Kabanata Isa [1]

9.6K 285 41
                                    

Ika-21 ng Mayo 2007

"MARAMING SALAMAT AT tinanggap n'yo ang alok ko." Panimula ng lalake na nakatayo sa harap ng walong taong nakaupo at nakapaligid sa parihabang mesa, "Kayo ang kinuha ko para buohin ang grupong ito dahil apat na taon din tayong nagsama-sama noon sa kolehiyo, kilala na natin ang isa't isa at sigurado ako na malaki ang maitutulong n'yo sa pagkamit ng tagumpay. Alam kong nagdadalawang-isip pa kayo sa planong ito pero gusto ko lang siguruhin na hindi masasayang ang oras natin sa oportunidad na ito dahil paniguradong masisiyahan din tayo." Aniya at saka nilapitan ang projector na nakalapag sa ibabaw ng mesa.

Mula sa blangko at kulay puti na dingding ng silid ay bigla itong nagliwanag at nagkakulay matapos alisin ng lalake ang nakaharang na papel sa mata ng projector. Anim na salita naman ang unang lumitaw at naghatid ito ng halo-halong emosyon sa mga panauhing tahimik lang na nakikinig sa lalake; may kinakabahan, nagtataka, nasasabik, at may nagdadalawang-isip pa rin.

THE MISSING BODIES OF STA. MARIA

CASE NO. 3

"Noong nakaraang linggo, nakatanggap ako ng sulat mula sa alkalde ng bayang Sta. Maria na naghihikayat na lumahok daw tayo sa paligsahan nila. Sa susunod na buwan na ito magaganap at maraming inimbitahan ang alkalde mula sa iba't ibang karatig-bayan upang sumali rin, at ang makakalutas sa misteryo ay makakatanggap ng premyong isang daang libo." Pahayag niya na kumalabit sa interes ng bawat taong nasa silid.

"Seryoso? Isang daang libo?" Ganiyan kalaking halaga?" hindi makapaniwalang tanong ng lalake na umayos kaagad sa pagkakaupo.

"Oo, seryoso 'yan Jimmy, basta't mauunahan lang natin ang ibang grupo sa paglutas nito."

"Ilang grupo ba itong inimbitahan Lucas? At anong misteryo ba ito?"

"Wala akong ideya, walang nabanggit si mayor tungkol sa kung ilang grupo ang lalahok dito. Ang pinaalala niya lang ay bawat grupo, hindi dapat hihigit sa sampung miyembro lang." Sagot niya, "Ang paligsahang ito ay taon-taon na idinadaraos bago magsisimula ang engrandeng pista ng bayan, bawat taon ay may isang grupong tatanghalin na panalo kung matuturo nito ang salarin at maipapaliwanag ang istorya sa likod ng misteryo. At ang senaryo ngayong taon, sa pangatlong kaso ay ganito: ang bayan ng Sta. Maria ay may malaking problemang kinakaharap—may bumabanta raw sa kaligtasan ng mga tao. Sa nakalipas na taon ay marami na raw ang nawawalang mga tao sa bayan, nagkakagulo na raw sila roon at ang mga mamamayan ay nangangailangan na ng sagot at solusyon mula sa alkalde; pero hindi niya ito magawang bigyan sapagkat wala pa siyang kaalam-alam sa kanilang kinakalaban at isa-isa na ring nawawala ang kaniyang mga pulis.

"May kidnapper ba ang kasong ito?"

"Maaaring gano'n, Charice." Bahagyang pagsang-ayon ni Lucas na napatango, "Pero wala pa tayong sapat na ebidensyang may kidnapper nga, walang nakasulat sa senaryo na may humingi ng ransom sa mga kapamilya ng nawawalang mga biktima, kaya nagiging malabo na ito." Rason niya.

"May mga kidnapper na hindi humihingi, sa halip ay katawan nito ang kinakailangan." sabi ni Emily na nilalaro ang lapis sa sariling mga daliri ng kanang kamay, "Naalala n'yo yung ibinalitang lalake na nahuli lang kamakailan lang? Inamin niya sa mga pulis na nagbebenta siya ng laman-loob."

"Si Elion Perez..." dugtong ni Kezel na katabi lang ni Emily. "Oo marami siyang dinakip at umabot pa talaga ng tatlong taon bago siya tuluyang nahuli."

"Pero nawawala nga sila 'di ba?" tanong pa ng lalakeng nagngangalang Wreen. "Kung sakaling laman-loob ang kailangangan nito, nasaan ang mga katawan nila? Hindi naman siguro itatambak lang ito sa isang tabi."

"Nasa dagat? Sapa? O baka tinunaw na sa isang concentrated hydrochloric acid." Biglang sabat naman ni Ivan na ikinatango ni Wreen.

"Papaano kung isa pala itong cannibal?" sabat naman ni Jimmy na agad na ibinaba ang kaniyang paa nang magkaroon ng interes sa kanilang diskusyon.

"Gosh, guys. Sumusobra na kayo." Iritang pahayag ni Bella sa kanila, "Laro lang ito, ang seseryoso n'yo naman."'

"Tama na 'yang mga haka-haka n'yo at pakinggan muna natin si Lucas." suway ni Eurie sa lumalalim na talakayan ng mga kasamahan, "May mga detalye ba siyang inilahad? Mga impormasyong makakatulong sa 'tin hindi tayo mahihirapan sa imbestigasyon." tanong niya at muling nilukob ng katahimikan ang kaniyang kasamahan, "Para may aspeto naman tayong mapagtutuonan ng pansin—isang anggulo na magpapaangat sa 'tin laban sa ibang grupo."

"Wala na, ang ibang detalye ay ibibigay niya raw mismo sa araw ng imbestigasyon." Sagot niya sa babae, "Pero ngayon, tatanungin ko kayo...interesado ba kayong sumali rito?" tanong niya.

"Malaki ang premyo Lucas at tiyak na mag-eenjoy rin tayo. Sasali ako." Nakangiting sabi ni Jimmy.

"Nakakabagot na rin sa bahay at palagi akong sinisermonan ni Mama kasi wala pa akong trabaho, kaya sasali rin ako." Ani naman ni Ivan na natawa na lang, "Malaking halaga na 'yang isang daang libo kung paghahati-hatiin natin."

"Sasali rin ako." Wika ni Eurie.

At ang iba ay nagsitanguan naman bilang kumpirmasyon ng kanilang paglahok sa paligsahan, bagay na nagpangiti kay Lucas.


***

Xenon's Note: 

Hi guys, hehe. Pasensya na at binago ko na naman ang plot. Nakakapagod pero kailangan ko itong gawin para hindi sumabit sa dulo. Nasa gitna na sana ako ng plot nito, pero kailangan ko ulit balikan hihi. Sorry, reread n'yo lang ulit para sa mga pagbabago nito. 

Labyu.


Missing Bodies [PUBLISHED UNDER LIB]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon