaga ang signal dito ma. Ipapadala ko nalang ito sa Post Office pero baka pagkatapos ng lockdown mo pa ito matanggap.

Ma, happy mother's day. Naalala mo pa ba noong unang beses mo akong pinasyal sa mall? Binilhan mo ako ng baril na laruan. Alam ko na sa sandaling iyon, gusto ko ng magsundalo. Kitang kita ko ang takot sa mga mata mo sa sandaling nagtapos ako ng kolehiyo at pinasok na ang militar. Pero kitang kita ko rin ang saya sa mga luha at ngiti mo. Ma, maraming salamat sa lahat. Salamat dahil nirespeto mo ang desisyon ko kahit mahirap para sa iyo. Salamat ma, dahil palagi kang nandiyan. Ma, wala kang katulad. Dahil sa mga pangaral mo, napalaki mo kami ng maayos. I love you, ma. Ikaw ang pinakamagandang babae at unang babaeng minahal ko. Happy Mother's Day.

Nagmamahal,
Japhet

Unsent LettersTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon