Kabanata Walo [1]

1.9K 106 11
                                    


HINANG-HINA MAN AY nagpatuloy lang siya sa pagbaybay ng mga lagusan, kahit paika-ika ang kaniyang hakbang ay hindi talaga siya tumitigil at buong-lakas na kumakapit sa batong nakapaligid sa kaniya animo'y roon siya kumukuha ng lakas-loob. Ilang metro pa ang kaniyang tinahak at ligtas niyang narating ang bahagi kung saan nahahati sa tatlo ang lagusan, sa pagkakataong ito ay tuluyan niyang pinasok ang kanang bahagi—ang natitirang lagusan na hindi pa niya napapasok. Madilim, walang apoy sa bahaging ito at nangangapa lang siya sa dilim, gamit ang mga kamay niyang nanginginig at nanghihina ay dinama niya ang magkabilang bahagi ng binabaybay niyang lagusan upang hindi mabunggo sa matitigas na batong pader kung sakaling kailangan niyang lumiko.

Hindi nagtagal ay natagpuan niya ang sarili na lumiliko pakanan sa lagusang unti-unting lumuluwag, sa lawak nito ay mas pinili niyang mangapa sa kaliwang bahagi at nagpatuloy pa rin sa pagsubaybay. Maingat naman siya sa bawat hakbang at baka makakagawa siya ng ingay na maaaring mapagkuhanan ng atensyon, taimtim niya ring pinapakinggan ang paligid sa pangambang ng taong ayaw niyang makita sa mga oras na ito. At hindi alintana sa kaniya ang matutulis na mga batong naapakan sa gilid ng lagusan, bagus ay tiniis niya lang ito at inisip ang malaking tsansa niyang makakalabas sa kuweba at bayang ito.

Hanggang sa 'di inaasahang pagkakataon, sa kalagitnaan ng kaniyang pagbaybay ay sunod-sunod na mabigat na mga yapak ang umalingawngaw sa paligid na gumulantang sa kaniyang sistema, hindi man niya alam kung sino at saan ito nagmumula ay agad siyang nilukob ng labis na panlalamig at matinding takot. Biglang namanhid ang kaniyang katawan at gumaan na para bang lumulutang siya sa ere, kung kaya't wala na siyang inaksaya pang sandali at agad na tumakbo. Nagsimula siya sa paika-ikang pagtalon sapagkat hindi pa siya talagang sanay sa paglalakad bunsod ng iilang araw na paghilata sa lupa, hanggang kalaunan sa nagkaroon siya ng lakas at nakuha ang tamang ritmo ng pagtakbo. Humahangos siya nang takbuhin niya ang kahabaan ng lagusan kasabay ng pagkapa ng gilid, sa dilim na bumubulag sa kaniyang mga mata ay hindi ito naging balakid sa kaniyang kagustuhang makatakas, kahit uhaw na uhaw siya at hilong-hilo ay tuloy-tuloy pa rin ang kaniyang paghahanap ng liwanag sa tulong ng adrenaline rush.

"Eurie!"

Mas lalong bumilis ang kaniyang pagtakbo nang marinig ang boses ni Clifford na umaalingawngaw sa lagusan, sa lakas nito ay nararamdaman niyang nalalapit lang ang lalake sa kaniya, bagay na nakakagimbal isipin. Naririnig niya rin ang mga mabibilis nitong yapak na halatang hinahabol siya, kung kaya't mas nilalakihan pa niya ang bawat hakbang habang pilit na sinasanay ang sariling paningin sa kadiliman. Marami man siyang gasgas at pasang natatamo sa mga batong nasasagi ng kaniyang balikat, braso at binti ay hindi na niya nararamdaman pa ang totoong sakit nito dahil sa tulong ng pamamanhid. Ang isipan niya ay natuon lang sa pangunahing pakay at taimtim na nagdarasal na sana ay mahahanap rin niya ang hangganan nitong lagusan.

At tinugon naman kaagad ang kaniyang panalangin, ilang saglit pa, nang lumiko siya ay natagpuan niya rin sa dulo ang liwanag ng malaking bungad sa kuweba. Sa pagbilis at paglakas ng alingawngaw ng mag yapak na humahabol sa kaniya ay wala na siyang inaksaya pang sandali at itinodo na ang pagtakbo. Ibinuhos niya ang natitirang lakas sa pagbaybay ng lagusang mayroon ng gabay ng liwanag mula sa araw na matagal na niyang inaasam-asam na madarama, mas lalong lumalakas ang pagsinghap niya ng hangin at unti-unti nang sumisilay ang ngiti sa kaniyang labi nang siya ay papalapit na sa dulo.

Hanggang sa tuluyan na rin siyang nakalabas sa impyernong kuweba, sa sayang nadarama niya nang muling masilayan ang luntian, asul at iba pang kulay ng kapaligiran ay naiyak na lang siya habang dinadama ang malakas na bugso ng hangin na tumutuyo sa kaniyang pawis. Sa init ng araw na bumubuhay at pumapawi sa kaniyang nilalamig na katawan ay tuluyang nawaglit ang takot sa kaniyang sistema at mas lalong naging determinado nang maisip na makakauwi na siya. Hindi pa rin siya tumitigil sa pagtakbo at matulin na binaybay ang kakahuyan patungo sa kanilang dating kampo, hindi man siya pamilyar sa gubat pero nasisiguro niyang tama ang kaniyang binabaybay na direksyon.

May mga pagkakataong nadudulas siya at nawawalan ng kontrol sa balanse, pero agad-agad naman siyang bumabangon at hinayaan ang mga putik na nadaragdag sa dumi ng kaniyang pantalon at pang-itaas na damit. Kahit nabiyak na ang kaniyang sapatos at nasisidlan na ng dumi at bato ang loob ay hindi ito alintana sapagkat ang isipan niya ay natuon sa pangunahing pakay. Ilang minuto ang lumipas at nagsimula na siyang mahirapan sa paghinga, sumasakit na ang kaniyang ulo, balikat, at dibdib nang kapusin na siya ng hanging nilalanghap, pero sa kabila nito ay hindi pa rin siya tumitigil sa pagtakbo sa madulas na lupain.

At sa kabutihang-palad, nang sakto siyang tumigil kalaunan upang magpahinga ay natagpuan niya rin ang kanilang kampo sa may dating kinalalagyan ng kanilang kampo. Ngunit laking-dismaya na lang niya nang makitang purong abo na lang ito at wala ng bakas pa ng kanilang kagamitan, hindi man siya sigurado pero batid niyang nasama sa pagsunog at pagliligpit ng ebidensya ang kanilang mga pagmamay-ari.

"Eurie!"

Mabilis siyang napalingon at purong kakahuyan lang ang kaniyang nakikita, hindi man niya nahahagilap ang presensya ni Clifford ay ramdam niyang papalapit na talaga ito. Kung kaya't muli siyang nagpatuloy sa pagtakbo at sunod nang tinungo ang gate ng mataas na bakod sa may 'di kalayuan. Mabilis naman niyang narating ito kung kaya't dali-dali niyang isinilid ang sariling braso sa espasyo ng mala-rehas na gate at saka buong-lakas na hinila pakanan ang metal na humaharang, napadaing man sa sakit ng kaniyang paghila ay nagpatuloy pa rin siya at agad na tinulak ito pabukas na nagdulot ng isang malakas na tunog ng nagkikiskisang kalawang.

Hindi na siya lumingon pa at agad na tinakbo ang mabatong lupain patungo sa kanilang nakaparkeng itim na van na iilang metro na lang ang layo, dali-dali niyang nilapitan ito at hinila pabukas ang pintuan sa driver's seat. Sa kabutihang-palad ay bumukas naman kaagad ito, kung kaya't mabilis niyang inukupa ang malambot na upuan at aligagang sinuyod ng tingin ang paligid. At laking-tuwa niya nang mahanap ang susi na nakapasak pa rin sa susian, sa tadhanang pumapabor sa kaniya ay walang kahirap-hirap niyang binuhay ang makina ng sasakyan at saka mabilis na pinaharurot ito.

Sa nakamtan niyang kalayaan ay hindi niya napigilan ang pagsabog ng kaniyang halakhak sa ere habang walang-tigil sa pagbagsak naman ang sarili niyang luha, nang tuluyan siyang nakalabas sa sakop ng munisipyo at nakalayo sa gubat ay napalagay na rin ang kaniyang loob at napalitan ang kaniyang takot ng tuwa. Wala ng humahabol pa sa kaniya nang tahakin niya ang kahabaan ng high way, marami na siyang nakakasabay na sasakyan at maayos niyang naihalo ang sariling van sa trapiko. Ilang minuto pa ang lumipas at sa wakas nakalabas na rin siya sa lungsod ng Sta. Maria, nang pagmasdan niya sa side mirror ang mga gusali nitong paliit nang paliit ay tuluyang napawi ang kaniyang takot, ligtas na rin siya at hinding-hindi na siya babalik dito magpakailanman. Sa pagmamaneho niya sa pakurba-kurbang daan sa gilid ng nagtataasang bukid ay binuhay na lang niya ang radyo, agad namang nangibabaw ang malakas na musika na bumabagay sa nararamdaman niya sa puntong ito; ang saliw nito ay nagpapakagaan ng kaniyang loob at gumigising sa kaniyang diwang inaantok.


Missing Bodies [PUBLISHED UNDER LIB]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon