Kabanata Isa [2]

5.2K 206 23
                                    

HABANG PINAPAKINGGAN ANG paborito niyang kanta ay malayang dinama ni Eurie ang malakas na ihip ng hangin at ang marahang pag-alog ng sinasakyang van. Bukas ang lahat ng bintana, kung kaya't labas-masok lang ang malakas na bugso ng hangin na tumatangay sa kaniyang buhok at pumapawi rin sa init ng panahon. Maliban sa kaniya at kay Lucas na nagmamaneho ay tulog na tulog ang mga kasamahan nila, kahit siksikan ay nagawa pa rin nitong magpahinga magmula pa no'ng kakaalis lang nila, sa hinaba-haba naman kasi ng biyahe at sa kapayapaang nadarama ay 'di talaga nila maiwasang hindi makaramdam ng antok.

Sa kasagsagan ng biyahe ay nilibang ni Eurie ang sarili sa ganda ng mga bulubunduking nadaraanan, aliw na aliw siya sa berdeng-berde na lupain na mas lalong binigyang-ganda ng himpapawid na purong asul. Walang ni isang ulap ang nakalutang, blangkong-blangko ang langit animo'y isa itong malawak na karagatan sa itaas na sadyang nakakakalmang tignan. Pakiramdam niya ay parang ang sarap tumalon at lapitan ang langit at magpatangay lamang sa malakas na hangin doon, imposible man, pero napakagandang danais upang pawiin ang kanilang problema.

Agad naman niyang hininaan ang volume ng pinapakinggang musika at sinubukang kausapin ang kakilala, "Lucas, tignan mo ang ganda ng langit." Aniya sa lalakeng natuon lang ang atensyon sa pagmamaneho.

Saglit namang binagalan ng lalake ang pagmamaneho at dagliang napatingin sa labas ng bintana at sumilip sa kalangitan, "Oo nga, parang ang sarap tuloy maligo sa dagat. Ganitong klima ang mainam para magbabad sa tubig." komento nito at nabalik na sa daan ang konsentrasyon. "Gusto kong magbabad buong araw."

"Ako rin. Sana pagkatapos nito Lucas, manalo man o matalo ay may kaunting pagdiriwang naman tayo o salo-salo. Matagal na tayong hindi nagsama at kailangan nating magsaya gaya no'ng nakaraang mga panahon. Bahala na kung mangingitim tayo." Pagbibiro niya na umaasang diringgin din ng lalake.

"Aba walang problema 'yan, nangako si mayor na may consolation price para sa matatalo, sapat na yun upang paghati-hatian natin at kunan na rin para sa gala."

"Ganiyan dapat Lucas, parang gaganahan akong magtrabaho niyan." Aniya na natatawa.

"Lulutasin lang natin itong misteryosong pagkawala ng mga tao at aalamin kung sino-sino ang salarin na nasa likod nito, kailangan nating magtulungan at paganahin ng maayos an gating isipan." Pahayag ng lalake na ikinatango na lang niya, "Nakalaan na ang lahat ng kakailanganin natin, kaya magiging madali lang ito. Batid kong iilang araw lang natin itong malulutas kung pag-iigihan nating mabuti ang trabaho, kailangan nating unahan ibang grupo."

"Bakit may paganito ang alkalde Lucas? 'Di ba ang weird lang na may larong ganito ang isang lungsod?"

"Gusto ni Mayor na maiba siguro, marami rin kasing tumatangkilik dito. Bale mas aabangan pa raw ito ng mga taong-bayan kaysa sa ibang kaganapan ng pista. Tsaka malaki rin ang epekto nito sa tourismo ng bayan; marami silang tourist spots na patok din sa mga dumadayo."

"At matutuloy talaga ang gala natin matapos ito?"

"Oo matutuloy talaga, minsanan lang ito Eurie kaya sulitin na lang natin." Ani ng lalake, "Pero maiba naman tayo Eurie, hindi sa naman panghihimasok, pero may itatanong lang sana ako."

"Ano yun?" aniya na kinutuban sa sasabihin nito.

"Tungkol sa inyo ni Wreen."

Sa sinabi ni Lucas ay biglang nagbago ang timpla niya't muli na naman niyang naramdaman ang pamilyar na sakit na naging parte na ng sistema niya, sakit na hindi niya alam kung kailan makakalaya, "Ah, gano'n pa rin. Hindi nagpapansinan, parang hangin lang." sagot niya habang pilit na iniiwasang tignan ang lalake na natutulog at nakasandal lamang sa bintana,

"Hindi n'yo pa ba napag-usapan yun?"

"Matagal na naming napag-usapan yun, pero sa tuwing nag-uusap kami ay naghahain din siya ng sariling bahagi kahit na nagsasalita pa ako. Kaya nauuwi sa alitan ang aming pag-uusap dahil walang nagpapakumbaba." Sagot niya't napatingin ng malayo sa labas ng bintana, "Parang gusto niya ring palabasin na hindi lang ako ang nasasaktan, pero kung tutuosin naman talaga, sa 'ming dalawa ay ako talaga itong mas kawawa—ako itong bulag sa lahat ng kataksilahan nila, ako itong mas nagdusa." paliwanag niya na hindi alintana ang tsansang baka magigising si Wreen at maririnig ang usapan nila, "Kaya ayoko nang kausapin siya; ayokong magpakumbaba. Kahit mahirap ay mas mabuting iwasan ko na lang ang mga bagay na nananakit sa 'kin, dahil alam kong hindi ko na kayang tiisin pa ito."

"Ramdam ko ang sakit mo Eurie, pero dinggin mo rin si Wreen. Pilit siyang humihingi ng kapatawaran sa 'yo, gusto niyang ayusin ang relasyon n'yo. Isipin mong dalawa kayong biktima ng isang babae rito; niloko ka, nagpatangay naman siya. Pero mas magandang pagtuonan mo ng pansin ang katotohanang ikaw pa rin itong pinili ni Wreen sa huli kahit na alam niyang malabo ka na niyang maibabalik."

"Pero ang sakit pa rin Lucas."

"Nagsisisi siya sa kaniyang ginawa, nakikita ko siyang nasasaktan din. Mahal ka pa rin niya, Eurie. Nahahalata ko yun."

"Hindi ko alam kung matatanggap ko pa ba siya,"

"Mahal mo pa siya? O hindi na?"

"Mahal ko pa,"

"Kung gano'n ay bigyan n'yo na lang ng tsansa ang inyong mga sarili kaysa sa nakikita ko kayong nagsasakitan." Sabi ni Lucas na ikinatahimik niya, "Nami-miss ko na ang tandem n'yo noon sa department natin; noon ay binabaha pa ng mga pictures n'yo ang timeline ng Facebook ko, pero ngayon hindi na." Pahayag nito na ikinangiti na lang niya nang may maalala, "Sana magkaayos kayo."

"Sana nga," aniya at sinalubong muli ang tingin ni Lucas sa kaharap na salamin.

"Sige na Eurie, gisingin n'yo na sila." Utos ni Lucas, "Malapit na tayo sa lungsod." Turan nito na ikinatango niya.

Missing Bodies [PUBLISHED UNDER LIB]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon