Six

4 2 0
                                    

Isang malaki, mataas, at magara na kulay itim na gate ang hinintuan ng tricycle na sinakyan nila ni Greg papasok ng nasabing subdivision kung saan nakatira si Ms. Vargas. Manghang manghang tiningnan niya ang kabuuan nito.

"Ang ganda." wala sa sariling turan ni Jessica.

"Hahaha! Ano ka ba? Gate palang yang nakikita mo, kapag nakita mo ang nasa likod ng malaking gate na iyan at kapag nakatapak na ang paa mo sa loob ng mansyon ni Ms. Vargas panigurado, tutulo iyang laway mo sa mangha!" mahabang sabi ni Greg habang pinipindot ang doorbell.

Ilang sandali pa ay kusang bumukas ang malaking gate. May dumungaw naman na isang matandang babae mula dito at pinapasok sila. Malayo layo pa ang lalakarin papapunta sa malaking bahay, muli niyang ibinalik ang tingin sa gate na kusang sumasarado.

Kung titingnan mo sa labas ay alam mo nang malaki ang loob ng naturang bahay. Magarbo ang hitsura nito, mataas, mayroong malalaking bintana, at mataas ang ilang palapag. Inilabas naman ng kasambahay ang isang ID na nanggaling sa bulsa nito, at inislide sa may bandang gilid. Awtomatiko namang bumukas ang pinto. Pintong pang mayaman.

"Pasok po kayo. Tawagin ko lang po si Ma'am." paalam ng kasambahay sa kanila at nagtungo na ito sa kung saan.

Naupo sila sa isang malaking sofa na kulay ginto. Tama nga si Greg na tutulo nga ang laway niya sa pagkamangha sa magandang tanawin sa loob ng bahay ng guro.

"Wow" sabi ni Jessica na inililibot pa ang paningin.

"Sabi sayo e." nakangiting sabi naman ni Greg.

Ilang minuto pa ay sinalubong na sila ni Ms. Vargas. Hindi ito nakangiti at hindi rin naman nakasimangot. Marahil pagod siguro ito sa dami ng inaasikaso para sa nalalapit na mga events ng kanyang eskwelahan.

"Andyan na pala kayo." nakangiti na ito at umupo sa katapat nilang upuan.

"Magandang umaga po Ms. Vargas" magalang na pagbati ni Greg sa guro. At ngumiti lang naman si Jessica dito.

"Manang Lumeng, ipaghanda mo kami ng makakain at ihatid mo sa library ng bahay, maliwanag ba?" tumango naman ang kasambahay at mabilis na nagtungo sa kusina. "Sumunod kayo sakin." tumayo na ito, kaya tumayo na rin sila.

Walang umiimik sa kanilang dalawa ni Greg, at tahimik na nakasunod lamang sa guro. Tumaas sila sa isang hagdanan na pabilog at mayroong nadaanang mga litratong nakasabit sa pader. Nakita niya ang ilang pamilyar na mukha na nakita niya na sa facebook account ni Ryan noong in-stalk niya ito.

Hindi niya namalayan na nakarating na pala sila sa kanilang destinasyon. Napasubsob kasi siya sa likod ng kaibigan ng bigla itong huminto kaya nalaman niyang nasa library na sila.

"Alam niyo na siguro ang gagawin niyo? Naipaliwanag ko naman na noong nakaraan kay Greg, at siguro naman e nasabi na niya sayo?" baling sa kanya ng guro. Tumango naman siya dito bilang tugon.

Kanya kanyang upo na ang mga ito sa mga upuan, at ginawa na ang utos sa kanila ni Ms. Vargas. Dumating na rin ang mga pagkaing inihanda ni Manang Lumeng. Pagkalagay na pagkalagay nito ng mga pagkain sa lamesa ay umalis agad ito dahil sa tagal na pagtatrabaho niya dito ay saulado na niya ang ugali ng mga amo niya.

*****OoO*****

4:12pm. Nangangalay ang leeg na tiningnan ni Jessica ang kanyang relo para malaman ang oras. Alas kwatro na pala, konti na lang ay matatapos na nila ang ginagawa at makakauwi na rin siya para makapagpahinga. Nagsisisi tuloy siya na nakabangga niya si Greg noong araw na iyon.

"Dito na kayo maghapunan ha? Nagpaluto na ko kay Manang Lumeng para hindi na kayo makatanggi." pagbasag ng guro sa kanina pang tahimik na silid.

"Nakakahiya naman po, Ma'am" sabi ni Greg na kakamot kamot pa sa ulo.

"Isipin niyo na lang e ito ang way ko ng pasasalamat sa pagtulong ninyo sakin." nakangiting saad ni Ms. Vargas.

Nang matapos ay tumayo na sila at nag unat ng katawan.

"Sa wakas natapos din! Hahaha!" wika ni Greg.

"Gutom na ko." sabi ni Jessica kaya siniko naman siya ni Greg na parang nahihiya. Tsaka niya lang narealize na napalakas pala ang pagsabi niya ng gutom na siya na dapat sana ay sa isipan lang.

"Ano ba kayo? Haha! Ok lang yan. Hayaan niyo na ang mga iyan diyan at ako nang mag aayos ng mga yan mamaya. Bumaba na tayo para makakain." natatawaang sabi ni Ms. Vargas, kaya lalong namula ang mukha ni Jessica.

*****OoO*****

"Andaming pagkain. Iba talaga ang buhay mayaman." sabi ni Jessica sa kanyang isip. Umupo na sila sa kulay gintong upuan kaharap ng isang mahabang lamesa na may laman na napakadaming iba't ibang putahe.

Tahimik silang kumakain, at wala ni isa ang nagtangkang bumasag sa katahimikan. Sinulyapan niya si Greg, at nakitang parang isang taon itong hindi pinakain sa kanila. Natandaan niya pang siniko siya nito kanina noong mapalakas ang pagkakasabi niya ng gutom na siya tapos eto siya ngayon at parang patay gutom kung kumain. Nakakahiya.

"What's wrong? Ayaw mo ba ng mga nakahain? Teka, Manang Lumeng!" nakita pala siya nitong hindi kumakain at nakatulala lang.

"Ay, ay hindi po. Hehe. Namangha lang po ako, andami po kasing pagkain." pag agap niya.

"Sigurado ka ba?" tumango siya at nagsimula nang kumain para hindi na ito muling magtanong.

Matagal na katahimikan ulit ang namutawi sa paligid. Parang bumagal ang oras nang mga sandaling iyon para sa kanya. Nang biglang sumagi sa isip niya ang isang bagay.

"Ma'am, wag niyo po sanang mamasamain. Hmmm.. May kilala po ba kayong Ryan Salcedo?" napahinto naman sa pagkain si Ms. Vargas, at napatingin sa kanya.

"Ay, hehe. Wag niyo na pong sagutin kung ayaw ninyo." pag agap niyang muli dahil mukhang hindi nito nagustuhan ang tanong niya. Bakas naman sa kanyang mukha ang panghihinayang, pero pinilit niya pa ring ngumiti.

"No. It's ok. Nabigla lang ako. I mean, how did you know RJ? Are you friends with him or what?" sunod sunod na tanong nito.

"Ah nakita ko po kasi siya noong nakaraang buwan s--" napahinto naman siya sa pagsasalita ng sumingit si Greg at nagtanong kung saan daw ba ang CR at mukhang nag aalburoto ang tyan nito. Yan kase, ang takaw. Tinawag naman ng guro ang kasambahay at pinahatid si Greg sa CR at baka maligaw ito sa laki ng bahay.

"If you don't mind, sa sala na lang tayo magkwentuhan about him?" nagpunas ito ng bibig at hinihintay ang pagsagot niya.

"Ok lang po, tapos naman na po akong kumain." tumayo na sila at nagtungo sa sala. Maaga pa naman, marami pang oras para pagkwentuhan ang lalaking pumukaw ng atensyon niya.

Unsolved CaseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon