Chapter 3

1.9K 113 0
                                    

🌹Chapter 3🌹

Isa pa uling malalim na pagbuga ng hangin ang pinakawalan ni Dimitri bago tuluyang bumangon sa pagkakahiga.

Naupo na lamang siya sa mahabang upuan na yari sa kawayan.

Sinulyapan niya ang nakapinid na pinto.

Tahimik na sa kanyang silid patunay na maaaring mahimbing nang natutulog ang kanyang hindi inaasahang panauhin.

Naisapo niya ang dalawang palad sa mukha, inihilamos, pagkuway tumayo at nagpabalik-balik ng lakad sa may katamtaman
niyang sala.

Andun iyong pinagkikiskis ang dalawang palad at muling mapapasulyap sa kanyang kuwarto.

Ang kaalamang may ibang tao sa loob ng pamamahay niya ay nagdadala ng labis na alalahanin sa kanyang pandama.

Nadagdag pa tuloy sa kanyang isipin ang estrangherang babae.

Hirap siyang dalawin ng antok dahil sa mga pangyayari.

Maliban sa pinagkasya niya lamang ang sarili sa mahabang upuan na yari sa yantok.

Nakabaluktot na siya at ni hindi magkasya. Kaya't hindi rin sya komportable sa kinahihigaan.

Nang dahil sa kagustuhan niyang mailigtas ang dayo ay Ilan sa kanyang mga kasamahan ang kinitlan
niya ng buhay at maaring kasama na si Baltik.

Ngunit hindi niya pinagsisisihan ang ginawang karahasan sa lalaki.

Nararapat lamang iyon rito.

Sa tuwing pumapasok sa kanyang balintataw ang ginawa nitong kalupitan sa estranghera ay nag-iinit ang dugo niya sa galit.

Para sa kanya hindi makatarungang pagmalupitan ang isang mahinang nilalang, katulad ng babae o ninupaman.

Tinungo ni Dimitri ang kusinang kanugnog ng sala.

Nagtimpla ng kape sa pangalawang pagkakataon at lumabas ng bahay, naupo sa bangkitong naroon.

Tumingala sa langit.

Tuluyan na siyang pinagkaitan ng antok.

Sumisilip na ang munting liwanag, menos kinse para mag ika-apat na ng umaga sa kanyang pambisig na orasan.

Tumitilaok na rin ang tandang ni Ka Ambo na may ilang kilometro rin ang layo mula sa kanyang barung-barong.

Tuluyang inukopa ng luka-lokang babae ang isipan niya.

Para itong mangangaso na naligaw sa pusod ng kagubatan at ni walang kaide-ideya na balwarte ng mga buwitre ang
naghihintay dito roon.

Nang maipag-bigay alam ni Ka Goring ang nangyaring pananambang ng grupo ni Baltik sa bus na nasakyan nito ay naalarma siya.

Madalas na gawain iyon ng grupo nito.

Ginagawang katuwaan ang panghaharang ng mga sasakyan, pribado
man o pampasahero.

Mang-uumit ng mga puwedeng pakinabangan katulad ng pera, alahas at pagkain mula sa mga inosenteng sibilyan.

Mamalas-malasin pag mayroong matipuhan ang mga ito, katulad na nga sa nangyari sa babae.

Sa bayan ng San Fabian ay walang maglakas-loob na magreklamo o kalabanin ang kanilang grupo.

Maging lokal na pamahalaan at kapulisan ay balot ng takot at sunud-sunuran sa kanilang pangkat.

Taong-labas sila kung ituring ng karamihan subalit higit pa sila roon.

Mararahas at mapang-abuso kapara ay mga berdugong walang awa kung pumatay.

🌹The Forgotten Love🌹 (COMPLETED) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon