Kabanata Lima [1]

1.8K 108 14
                                    

SA ISANG DAKO ng gubat ay kasalukuyan na palang hinihila ng isang estranghero ang katawang nanlalanta ni Ivan, bawat hila nito ay nag-iiwan ng bakas ng dugo at isang linya ng marka ng mga dahong nakaladkad. Sa unti-unting paglayo ng katawan ng lalake ay siya rin namang paglapit ni Lucas sa nais nitong destinasyon, sa bilis ng sariling takbo ay natagpuan kaagad niya ang kampo na madilim pa rin at wala siyang naaaninagang galaw mula sa loob. Mas lalo siyang kinutuban dito lalo pa't ang huling narinig niya mula kay Jimmy ang mura nito na hindi niya alam kung anong pinapahiwatig at malabo para sa kaniya ang totoong nangyari. Kung kaya't binilisan pa niya ang takbo hanggang sa marating niya ang bungad ng bakod na purong barbed wire, diretso naman siyang pumasok at tinungo ang nakabukas na lagusan ng kanilang tent.

Tahimik, wala siyang naririnig na ingay mula sa loob, indikasyon na wala ngang tao rito; naguguluhan na siya at labis na nangangamba sa mga pangyayari. Mas lalong lumakas ang kabog ng kaniyang puso nang makapasok siya sa loob ng tent at agad na binibingi ng katahimikan, nagsimula naman siyang manlamig at panay sa palinga-linga ng paligid dulot ng pagkabalisa habang pilit na hinahanap ang presensya ng dalawa. Purong kadiliman lang ang laman nito at tanging ang liwanag lang na nagmumula sa kaniyang smartphone ang nagbibigay-kulay sa paligid, at labis siyang nadismaya nang niya hindi mahanap ang presensya ng dalawa, tanging ang isang mug ng kapeng malamig at cup noodles na marami pang laman ang natitirang bakas ng kaniyang mga kaibigan.

"Jimmy? Kezel?" tawag niya sa dalawa.

Ngunit wala talagang sumagot, purong tunog lang ng kuliglig ang nangingibabaw sa paligid, bagay na lubhang nagpapakaba sa kaniya.

"Jimmy? Kezel?" paulit-ulit na tawag niya rito nang lumabas siya at sinuyod ang paligid.

Napailing na lang siya at malakas na napabuga ng hangin, natagpuan niya ang makina ng generator sa tabi ng kampo at nakabukas lang ang sisidlan nitong para sa gasolina. Sa naabutang ayos nito ay mas lalong lumubha ang kaniyang masamang kutob na may nangyari nga rito; naisip niyang hindi basta-bastang aalis ang dalawa na hindi nagpapaalam sa kaniya, kung nakaligtaan man nitong magpaalam ay takang-taka naman siya kung bakit iniwang nakabukas itong generator na wala pa ring lamang gasolina; ngunit hindi maitatangging isang mura ng takot ang huling salita na namutawi sa bibig ng lalake bago naputol ang tawag nito. Alam niyang may mali ngang nangyari rito, at ang katotohanang wala siyang kaide-ideya ay labis na nagpapakaba sa kaniya. Ngayong may dalawang problema na nakahain para sa kaniya ay mabilis niya itong natimbang sa kung alin ang pinakamabigat. Sa huli ay napagpasyahan niyang umalis na lang niyang umalis, mabilis siyang tumakbo palabas at sinundan ang mataas at sementadong pader o bakod upang marating ang kinakalawang na gate na magiging daan niya papasok sa bahaging sakop ng munisipyo.

Balewala ang mga nagtataasang pananim at damo na nasasagi niya sa pagtakbo, dire-diretso lamang siya hanggang sa marating niya ang maliit at ang lumang gate. Agad niyang isinilid ang sariling kamay sa mga espasyo ng rehas at dali-daling hinila paalis ang nakaharang na pahalang na metal na nagsisilbing lock. Isang malakas at nakakapanindig-balahibong na tunog ng nagkikiskisan na kinakalawang na mga metal ang dinulot nang tuluyan na rin itong nahila, ngunit bago pa man niya ito natulak pabukas ay laking-gulat niya nang makuha ng mga sunod-sunod na pagtawag ang kaniyang atensyon. Agad siyang napatigil at buong-atensyong itong pinakinggan ng maigi hanggang sa naging malinaw na rin sa ito kaniyang pandinig at nabigyan kaagad ng pagkakakilanlan.

"Lucas! Jimmy! Kezel?!" sigaw nito na batid niyang nagmumula sa kampo.

Imbes na lumabas ay agad siyang bumalik upang hanapin ito, muli niyang binaybay ang daan sa tulong ng flashlight hanggang sa mapatigil siya at nakatagpo ang pawisan at natatakot na mukha ng mga babaeng gulat na gulat din sa kaniyang pagsulpot at presensya. Hinihingal man, nang magtagpo ang kanilang mga mata ay agad na nagliwanag ang ekspresyon ng mga mukha nito animo'y nabuhayan ng loob nang makita siya.

"Lucas!" bulalas nito.

"Eurie, Bella? Nasaan si Ivan?" nag-aalalang tanong niya rito at mabilis na tinulungan ang babae sa pag-akay kay Bella na paika-ika sa paghakbang, "Anong nangyari?!" tanong niya rito nang mapansin ang dumi sa damit ng dalawa.

"K-Kailangan nating umalis, a-ayoko na rito. N-Nakita n-namin ang estranghero k-kanina, y-yung sa CCTV footage..." Hinihingal na pahayag ni Eurie na sumisinghap pa rin ng hangin, "H-Hindi yun a-aktor, d-dahil nakita naming d-duguan talaga siya."

"N-Nagsitakbuhan kami sa takot, p-pero iniwanan kami ni Ivan no'ng nadapa ako." Dagdag naman ni Bella, "H-Hindi ko alam kung anong nangyari kay I-Ivan, pero narinig namin siyang sumigaw.

"Teka ba't madilim pa rin dito? Nasaan ba sina Jimmy at Kezel?" nagtatakang tanong ni Eurie nang mapansin niya ang tent.

"Isa rin 'yang problema, tumawag sa 'kin si Jimmy kanina pero agad itong naputol. At saka si Charice—."

"Bakit? Anong nangyayari kay Charice?" tanong ni Eurie na nagsimula nang mangamba.

"N-Nahulog siya sa isang hukay, hindi namin ito napansin kasi natakpan pala ng mga dahon. At hindi rin namin alam na bitag p-pala ito sa mga ligaw na hayop. N-Natusok siya sa mga sibat na nakatarak sa baba. I-Iniwanan ko muna sila ni E-Emily...B-Buhay pa si Charice, k-kailangan niya lang ng tulong—."

"Tangina naman oh! Lucas ano ba 'tong pinasok natin?! Akala ko ba magiging ligtas tayo?! Bakit may nangyayaring ganito?!" asik ni Eurie sa tindi ng dismaya at galit na nadarama, "Hindi ka ba nag-aalala sa 'ting kasamahan?! Kasalanan mo 'to!" iyak ni Eurie nang maisip niya ang sinapit ng kaibigan, "Lucas kasalanan mo 'to kung may mamatay sa 'tin! Tangina mo!"

"Nag-aalala ako Eurie! Takot na takot din ako! Gusto ko ng sagot pero hanggang ngayon ay 'di sinasagot ni Mayor ang mga tawag ko! Gulong-gulo ang isipan kong walang kaide-ideya sa nangyayari!" paliwanag ng lalake nang sumabog ang kinikimkim nitong emosyon, "Responsibilidad ko kayo...at ngayon ay parang mababaliw na ako na nalagay tayo sa panganib."

"Tangina naman..." usal ni Bella na dinadaing pa rin ang kaniyang binti, "Akala ko ba pumunta tayo rito upang lumahok sa isang paligsahan."

"Kapag hindi mo maliligtas si Charice lagot ka talaga sa 'kin, 'pag may mapapahamak sa 'tin, ikaw at ikaw lang ang sisisihin ko."

"Huwag kayong mag-alala, pumasok muna kayo sa kampo at do'n muna magpahinga. Hihingi ako ng tulong sa mga pulis." Aligagang wika ni Lucas na agad silang tinalikuran at saka diretsong tumakbo, "Babalik ako agad."

***

6:14 pm

NABUHAYAN KAAGAD ng loob si Lucas nang matagpuan ang 'di gaanong kalakihang gusali ng police station makalipas ang ilang minutong paghahanap at paglilibot, matingkad ang liwanag ng bawat bumbilya nito at nakita niya ang pulis na kakapasok lang sa loob. Wala na siyang inaksaya pang pagkakataon at agad na tinungo ito, kasabay nito ay mabilis naman niyang pinatay ang ilaw ng kaniyang smartphone at saka ibinulsa ito.

"Sir! Kailangan po namin ang tulong n'yo!" sigaw niya sa pulis na nakauniporme at unang bumungad sa kaniyang paningin, "Pakiusap tulungan n'yo kami!"

Mabilis niyang nilapitan ito at nagmakaawa sa lalake, kumapit kaagad siya sa magkabilang braso nitong matipuno at saka tinitigan sa mata ang takang-takang pulis. Wala siyang nakuhang sagot dito kung hindi ang reaksyon nitong purong pagtataka, at bago pa man siya nakapagsalita upang ulitin ang kaniyang pakiusap ay may humila sa kaniya na pulis na sobrang higpit ng kapit sa kaniyang balikat, kung kaya't agad naman siyang bumitaw at nilingon ang humilla sa kaniya.

"Maupo ka muna rito at kumalma, hindi ka namin maiintindihan kung ganiyan ka magsalita." Utos sa kaniya ng lalakeng may makapal na balbas na masinsinan siyang inobserbahan mula ulo hanggang paa, "Jake, ikuha mo nga siya ng tubig." Utos nito sa lalakeng unang nilapitan niya.


Missing Bodies [PUBLISHED UNDER LIB]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon