0015) Inang Bayan, Nasa Karimlan

20 2 0
                                    


"Inang Bayan, Nasa Karimlan"
@itsmeklaxon🍁

Masasangsang na amoy ng palaisdaan, samo't saring usok na nanggagaling sa mga sasakyan pati na rin sa sigarilyong hindi mabitawan. Mga batang pakalat-kalat sa lansangan, namamalimos at nagugutom, palahaw ang maririnig mula sa uhaw na bibig.

"Bangus kayo d'yaaan! Bago ito at hindi bilasa tulad ng sa iba!"

"Hoy! Huwag mong hahawakan kung hindi mo naman bibilhin!"

"Gulay kayo riyaaaan, mura na ito!"

Iilan sa paboritong banggitin ng mga tindera sa palengkeng may kaingayan.
_

"Lumayas nga kayo, ang babaho n'yo!" Pagtataboy ng may katungkulan sa mga batang kumakalam ang tiyan.
_

"Pa, pahingi po ng pera. Kailangan lang sa eskwela."

"Ano?! Pera na naman! Kabibigay ko lang sa 'yo ah?"

Dinig kong sigawan ng mag-ama.
_

"Aaaah! Tulong! Ang bag kooooo" Sigaw ng babaeng ninakawan.
_

"Mare? Alam mo ba 'yong anak ng kapitbahay n'yong si Nida e sa club nagtatrabaho?" Paninirang puri ng chismosang walang ibang alam kundi ang pansinin ang kamalian ng iba.
_

"Isang karumaldumal na pangyayari ang sinapit ng dalagita sa kamay ng hindi pa kinikilalang suspek. Ang bangkay ay isinilid sa sako at halos hindi na makilala nang matagpuan ng isang bata sa ilog na pinagliliguan nito."

"Drug user, patay matapos manlaban."

"Estudyante ng pribadong paaralan, nagpakamatay."

Mga balitang nakakarinding pakinggan.
_

Iba't ibang uri ng kalugmukan, hindi lamang sa kahirapan gano'n na rin ang ugali ng iilan. Laganap din ang krimen kung saan.

Bakit nga ba may mga nakawan? Bakit walang makain at walang masilungan ang mga batang sinasabing pag-asa ng bayan?

Nasaan na nga ba ang kaban ng bayan? Ibinulsa na naman ba ng may kapangyarihan?

Ang mga pulitikong nangako at may sinumpaan, bakit kayo nagtatago sa unipormeng minsang n'yo ng pinakinabangan?

Kasabay ng kahirapang inyong kinasasadlakan ay ang pagpatak ng aking luha at ang pagkadurog ng aking kalooban.

"Oo ako ito! Ang inang bayan. Inabuso at pinabayaan, ngayon ay nasa karimlan dahil sa mga utak talangkang nasa lipunan."

One Shot StoriesWhere stories live. Discover now