Chapter Nine

1.2K 20 0
                                    

NAPADPAD sa bakanteng lote ng village nina Mavy sina Ace. Bumili muna sila ng mga pagkain bago sila nagpunta doon. Kahit na ba hindi maganda ang naging unang memorya nila sa lugar, pumayag pa din si Ace na doon sila mag-usap. Kung bakit, iyon ang hindi niya alam.

Kung noong unang beses ay hindi sila bumaba ng sasakyan, sa pagkakataong iyon ay nakaupo sila sa may pagka-mabatong lupa sa gilid ng kotse ng binata, paharap sa malawak na lupain. Masarap ang simoy ng hangin doon at nakaka-relax ng pakiramdam. Hindi tuloy napigilan ni Ace ang punuin ng hangin ang baga niya pagkatapos ay malakas niya iyong ibinuga.

"Feeling good?" tanong sa kanya ni Mavy na abala sa pagkutkot ng chips na binili nila. Nang balingan niya ito ay nakasandal ito sa kotse habang nakatingin sa kanya.

Nagkibit-balikat naman siya bago itinuon ang mga mata sa malawak na lupain. Muli niyang pinuno ng hangin ang baga niya pagkatapos ay inisang-buga iyon. Masarap talaga sa pakiramdam ang manatili sa ganoong lugar, nakakakalma. Nakaka-relax at nakakawala ng mga negatibong pumapasok sa isip niya.

"So, ano ba ang dapat nating pag-usapan? Importante ba masyado?" nahimigan niya ang panunudyo sa tinig ni Mavy.

Hindi napigilan ni Ace ang pag-angat ng gilid ng labi niya. Na-miss pala talaga niya ang makipag-usap sa binata. "Medyo. Kailangan nating pag-usapan ang gagawin natin pagdating ng mga lola natin dito." balewalang sagot naman niya.

"Ano ba ang gusto mong mangyari pagdating ng Lola mo dito? Matagal mo din siyang hindi nakita. Well honestly, hindi ko din alam ang gagawin ko pagdating ni Lola. Kasama pa sina mommy at daddy. Ayoko lang ma-pressure ka dahil sa kung ano man ang mga sasabihin nila. Recently mo lang naman nalaman ang tungkol sa kasunduan.

"Gusto ko lang malaman mo na hindi kita pipilitin kung ayaw mo. Friendship lang naman talaga ang gusto ko dahil sa mga nakaraang araw na nakasama kita, alam ko na you deserve to know the truth from anyone." May nahimigan na lungkot si Ace sa tinig ni Mavy habang nagsasalita. Na para bang may pinanghihinayangan ito sa mga pinagsasasabi nito.

May naramdaman din naman siyang lungkot at kirot sa puso dahil sa sinabi nitong friendship lang ang gusto nito sa kanya. Ngayon pang gusto na niyang aminin sa sarili na nagkakagusto na siya sa lalaking 'to.

"Magiging magkaibigan pa din naman tayo kung iyon talaga ang gusto mo. Sabihin na lang natin sa kanila na hindi natin gustong tuparin ang napagkasunduan nila. Na gusto natin ang manatiling magkaibigan lang. Because as far as I know, you can't force a person into a commitment if they are not comfortable with it. If they don't want it. Hindi naman natin mahal ang isa't-isa para pumasok tayo sa isang napakalaking responsibilidad lalo na't kasal pa iyon." kahit sa sariling pandinig ay hindi niya mahimigan ang sinseridad sa pinagsasasabi niya. Pero habang sinasabi iyon, mas lumilinaw ang realisasyon ng nararamdaman niya para kay Mavy. Na hindi na lang pala isang simpleng pagkagusto ang nadarama niya para dito. Na mahal na pala niya ito.

At dahil doon ay bigla siyang sinihilan ng takot at pagkataranta. Bigla siyang napatayo bago pinagpag ang pang-upo niya. "We better go. K-kailangan ko nang u-umuwi." aniya. Hindi puwedeng malaman ni Mavy ang totoong damdamin niya. Dahil alam niyang masasaktan lang siya. Hindi siya nito mahal at pagkakaibigan lang ang gusto nito mula sa kanya.

"Why? May problema ba, Ace?" nahimigan niya ang paga-alala sa tinig nito.

"Nothing. Bigla lang sumama ang pakiramdam ko. Uwi na tayo." Pamimilit niya. Nauna na siyang pumasok sa kotse. Siya na din ang nagkabit ng seatbelt niya.

"Are you okay, Ace?" tanong ni Mavy ngunit hindi niya ito binalingan. Nag-thumbs up lang siya, pinanatili ang buong atensiyon sa labas ng sasakyan. Kailangan niyang gawan ng paraan ang nararamdaman niya para sa binata bago pa ito tuluyang mawala sa kanya.

Love Revolution 5: Ace, The Playful Fairy [Published under PHR]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon