Sleeping Routine

33 9 2
                                    

Mariin kong ipinikit ang aking mga mata, ngunit ayaw pa rin ako dapuan ng antok. 4:07 na ng umaga, lumiliwanag na ngunit wala pa akong natatamong tulog kahit saglit man lang. Wala akong ibang magawa maliban sa humugot ng malalim na hininga. Pangatlong linggo na 'to ah?

Sa katunayan ay dating maayos ang aking sleeping routine. Bandang alas dyes, minsan ay masmaaga pa'y mahimbing na ang tulog ko. Maaga akong nagigising nang dahil dito, punong puno ng energy at ginugugol ang araw ko, gumagawa ng mga makabuluhang gawain.

Mapait akong napangiti nang maalala ang isang taong hinayaan kong sirain ang aking maayos na sleeping routine. Isang gagong sinanay akong magpuyat kahit wala namang kasiguraduhan kung ano ba talaga kami.

Araw araw na late night talks, o mastama na atang tawaging early morning conversations, dahil hindi pa umaangat ang araw, at hindi pa tumitilaok ang mga manok ay magkausap pa rin kami. Magdamagan, palitan ng chats o kaya'y nagvivideo call lamang.

Hindi ako yung tipo ng taong sanay sa pagpupuyat, lagi ko siyang natutulugan ngunit habang tumatagal ang aming pag-uusap ay unti unti akong nasanay. At sa unti unti kong paghusay sa pagpupuyat, ay kasabay ng unti unti nitong pagbabago.

Umamin itong may natitipuhan itong iba, na aking binalewala dahil binibigyan pa rin ako ng atensyon. Hinayaan ko siya, pinilit ko ang aking sarili na maging okay lang. Ano pa bang magagawa ko kung hindi lang ako ang nais niyang makausap? Hindi ko nga alam kung ano kami, paano ako boboses kung karapatan ay wala ako?

Sinubukan kong umakto nang naaayon sa kung ano kami. Pinilit kong isantabi ang inamin nito, pumikit ako at iniwasang isipin ang katotohanan. Ako ang nagdala nito sa sarili ko.

Ang masmapait pa ay gusto na nitong matulog nang maaga dahil iyon ang nais ng bago niyang natitipuhan. Isang bagay na hindi niya ginawa sa'kin. Isang bagay na isinakripisyo ko para lamang sa kanya. Para lamang makausap siya.

Unti unting naputol ang aming komunikasyon, ang lumalabong koneksyon namin ay unti unting luminaw sa iba. Wala mang kasiguraduhan ang naging samahan namin, ngunit tunay pa lang masakit kapag hindi na ikaw ang pinipili ng ninanais mo.

Inis kong pinunasan ang mga luhang kumawala sa aking mga mata nang muling maalala ang lahat. Hinayaan kong mangyari 'to, kaya't ako ngayon ang talunan.

Sinanay mo ako sa isang bagay na hindi mo naman pala kayang panindigan. Sinira mo ang sleeping routine ko. Hinayaan kitang sirain ang routine na nakasayanan ko. Ngayong wala na ang set up na nakasanayan, nababalewala ko na lang ang sarili ko.

Marcus, masaya akong para sa'yo dahil nagawa mong ayusin ang sleeping routine mo. Kahit hindi dahil sa'kin. Kahit hindi para sa'kin. Kahit na ikaw mismo ang naging dahilan ng pagkasira ng 'di lang sleeping routine ko, kundi pati ako mismo.

𖦹❀𖦹❀𖦹❀𖦹

I dedicate this to Spongelhaizah, who may or may not relate to this. I love you, My Solace. You deserve the best.

Miscellany Of Stories Where stories live. Discover now