CHAPTER 7
PAGBALIK niya sa kuwartong tinutuluyan ay nakamukmok lamang sa kama si A.R. Tinanong niya ito kung masama ang pakiramdam. Nagkibit-balikat lamang ito.
“E bakit parang lungkot-lungkutan school of acting ka?” biro ni Reese.
“Wala, may naiisip lang.”
“Asus! Emote-emote ka pa! Tumayo ka na diyan, maglakwatsa tayo. Sayang naman ang Boracay kung hindi mo mae-enjoy e!”
“Saan tayo pupunta?” tanong ni A.R. na tila biglang lumakas. Bumangon pa ito saka kumuha ng damit na pamalit at tuwalya.
“Bahala na!”
Paglabas nila ay tumingin-tingin muna sila sa mga kalapit na bars... bago nagtungo malapit sa station 2 kung saan maraming tao. May nadaanan silang souvenir shop na may ginagawang personalized shirt. Nakatingin si Reese sa isang malaking lampshade na may nakapinturang Boracay nang may biglang kumausap sa kanya.
“Hey, it’s you again!”
“Hi!” bati din niya. Saka niya narecognize na ito ang lalakeng nagtanong sa kanya earlier kung saan matatagpuan ang The Mall.
“You're the girl from the restaurant this morning.” Ngumiti ang British.
“Yeah, it’s me again,” hindi napigilang wika ni Reese. Abot tenga ang ngiti niya. Ang guwapo kasi talaga ni British Guy!
“Papasok muna ako sa loob,” tila padabog na wika ni A.R..
Bago pa nakapagsalita ang dalaga ay pumasok na ang kanyang assistant sa loob ng souvenir shop.
May mens ba ‘to? Pero imbes na magpaapekto ay dinedma na lamang ng dalaga ang kasamang tila wala sa mood. Sa halip ay nakipag-usap pa siya sa dayuhan dahil mukhang mabait naman.
Brey pala ang pangalan ng guwapong British guy- yun ang napag-alaman ng dalaga. Kinuha pa nito ang number at email address niya. Tinanong din ng lalake ang dalaga kung gaano ito katagal sa Boracay para naman ma-invite siya nito for a drink.
“Hindi ka naman umiinom, bakit ka sasama dun?” Kunot- noong tanong ni A.R. sa kanya nang makaalis na si Brey. “Hindi nga. Pero kung ganun naman ka-guwapo ang magyayaya sa akin, why not di ba? Saka, uminom na tayo kagabi- nakapag-practice na ako!” Tukso niya sa assistant na tila may regla kung makasimangot.
“Akala ko ba iinom ka lang kapag ako ang kasama?” sumbat ni A.R..
Bahagya namang sumayaw ang puso ni Reese dahil sa inaasal ng lalake. Nagseselos ba ito or biglang na-insecure? Hindi alam ng dalaga kung ano ang totoo- pero in fairness, masarap sa pakiramdam. Feeling niya ang haba ng buhok niya!