Kabanata Dalawa [1]

3.1K 154 2
                                    

ALAS SAIS NG GABI at tuluyan na ring napalagay ang grupo sa loob ng malaking tent, tapos na silang maghapunan at maayos na ring nailipat sa loob ang kanilang kagamitan. Kaniya-kaniya naman silang umukupa sa mga bakanteng upuan sa bawat bahagi mahabang mesa at saka tahimik na hinintay si Lucas na may kinukuhang mga dokumento mula sa sariling backpack. Habang wala pa ito ay umugong ang ingay sa loob; may nagtatawanan, may pinag-uusapan ang kasong hinaharap nila na halatang sabik na sabik, ngunit mayroon naming mas piniling manahimik at pinagtuonan ang sariling smartphone.

Hanggang sa ilang saglit pa ay dumalo na rin si Lucas at inilapag sa ibabaw ng mesa ang mga dokumentong konektado sa hinaharap nilang kaso ngayon, ang tungkol sa mga nawawalang tao rito sa Sta. Maria. Inukupa naman ng lalake ang bakanteng upuang nasa pinakadulo ng parihabang mesa, nang tuluyang nakaupo ay kitang-kita naman niya ang mga mukha ng mga kasapi at ang tingin nitong napako sa kaniyang gawi.

"Ayon sa napagplanuhan namin ni Eurie kanina ay kailangan nating hatiin ang grupo sa lima upang mahati rin ang responsibilidad at madaling matapos ang kasong ito, at ang bawat grupo ay matutuon sa isang kaso na kalaunang tatalakayin natin." panimula ni Lucas nang matahimik ang lahat, "Ako, kasama sina Ivan at Eurie ay mag-iimbestiga sa pagkawala ng dalagang hinirang na binibinig Sta. Maria, pati na rin ang photographer at yung mag-asawang kasama nito; kayo naman Charice at Wreen ay nakataas na mag-imbestiga sa mga campers; Emily at Jimmy ay para sa tatlong guro ng sekundarya rito; at sina Bella at Kezel naman ay para sa nawawalang bangkay ng pampublikong libingan dito." Bilin at anunsyo niya.

"May nawawala rin palang mga bangkay?" agad na tanong ni Kezel.

"Oo, idinagdag 'yan ni mayor kanina bago tayo naghapunan." Sagot naman ng lalake,

"Nariyan sa harap n'yo ang mga police reports na hinatid kanina at yung mga datos na napag-usapan natin kahapon, kayo na ang bahalang magbasa niyan at bukas na bukas na tayo magsisimulang mag-imbestiga at titignan natin kung konektado lang ba ang lahat o hindi. Dapat nating pag-aralan ng maigi ang bawat kaso dahil maaaring isa riyan ay maghahatid sa 'tin sa sagot ng misteryong ito."

"Ilang oras ba Lucas?" tanong naman ni Charice na binabasa ang file na nakaatas sa kaniya.

"Limang oras, simula alas otso hanggang ala una ay mangangalap tayo ng datos at babalik tayo rito upang pag-usapan ito. At magdaragdag pa tayo ng isa pang limang oras para sa pangangalap ulit para sa diskusyon sa gabi." paliwanag niya na ikinatango ng lahat, "Ipapaalala ko lang na kailangan nating maging tago sa mga mata ng katunggali natin. May mga tanong pa ba kayo?"

"Wala na..."

"Sige, kung gano'n ay humanap kayo ng puwestong kumportable—yung 'di kayo madidisturbo. Pag-usapan n'yo na ang kaniya-kaniyang kaso at matulog kayo sa tamang oras ng ating shifting; ang skedyul ay nakadikit sa 'ting pisara at gano'n na rin sa pagbabantay ng ating mga surveillance cameras. Pakiusap, dapat walang bakante sa surveillance dahil sa ikakabuti rin naman natin ito."

"Bakit may magbabantay sa surveillance cameras? Sinabi na nga ni Mayor kanina na para sa documentary yun 'di ba?" tanong ni Bella na halatang hindi sang-ayon sa puyatan at shifting.

"Hindi siya maglalagay ng mga monitors dito kung wala tayong makukuhang impormasyon...kailangan nating manalo kaya dapat lahat ng anggulo ay nararapat lang na pagtuonan natin ng pansin."

Sabay-sabay na sumagot ng pagsang-ayon ang kaniyang mga kasapi at nagsitayuan na rin ito maliban sa kila Ivan at Eurie na nanatili at pinapanood lang ang mga kasamahang nagsialisan: nagsiakyatan sina Charice at Wreen sa ibabaw ng isang double deck na higaan; at nagsilabasan naman sina Bella, Kezel at Emily para gamitin ang kani-kanilang maliliit na tent doon, kung kaya't napagpasyahan na lang nina Eurie na manatili sa kinauupuan kasama ang mga dokumentong nakalatag sa mesa.

"Dito na lang tayo,"

"Sige, saan tayo magsisimula Lucas?" tanong ni Ivan.

"Ganito, pagtulungan n'yo ni Eurie itong kaso." Sagot nito at inilaan sa dalawa ang isang folder, "At isa rin sa 'kin. At saka mamaya ay magpalitan tayo pagkatapos itong basahin."

At lumukob ang katahimikan sa tatlo nang matuon sila sa pagbabasa ng kaniya-kaniyang dokumento: nakaatas kila Eurie at Ivan ang tungkol sa mag-asawang nawawala kasama ang photographer; samantalang hawak naman ni Lucas ang tungkol sa nawawalang dalagita na hinirang na Binibining Sta. Maria nitong nakaraang taon lang. Masusi nila itong binasa at isinulat ang mga importanteng detalye sa malinis na papel: pangalan, petsa, mga lokasyon kung saan sila huling namataan, mga tanong, at iba pang anggulo na maaaring magagamit. Tanging tunog lang ng papel at panulat ang nangingibabaw sa loob ng tent, at lahat ng tingin nila ay napako sa bawat pahina. Hanggang sa makalipas ang isang oras ay natapos na rin sila at napagpasyahang pag-usapan ito, at bago sila nagsimula ay naglagay muna si Lucas ng camera sa gitnang-dulo ng mesa na saktong kukuha at magdudukumento sa kanilang pag-uusapan.

Missing Bodies [PUBLISHED UNDER LIB]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon