CHAPTER 1
“Hi! Ako po si A.R.. Pinapunta po ako dito ni Sancho para sa project daw po ninyo?”
Tiningnan ni Reese ang kaharap. Matangkad ito, maganda ang katawan at bagets. Mukhang naligaw na college student. Bakit siya pinadalhan ni Sancho ng teenager? Ang sabi niya sa kaibigang bading e assistant ang kelangan niya, hindi boylet!
“Ano daw sabi sayo?” Of course hindi naman niya ipapahiya ang bagets- hindi siya ganun. “Sinabi ba niya kung anong trabaho?”
“Opo,” magalang na sagot ni A.R.
Maganda ang ngiti, naisip ni Reese. Nakaramdam siya ng awa. Baka talagang kelangan ng tulong. Naku, baka pinangakuan na naman ni bakla ng magandang kinabukasan ang bagets na ito para mahulog sa kanyang mga kamay! Lalong naawa ang dalaga habang pinagmamasdan ang kausap. Naka-white shirt ito, kupas na maong pero obviously ay Levi’s, saka Chuck Taylor na sapatos. May JanSport bag pa sa likod nito.
Naisip ng dalaga na may taste ito, hindi jologs. Wala sa porma ng kaharap ang magsusuot ng fake.
“Ilang taon ka na ba?”
Duda si Reese na highschool graduate ito, o di kaya ay college drop out at ngayon ay naghahanap ng trabaho. Maamo ang mukha nito kaya nanghihinayang siya kung mapapariwara lamang ang kausap.
“Twenty five po,” sagot ng bagets.
Wala sa itsura nito ang sinabing edad kaya nagulat ang dalaga. Baby face kasi ang lalake- parang disiotso lang. But then again, people lie about their age all the time, lalo na sa showbiz. Pero sa showbiz, kahit malapit nang mag-kuwarenta, sinasabi pa rin sa press na nasa mid-twenties lang. Kabaliktaran nitong kausap niya na twenty five pero mukhang under parental guidance pa!
“May dala kang resume?”
“Ay. Wala po. Ang sabi po kasi ni Sancho, drop by lang daw po ako dito at magpakita. Wala po siyang sinabing magdala ako ng resume. Biglaan nga po ang text niya sa akin kanina.” Bahagyang namula si A.R., tila nahihiya.
“Teka nga, jowa ka ba ni Sancho?” Diniretso na ni Reese ang kaharap. Mabuti na yung nagkakalinawan sila. Masasabunutan niya ang kaibigang bading. Magpapadala sa kanya ng mag-a-apply sa trabaho tapos walang resume? Nakikipaglokohan ba siya?
“Jowa?” Sabihin pang nanlaki ang mga mata ni A.R., at halos malaglag ang mga panga. Siyempre pa napansin yun ni Reese.
“Boylet?” tanong uli ni Reese. Kinakabahan ang dalaga dahil baka call boy pala ang lalake! Malilintikan talaga sa kanya ang kaibigan!
“You mean... kung ano ako ni...” hindi maituloy ng lalake ang sinasabi.
“Oo. Jowa ka ba ni Sancho?” She eyed him like a trained FBI agent.
Tuluyan nang namula si A.R., saka mayamaya ay napahalakhak, in a manner na nahihiya pero hindi alam kung papano magre-react.
“Sorry po, pero hindi. Kakilala ko lang po si Sancho.” Nang mahimasmasan ang lalake ay ito naman ang nagtanong kay Reese. “Jowa ng bading lang po ba ang tinatanggap dito? Ano po bang trabaho ang meron dito?”
Si Reese naman ang napahalakhak! In fairness, mabilis ang pick-up ng bagets! Nabuweltahan agad siya. May sense of humor. At matalino.
“E kasi pumunta ka ditong walang resume. How would I know na ikaw ang hinahanap ko para sa project ko? Si Sancho lang naman ang malakas ang loob na magrekomenda ng kung sinu-sino sa akin. Kadalasan jowa niya or kaya ay ex-bf!” Bakit ba siya nag-e-explain?