"Anong Ulam?"



"May bibilhin ho ba kayo Sir?" Napatingin ako sa babae na may tangan-tangan na pamaypay

"Ahh, pabili po ng tatlong piraso ng manok, pinaputok na Tilapia pati narin Sinigang na Bangus sa Miso." Tugon ko sa babae ngunit walang laman ang aking portamoneda ng aking mabuksan

kumalam bigla ang tiyan ko nang napunta ang bawat paningin ko sa masasarap niyang paninda at nakaramdam ako ng kirot habang ang aking mga balintataw ay tila naglalakbay papunta sa pagdarahop na dulot ng nakaraan na animo'y kahapon lang nagdaan

Preskong-presko pa sa' king isipan kung pa'no naging mailap sa' min ang panahon, kung pa'no nahihirapan ang mga magulang ko sa pag-iisip kung anong uulamin namin buong araw, hinde dahil sa marami kaming pagkain at gipalpal ang laman ng aming pridyider. Ang totoo niyan, wala kaming pagkain at higit sa lahat ay wala rin kaming pridyider 'di tulad  sa kapitbahay namin na limpak-limpak ang ulam

"Umutang nalang kaya muna tayo diyan sa tapat." Sambit ng aking Ina na may bahid ng pag-aalala sa boses nito, 'di siya magkamayaw sa pag-iyak at pagtangis sa kadahilanang, matutulog na naman kaming walang laman ang mga tiyan

Umiling lamang ang aking Itay sa tabi at 'di tumalima sa sinabi ng aking Ina

Minsan, asin lang ang ulam na sinasabawan ng tubig sa mainit na kanin. Kung papalarin, makakatikim kami ng itlog na pilit papalaparin sa kawali para magkasya sa'min

Minsan naman 'pag nakakas'werte ay bumibili si Itay ng karne at i-a-adobo niya ito at isasabit sa basket sa may bubungan

Sanay rin kaming mag-ulam ng noodles na may ga-timbang sabaw. Hinahaluan namin ito ng dahon ng malunggay para makumbinsi na masustansiya parin. At siyempre, mawawala pa ba sa listahan ang sardinas na inutang pa namin kay Aling Evelyn

Napabalik ako sa wisyo at realidad ng napagtanto kong nasa tapat na pala ako ng bahay namin

"Nay, Tay?" Bigla kong sambit ng makapasok ako sa comedor ng bahay

Ngunit huli na nu'ng napagtanto ko na matagal na palang wala sila Inay at Itay

"Teka, anong ulam?" Sambit ko sa' king sarili matapos kumalam ulit ang aking tiyan.

One Shot StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon