CHAPTER 11
Isla's POV
"Huwag naman pong ganyan," hindi ko mapigilang sambitin dahil pagkarating ko sa apartment ay nilalabas na ng landlady ko ang mga gamit ko.
"Magbabayad naman ho ako." Napakamot pa ako sa ulo dahil nga desidido na talaga itong palayasin ako.
"Hindi ko rin gustong palayasin ka, Isla. Pero kailangan ko rin naman ng pera, may anak din akong pinapaaral," sabi niya sa akin.
Pakiramdam ko ay konting-konti na lang ay maiiyak na ako dahil nga sa pagpapalayas nito sa akin. Wala naman akong mapupuntahan kung sakali.
"Kahit sa bodega na lang ho ako." Hinawakan ko pa ito sa braso.
"Wala akong bodega, Isla. Pasensiya ka na. Tatawagan na lang kita kapag nagkaroon na ulit ng bakante pero sa ngayon, hindi na muna puwede dahil nakabayad na 'yong uupa," sabi niya sa akin na halos na ilabas na lahat ng gamit ko.
Napahilamos ako sa mukha dahil hindi ko na alam ang gagawin. Wala rin naman kasi akong pera para maghanap ng ibang apartment, gabing-gabi na rin ngayon. Ngayon lang ako umuwi kaya ngayon lang naialis ng landlady ko ang mga gamit. Mabuti nga't hinintay pa ako nitong umuwi kahit paano.
"Grabe, ipagpapalit niyo na lang ho ba ang pinagsamahan natin sa pera?" hindi ko mapigilang sambitin, pinapakonsensiya ito. Natawa naman siya sa tinuran ko.
"Ab, ang pagkakaalam ko, Isla, ay wala tayong ginawa kung hindi ang magtagu-taguan," sabi niya na napailing.
"Pero huwag kang mag-alala, tatawagan ulit kita kung may bakante na. Sa ngayon, umalis ka na muna sa apartment kahit na huwag mo ng bayaran 'yong upa mo no'ng nakaraan."
"Mag-ingat ka sa pag-alis."
"Hindi man lang po ba kayo maawa sa akin? Gabing-gabi na ho," sambit ko pa ngunit napailing na lang itong umalis sa harap ko. Napasabunot na lang ako sa ulo habang paalis ng apartment, dala-dala ang mga gamit ko.
Lumabas ako. Hindi ko alam kung paano ko tatawagan si Alice, panigurado kasing kapag tinawagan ko ito'y hindi na 'yon mapapakali at hindi na alam kung pipilitin ba ang ina na patuluyin ako sa kanila. Makokonsensiya naman 'yon kung sakaling hindi niya ako mapapatuloy sa bahay nila at baka mamaya ay magdrama pa.
Napaupo na lang ako sa hagdan, hindi alam kung sino ang tatawagan dahil wala naman na akong ibang kaibigan maliban kay Alice.
Sa totoo lang ay naiiyak na talaga ako kaya lang ay wala namang magagawa ang pag-iyak ko kung sakali kaya pinanatili ko na lang na kalmado ang sarili. Napabuntonghininga ako nang maisip na baka rito na lang ako sa kalsada matulog sa ngayon, mahirap din makahanap ng apartment na mura katulad dito sa apartment na tinutuluyan ko.
Isa pang beses na napahilamos ako sa aking mukha. Pinigilan ko ang nagbabadyang luha nang makitang tumatawag si Alon sa akin.
"Hello." Pinanatili kong kalmado ang boses.
"Ano? Naayos mo na ba 'yong report mo? Baka inaantok ka na naman. Magkape ka na, kailangan mong matapos," sabi niya sa akin. Hindi ko alam pero unti-unti ng tumulo ang luha ko pagkarinig ko pa lang ng boses nito.
May usapan kasi kami na tatawagan niya ako ng ganitong oras ngayon dahil baka makatulog ako bigla at may kailangan pa man din akong tapusin.
"Umiiyak ka ba? Bakit? Masiyado bang mahirap 'yang report mo? Pupunta ako riyan. Dadala akong pares. Teka lang," sabi niya na hindi rin naman binababa ang tawag. Naririnig ko na agad ang ingay mula sa eskinita nila. Naririnig ko na may iilang nagtatanong kung saan siya pupunta ngunit hindi ko narinig ang boses nito na sumagot sa mga tanong nila.
BINABASA MO ANG
Hoy, Mr. Snatcher!
RomanceMataas ang pangarap ni Isabel Lara Emperyo. Sa kabila ng hirap ng buhay, kailanman ay hindi siya sumuko. Patuloy na bumabangon para sa kaniyang sarili ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon at hindi inaasahang pangyayari, nakilala niya ang snatcher...