AGAD SILANG KUMILOS at malalaki ang kanilang hakbang nang muli nilang tahakin ang daan sa ilalim ng kakahuyan pabalik sa kampo, sa pangunguna ni Lucas na kanina pa paulit-ulit na tinatawagan ang ibang mga kasamahan ay tahimik lang na nakasunod sina Emily at Charice. Binalot sila ng katahimikan at kaniya-kaniyang nalunod sa sariling iniisip, malikot na gumagana ang kanilang imahinasyon at lahat ay pawang nakakatakot na kaganapang maaaring nangyayari o mangyayari pa. Maliban lang kay Lucas na panay ang pagmumura nang walang ni isang sumasagot sa kaniyang tawag, at dahil dito ay mas lalo siyang nag-aalala sa kalagayan ng ibang kasama at baka napano na ang mga ito.
"Lucas! May backpack!" biglang saad ni Charice.
Agad namang napalingon ang lalake at sinundan kaagad ang itinuro nito, iilang metro ang layo nito sa kanila at nakalapag lang sa madahong lupa ang itim na backpack: nakabukas na ito at nagkalat na sa lupa ang mga kagamitan, at base sa disenyo nito ay agad niyang namukhaan na pagmamay-ari ito ng nawawala nilang kasama. At laking-duda naman niya na hindi nila ito natagpuan kanina, kung masusi nga nilang nasuyod itong kakahuyan ay tiyak na kakaiwan lang nitong backpack sa bahaging ito. Pero may parte pa rin ng kaniyang sarili na nagsasabing baka nakaligtaan nila ito at hindi nahagip ng sakop ng kaniya-kaniyang paningin. At bago pa man siya nakapagsalita ay biglang umalis si Charice at mabilis na tinungo ang kinalalagyan ng itim na backpack.
"Cha—."
Umalingawngaw ang sabay na sigaw ng dalawang babae nang sa 'di inaasahang pagkakataon, bago pa man narating ni Charice ang backpack ay biglang bumigay ang kaniyang inaapakan, huli na nang malaman nilang isa pala itong malaking hukay na tinakpan lang ng mga patpat at maraming dahon, diretsong nahulog ang babae kasunod ang mahinang kalabog nito. Agad na naputol ang sigaw ni Emily nang maproseso niya ang pangyayari at diretsong sumaklolo kasama si Lucas, ngunit ang sigaw naman ni Charice ay mas lalong lumakas at mahahalata na sa boses nito ang tono ng pinaghalong takot at reaksyon sa sakit. At sa pagdungaw nina Lucas sa loob ng malamlam na hukay ay labis silang nagimbal sa naaninagang tanawin: agad na naiyak si Emily sa takot, napatakip ito ng bibig at mabilis na napaiwas ng tingin nang tamaan siya ng pagkahilo, samantalang natulala na lang ang lalake habang nanginginig ang magkabilang kamay at mahahalatang nablangko ang isipan nito sa kalunos-lunos na sinapit ng kanilang kasama.
"L-Lucas!" daing at iyak ni Charice na lubusang namumutla at humihingi ng saklolo, pero natulala lang talaga ito at mistulang nabingi sa kagimbal-gimbal na kaganapan.
Naluluha na si Emily nang hablutin siya si Lucas at marahas na hinawakan ang magkabilang pisngi, hinarap niya ang tulalang mukha ng lalake at tinitigan ito sa mata, "L-Lucas gumising ka! Kailangan ni Charice ng tulong! Pakiusap tulungan mo siya!"
"Ka-Kailangan nating tawagan si Mayor..." nauutal-utal na pahayag ng lalake at nanginginig na hinugot mula sa bulsa ang sariling smartphone.
"C-Charice! Huwag kang matakot, t-tatawag na kami ng tulong. Huwag kang matakot pakiusap, tutulungan ka namin ngayon." Wika ni Emily na hindi na mapalagay sa nakikita, "Huwag kang gumalaw masyado, okay? K-kumalma ka lang at m-magiging maayos din ang lahat." Utos niya rito kahit na napakahirap para sa babae.
Habang walang-tigil na dina-dial ni Lucas ang numero ni Mayor Racal ay pinili naman ni Emily na lumuhod na lang sa bukana ng hukay at dumungaw sa baba kung saan nakahimlay ang naninigas na katawan ng babae, hindi siya mapalagay sa kalunos-lunos na sinapit ni Charice at nakakapanlumong isipin na wala siyang ibang magawa o maitutulong upang ibsan man lang ang sakit nito. Nang magsimula nang kumulimlim ang paligid ay nahirapan na siyang aninagin ang babae sa baba, kung kaya't mabilis niyang kinuha ang sariling smartphone sa backpack at inilawan si Charice. At sa pagbaha ng liwanag ay tuluyan niyang nasaksihan ang kalagayan nito, hanggang ngayon ay hindi niya pa rin lubos maisip ang 'di mawaring sakit na nadarama ng babaeng nahulog sa isang patibong ng mga ligaw na hayop, tadtad ng mga nagtataasang kahoy ang loob ng hukay at ang bawat isa ay may matutulis na dulo na nakatutok sa ibabaw—mga sibat.
Sa kasamaang-palad ay tatlong kahoy na mala-sibat ang tumagos sa katawan nito: sa kaliwang hita, tagiliran, at kanang dibdib ni Charice nang mahulog siya at malakas na bumagsak, ramdam niya ang mga laman na napunit at mga butong tinamaan. Hindi man gaanong malalaki ang dyametro ng bawat sibat ay matinding kirot pa rin ang hatid nito sa kaniyang sistema, malakas ang kaniyang iyak at daing habang pilit na pinipigilan ang sarili na gumawa ng kilos, dahil kahit kaunting galaw lang ay maghahatid kaagad ito ng matinding kirot na parang ikababaliw niya. Hilong-hilo na siya at ang liwanag na nakikita niya mula sa hawak ni Emily ay patay-sindi na animo'y naglalaban ang liwanag at dilim; basang-basa siya at ramdam niya ang mainit at malapot na dugong hinihigaan na niya. Sa paglipas ng bawat segundo, sa tuwing humihinga siya ng malalim ay siya rin namang pagbuluwak ng dugo at pag-agos palabas ng katawan niya.
"Hindi sumasagot si Mayor!" nababanas na sabi ni Lucas nang makalipas ang labing-dalawang pag-dial niya sa numero nito, "Tangina! Pati rin ang mga kaibigan natin, nagri-ring lang, walang sumasagot! Ang hina ng signal dito!"
"Lucas kailangan mong pumunta sa presinto at humingi ng tulong sa mga pulis, h-hindi natin maliligtas si Charice kung tayo lang dalawa. Umalis ka na at ako muna ang maiiwan sa kaniya rito." Utos ni Emily na natataranta na rin at lubusang nangangamba sa kalagagayan ng kasama, "Sige na, please."
"Yun din ang iniisip ko..." ani ng lalake, "Ayos lang ba sa 'yo? Iwan muna kita rito kay Charice?"
"Oo okay lang, bilisan mo lang Lucas pakiusap, at saka sabihan mo yung iba nating kasama na balikan ako rito."
"Sige, diyan ka muna. Babalik ako kaagad." Huling bilin nito at mabilis na tumakbo, tanging flashlight ng smartphone at marka sa mga kahoy ang naging gabay ng lalake sa kaniyang pagbaybay ng daan na pauwi sa kampo.
Sinundan lang niya ng tingin ang lalake hanggang sa ito ay matakpan ng mga kahoy at nilamon ng dilim, "Charice, k-kumapit ka lang...babalik din agad si Lucas." Aniya nang balingan niya ito ng pansin.
"E-Emily..." daing nito sa tonong nanginginig.
"H-Huwag ka munang magsalita Charice, mas lalala 'yang sugat mo—."
"S-Sabihin mo k-kay Mama na m-mahal ko siya..." mahinang sabi nito na parang pumipilas sa kaniyang puso.
"Ano ba Charice! Huwag ka ngang magsalita ng ganiyan! Tumahimik ka muna at kumapit ka lang diyan, darating din ang tulong agad-agad."
"S-Sabihin mo sa kaniya n-na mahal na mahal k-ko siya...m-mangako ka pa-pakiusap..."
"Oo na, oo sasabihin ko sa kaniya basta tumahimik ka lang diyan."
"H-Hindi ko na kaya Em'...nahihirapan n-na akong huminga." Ani nito at narinig nga niya ang nakakapanindig-balahibong tunog ng baga nito sa tuwing humihinga.
"Tangina naman oh, bakit ba kasi may bitag dito?!" sigaw niya sa labis na pagkabigo.
BINABASA MO ANG
Missing Bodies [PUBLISHED UNDER LIB]
HorrorTunghayan ang misteryong bumabalot sa lungsod ng Sta. Maria. Date Started: April 14, 2020 Date Finished: April 20, 2020 © Axel Eres [Book Cover]