Kabanata Apat [1]
Sa nasaksihan ni Eurie ay agad naman siyang napatigil at dinaluhan ang babaeng malakas na napadaing sa natamo, dali-dali siyang lumuhod sa tabi nito at saka mabilis na tinakpan ang bibig nito gamit ang nanginginig at pawisang kamay habang palinga-linga sa paligid. Sumenyas siya na huwag mag-ingay sa babae sa pamamagitan ng paglagay hintuturo sa labi, nang makuha nito ang nais niya ay napatango lang si Bella at tumigil na sa pagdaing, bagkus ay purong malakas na pagsinghap ng hangin na lang ang nagagawa nito. Kapuwa sila hinihingal at nanginginig bunsod ng pagod at takot; dulot ng ng pangambang kinakain ang kanilang sistema ay kaniya-kaniya silang napatingin sa iba't ibang direksyon, palinga-linga sa kakahuyan upang hanapin si Ivan at tingnan kung may humahabol pa ba sa kanila.
Pero nadismaya na lang sila at nanlumo nang tanging ang bulto ng lalakeng papalayo ang nakita nila na nagtuloy-tuloy lamang sa pagtakbo, hindi makapaniwala si Eurie na nagawa silang iwan ni Ivan at umiral ang totong kulay nitong pagiging makasarili. Gustuhin man niyang sumunod alang-alang sa sariling kaligtasan ay hindi niya talaga kayang talikuran si Bella, kahit na nabubuwisit siya minsan sa babae ay hindi maitatangging tinuring niya rin itong kaibigan. Tumabi na lang siya at niyakap ito upang pakalmahin, pero imbes na gumaan ang pakiramdam ay mas lalo itong naiyak at pinipigilan lang ang paghagulhol at hikbi habang sa nanginginig nitong hinahawakan ang kanang paa na nabatid kaagad niya na pinagmulan ng komplikasyon o ang parteng kumikirot.
"K-Kaya mo pa bang t-tumayo't tumakbo?" putol-putol na tanong ni Eurie kay Bella nang mahirapan siyang ibalik sa normal na ritmo ang paghinga.
"H-Hindi, huwag mo 'kong iwan p-pakiusap...k-kumikirot ang pa ako. N-Nabalian yata ako Eurie...pakiusap huwag mo 'kong iwan. Takot na takot na ako." Iyak nito na hindi mapalagay at kung saan-saan na lang napapatingin.
"Gusto mong buhatin na lang kita?"
"Huwag na Eurie, napakabigat ko. Hindi tayo aabot ng kampo na hindi nadarapa...tiyak na mapapagod ka lang o baka magaya ka rin sa 'kin." tutol nito, "Huwag mo lang akong iwan pakiusap."
"Hindi kita iiwanan—."
At nanlaki na lang ang kanilang mga mata nang sa 'di inaasahang pagkakataon ay biglang umalingawngaw sa buong gubat ang sigaw ni Ivan na kahindik-hindik pakinggan.
***
TULOY-TULOY LANG ang takbo ni Ivan at hindi na lumingon pa, sa lakas ng kabog ng puso niya at huni ng kaniyang paghangos ay hindi na niya narinig pa ang ingay ng paligid, sa halip ay paulit-ulit niyang naririnig ang dikta ng sariling isipan na magpatuloy lang at huwag tumigil. Malalaki ang kaniyang hakbang at halos talunin na niya ang lupain sa tindi ng takot na baka maabutan, at napakagaan ng kaniyang katawan nang lukubin siya ng adrenaline rush. Purong kadiliman lang ang nakikita niya at wala siyang ideya alam nasaan na ang kampo, nais man niyang gamitin ang flashlight na mahigpit niyang hinahawakan at hinuhugutan ng lakas ay hindi niya magawang gamitin sa pangambang matutunton siya.
Kalaunan, nang marating niya ang bahaging hindi gaanong lubak-lubak ang lupain at wala ring nakaharang sa kaniyang daan ay saglit siyang lumingon upang sipatin ang kaniyang mga kasama, ngunit laking-gimbal niya nang hindi niya mahagilap ang presensya nina Bella at Eurie. Agad siyang napatigil at marahas na napasabunot sa sariling buhok nang malaman niyang iniwanan niya ang dalawa sa hindi malamang bahagi ng gubat, hinihingal siyang napatakip bibig habang binibingi pa rin ng kabog ng puso at nanginginig sa takot na baka may nagmamasid sa kaniya. Hanggang isang kaluskos ang yumanig sa kaniyang sistema at muling naghatid ng kilabot, kusang kumilos ang kaniyang mga paa at nawala sa kaniyang isipan ang balak na balikan ang babae at muling kumaripas ng takbo.
Hindi man niya alam ang may-gawa ng kaluskos ay panganib pa rin ang ibig sabihin nito sa kaniya, kung kaya't hindi siya tumigil sa pagtakbo kahit na binubulag na siya ng kadiliman at nagsimula nang manaig ang sakit sa kaniyang katawan. Nakaramdam na siya ng kirot sa tagiliran kalakip kahirapan sa paghinga, sa kabila nito ay hindi pa rin siya tumigil at nagtuloy-tuloy lang hanggang sa muli na naman siyang nakarinig ng kaluskos kalakip ang mabilis at mabigat na yapak animo'y may humahabol sa kaniya. Mas binilisan pa niya ang takbo sa purong kadiliman at panay sa paglingon, hanggang sa 'di inaasahang pagkakataon, nang muli niyang itinuon ang atensyon sa harap ay laking-gimbal na lang niya nang maaninagan ang pagkislap ng metal na nakaharang.
At sa isang iglap lang ay kumawala ang malakas niyang hiyaw nang maramdaman ang pagkapunit ng kaniyang laman at balat matapos siyang mabunggo sa nakaharang na linya ng mga barbed wire. Sa bilis ng kaniyang takbo ay napakalalim ng ibinaon nito sa kaniyang pisngi at ilong, dibdib, magkabilang braso, hita, at binti na walang ibang hatid kung hindi ang nakakhilong sakit. Para siyang pinaparalisa sa sakit nito na ang kaninang maliksi at magaan niyang kilos at katawan ay biglang bumigat at tuluyan nang sinakop ang kaniyang sistema ng hapdi at kirot. Hindi na siya makagalaw pa at purong daing at iyak na lang ang kaniyang nagagawa, sinubukan man niyang hilain ang sarili ay nanindig na lang ang kaniyang balahibo at naramdaman ang 'di mawaring sakit na may kalakip na pag-agos ng dugo.
Sigaw siya nang sigaw ng saklolo sa loob ng tent umaasang may makakarinig sa kaniya at tutulong kaagad. Ngunit walang sumagot, naiyak na lang siya nang purong katahimikan lang ang isinukli sa kaniyang palahaw. Hindi pa rin siya sumuko at nagpatuloy lang sa pagsigaw, kahit na ang bawat sigaw niya ay may kalakip na kirot mula sa iba't ibang bahagi ng katawan na natusok ay ininda lamang niya ito at inisip na may sasaklolo rin sa kaniya. Hilong-hilo na siya at pati ang paghinga ya parusa na sa kaniya, bawat singhap at buga ng hangin ay may kaakibat na kirot na patindi nang patindi sa paglipas ng sandali. Idagdag pa pawis niya na nagsimulang magsilabasan sa kaniyang balat ay mas lalo siyang nahirapan sa hapding hatid nito kapag nahahalo sa sugat, kaunting galaw lang din niya ay mas lalong kumikirot ang kaniyang sugat nang punitin ng matatalim na metal ang kaniyang laman.
"J-Jimmy! Kezel!" iyak niyang tawag ulit sa dalawa.
Pero gaya ng kaniyang inaasahan ay wala pa ring sumagot, napansin niya rin na walang liwanag mula sa loob ng tent kung kaya't nagdadalawang-isip siya kung nariyan ba sa loob ang dalawa. At dahil sa katotohanang mag-isa na lang siya ngayon ay napagtanto niyang wala na siyang ibang maasahan pa kung hindi ang sarili na lang. Kahit mahirap ay kailangan niyang sumubok, naisip niyang mababaw lang naman ang ibinaon ng mga tinik , bagkus ay madali lang din itong hugutin paalis. Madali, kung hindi siya makakaramdam ng sakit; ngayon pa lang na nakabaon ito ay ramdam niya ang nagliliyab na hapdi hatid nito, kung kaya't hindi niya lubos maisip kung gaano na lang ito katindi kung sakaling hihiwalay na siya. Habang hindi pa siya handa ay malalim na lang siyang napapasinghap upang pakalmahin ang nanginginig niyang katawan, sa katahimikang nangingibabaw sa paligid ay nagdasal na lang siya na sana ay may makakatulong pa sa kaniya.
At sunod-sunod na yabak ang kaniyang narinig, base sa bilis nito ay mahahalatang tumatakbo ito mula kung saan, balak man niyang tawagin ito upang humingi ng saklolo ay hindi magawa nang pigilan siya ng ideyang baka hindi niya ito kaibigan. Hanggang sa pinaglaruan siya ng sariling tainga at nakakabulag na kadiliman nang marinig niya ang mga yabak na mukhang papalapit na sa kaniyang kinalalagyan, ang kaluskos nito ay palakas nang palakas at parang ikakabaliw na niya ito. Mas lalo siyang nanginig, binibingi na naman siya ng sariling kabog ng puso, at nagsimula na siyang manlamig. Sa katotohanang hindi ito nagsasalita ay alam niyang hindi nga ito ang kaniyang kasama, at ang ideyang papalapit ito ay parang ikakabaliw na niya.
BINABASA MO ANG
Missing Bodies [PUBLISHED UNDER LIB]
HorrorTunghayan ang misteryong bumabalot sa lungsod ng Sta. Maria. Date Started: April 14, 2020 Date Finished: April 20, 2020 © Axel Eres [Book Cover]