CHAPTER 2
TWENTY nine na si Reese. Next year ay trenta na siya, at dalaga pa rin. Nanganganib na ang matris niya. Sa totoo lang ay gusto na niyang magkaanak- pero hindi siya si Immaculate Conception na kayang magluwal ng anak na walang kasiping. Tao pa rin siya at kailangan niya ng kapartner para maging isang ganap na ina. She's not against adoption pero mas gusto kasi niyang sa kanya mismo manggaling ang bata na tatawagin niyang 'anak.'
Pero malas yata siya sa lalake dahil palpak ang lahat ng mga naging relasyon niya.
Her first boyfriend was a mama’s boy who left her with a broken heart dahil ayaw sa kanya ng nanay nito. Natakot si Andrei na mawalan ng mana kaya pinili nitong hiwalayan siya. Minahal pa naman niya ng husto ang lalake, pero sinaktan lang siya.
Then came the military pilot. It was like a dream come true- guwapo kasi ang lalake, malambing, mabait at yun na nga- a pilot! Feeling niya noon siya ang leading lady ni Tom Cruise sa Top Gun. Nagkakilala sila ni Satchie sa isang event na ginanap sa Villamor Air Base. Agad nitong kinuha ang number niya and they started dating. Enjoy siya sa company ng lalake, but the inevitable happened. Na-assign sa Mindanao si Satchie dahil sa puspusang kampanya ng gobyerno laban sa terrorismo. Cotabato, Zamboanga at Sulu lang ang iniikutan nito at hindi nakakabalik ng Manila kaya pareho silang nahirapan. Hindi naman makapunta ng Mindanao si Reese kaya di din nagtagal ang relasyon nila. Pareho silang hindi sanay sa long distance relationship.
Nakilala naman niya si Mandy through a friend na taga- Philippine Stock Exchange. Guwapo, galante at maporma, kaso chickboy. Although nangako itong magpapakabait, pero one month palang silang mag-on, nahuli na niya itong may kahalikang babae sa isang restaurant. Yes, makapal ang mukha ni Mandy!
Pahinga na sana ang puso niya- ayaw na muna niyang magmahal kasi nasi-stress lang siya, pero nakilala niya si Janryll Na-love at first sight sa kanya ang guwapo at matikas na lalake pero di agad siya naniwala. Military man na naman kasi- feeling ni Reese ay lolokohin lang siya. Pero sincere si Janryll, matiyaga itong nanligaw sa kanya kaya na-inlove din siya at naging maayos naman ang samahan nila kahit laging nasa assignment ang lalake. Kahit long-distance relationship na naman, this time ay kinaya na ni Reese. Ilang beses sila kung mag-usap sa loob ng isang araw and oras-oras na nagtetext ang lalake.
For the first time ay kampante na siya sa relasyon. She knew she found the man she'll spend the rest of her life with. When Janryll started talking about settling down, na-excite siya. At kahit sa cellphone lang siya niyaya ni Janryll na magpakasal, naiyak pa rin si Reese. Sa Pagadian naka-assign noon ang lalake.
Ang plano ni Janryll ay mag-file ng leave ng buwan na iyun. Pupunta ito ng Maynila kasama ang pamilya para mamanhikan kina Reese. Hindi na nga makatulog ang dalaga at halos hilahin na niya ang oras. Pero one week bago ang pamamanhikan ay na-ambush si Janryll. Killed in action ang lalake.
Pakiramdam ng dalaga ay namatay na rin siya nang araw na malaman niya ang balita. Halos mapugto ang hininga niya sa kaiiyak. Di niya matanggap na ang katulad ni Janryll na mabait, maalaga, may prinsipyo at mahal na mahal siya ay maagang namatay. Ni hindi man lang sila nabigyan ng mahaba-habang pagkakataon. Feeling tuloy niya unfair magbiro ang tadhana. Kung sana ay nabigyan man lang siya ng anak ni Janryll bago ito namatay, baka mas gumaan ang pakiramdam ni Reese. Kaso nga, ni hindi sila nagkasama ng matagal, palaging nagmamadali ang lalake kapag binibisita siya sa Maynila dahil agad itong bumabalik sa kampo. Masyado kasing tapat sa sinumpaang tungkulin si Janryll, hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay ay bayan pa rin ang inisip, kaya eto ngayon si Reese, mag-isa at malungkot. At higit sa lahat, walang jowa.
“BY choice naman yata ang pagiging loveless mo e,” akusa sa kanya ni Sancho. Kasalukuyan silang naglalakad sa loob ng ABS-CBN dahil may meeting sila sa isang big boss tungkol sa isang project. “Marami namang nagkalat na lalake diyan sa tabi- tabi pero deadma naman sila sa’yo. E kung ganyan ka inday, talagang tatanda kang dalaga.”