Kabanata Apat [2]

2.1K 101 14
                                    

At natulak siya sa desisyong napakadelikado man ay kailangan niyang gawin ngayong desperado na siyang makalayo, dahil sa hindi niya magawang lumingon ay laking-hirap para sa kaniya ang kilabot na wala siyang kaide-ideya kung nasaan na ang presenyang kinakatatakutan niya. Malalim siyang suminghap ng hangin bilang hudyat, sa bilang ng tatlo ay mariin siyang napapikit at napakagat upang maghanda, at hanggang sa pagsapit ng huling bilang ay puwersahan niyang hinila ang sarili paalis sa bakod na purong tinik. Isa-isang nahugot palabas ang mga mumunting patalim at naiyak na lang siya sa tindi ng hapdi na hatid nito, tuloy-tuloy ang pag-agos ng malapot na dugo at nababahiran nito ang kaniyang puting damit at maong na pantalon. Hindi siya tumigil sa pag-atras at iyak nang iyak habang dinadama ang pagbuwag ng tinik at ng kaniyang laman sa pisngi at dibdib, nalalasahan na niya ang dugong umaagos pababa mula sa noo at hilong-hilo na siya sa 'di mawaring sakit na lumulukob.

Isang malakas na daing na puno ng hinagpis ang kumawala sa kaniyang bibig nang tuluyan niyang naalis ang linya ng barbed wire na nakabaon sa kaniyang pisngi at dibdib. Kahit na gusto niyang sumigaw ay pinilit niya pa rin ang sarili na kimkimin ang lahat ng sakit at iiyak na lang ito kahit na napakahirap ng proseso. Ramdam niya rin na para siyang kinakapos ng hangin kung kaya't walang-tigil siyang humahangos, bagay na nagdulot ng galaw na nagpapalala sa kaniyang sitwasyon. Hanggang sa isang mainit na hangin ang dumampi sa kaniyang batok na nagpatindig ng kaniyang balahibo, agad siyang napatigil at mabilis na napalingon ngunit bago pa man niya makita kung anong nasa likod ay isang malamig na kamay ang sumalubong sa kaniyang mukha at buong-lakas na tinulak sa bakod.

Sa puntong ito ay hindi na niya napigilan pa ang sarili at buong-lakas na napasigaw sa sakit na nadarama nang bumaon ang isang tinik sa kaniyang kaliwang mata, kasalukuyan siyang nakaharap sa kanan gawi at ang buong kahating mukha niya ay natusok ng 'di mabilang na tinik. Lumuluha na siya ng dugo habang walang-tigil na sumisigaw ng saklolo at nagmumura sa taong tumutulak sa kaniya. Sa dilim ng paligid ay hindi niya magawang aninagin kung sino ito lalo pa't purong luha rin ang namumuo sa kaniyang mga mata at sa kadilimang binubulag pa rin siya, pero kahit hindi man niya ito makilala ay alam niyang ito rin ang estranghero na nakasalubong nila kanina—sigurado siya. Hindi niya lubos maisip na magkakatotoo ang bangungot na dinarasal niyang hindi mararanasan, hindi niya matanggap ang katotohanang hindi na pala paligsahan ang sinalihan nila. Marahas, walang-awa, at demonyo ang mga salitang umiikot sa kaniyang utak nang madarama niya ang pagbaon ng tinik nang itulak pa nito ang buong katawan niya, sa tindi ng sakit niya ay batid niyang lahat ng tinik ay nasa loob na ng kaniyang katawan. Ngunit sa kabila ng paghihirap niya, imbes na magalit at manlaban ay purong pagmamakaawa lang ang nagagawa niya, tumigil na siya sa pagmumura at pagpupumiglas nang maramdaman niyang mas lalong lumalala ang kaniyang sitwasyon.

"P-Pakiusap..." aniya at muling napasigaw sa sakit nang lumalim ang pagbaon ng metal na tinik at mistulang hinuhukay nito ang kaniyang laman, "T-Tama na!" Iyak niya na agad namang tinugon nito.

Salungat ang pahayag na 'parang nabunutan ng tinik' upang ipaliwanag ang nadarama ni Ivan nang agad siyang hinablot ng estranghero mula sa pagkakadikit, sa higpit ng kapit nito sa kaniyang baywang, sa isang kurap lang ay nawindang siya sa tindi ng sakit nang mabunot ang lahat ng tinik mula sa iba't ibang bahagi ng kaniyang katawan. Sa pagbagsak niya sa madahong lupa na may iilan pang bato ay nakaramdam na lang siya ng dagdag na kirot sa likod bago tinangay ang kaniyang wisyo at diretsong nawalan ng malay.

***

"WREEN!"

"Wreen?!"

Ang mga sigaw nila ay bumabaha sa kakahuyan ngunit purong mga ibon at mga insekto lang ang nagagambala nila, dapit-hapon na at malawak na rin ang kanilang nasuyod, pero sa nakalipas na tatlong oras ay wala talaga silang nahagilap na presensya o bakas ng nawawalang kasama. Lahat silang tatlo ay gutom, pagod, at uhaw na uhaw, dahil sa kaunti lang ang kanilang binaon na pagkain at tubig ay hindi talaga ito sapat upang tugunan ang pangangailangan nila upang magpatuloy sa paghahanap.

Missing Bodies [PUBLISHED UNDER LIB]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon