Chapter 01 - Anong Pangalan Mo?

63 3 2
                                    

01

*   *   *


"Anna, ano na? Makakahabol ka ba?" 

Napapikit ako mula sa aking kinauupuan habang pinapakinggan ang tila naiinis at nag-aalalang boses ng kaibigan kong si Trisha. Nagkayayaan kasing maghapunan ang mga college friends namin at mukhang ako na lang ang hindi pa dumarating sa napag-usapang lugar. 

"Papunta na 'ko riyan. Pasensya na," mahinahon kong tugon bago tinapos ang tawag at tuluyan nang pinaandar ang sasakyan. 

Mag-aalas otso na ng gabi at kalalabas ko lang ng opisina. May mga tinapos kasi akong reports at kailangan na agad ang mga iyon bukas ng umaga. Ramdam na ramdam ko ang pagod at ilang gabi na rin akong puyat dahil sa trabaho. 

Nang humudyat ng paghinto ang traffic light, napasandal ako sa headrest na tila ba ito na ang unan ko sa kwarto. Nagpakawala ako ng isang malalim na buntong-hininga saka lumingon sa gilid ng daan malapit sa isang parke. Napangiti ako at tila mga alitaptap ang mga ilaw ng poste hanggang sa may mahagip na kakaiba ang aking mga mata. 

May isang binatilyong nakaupo sa isang plant box di kalayuan mula sa aking kinaroroonan. Nakayuko ito na hawak ang magkabilang tuhod. Hindi ko alam kung bakit subalit tila napako ang paningin ko sa kanya hanggang sa mapansin kong hinawakan niya ang kanyang dibdib saka nag-angat ng tingin. 

Nagtama ang aming mga mata at doon ko nakitang umiiyak siya. Bakas sa kanyang mukha ang ekspresyon ng sakit at paghingi ng tulong. Napatulala ako hanggang sa bumusina ang kasunod kong sasakyan. Berde na pala ang ilaw at nagsasanhi na ako ng traffic. 

Mabilis kong tinabi ang sasakyan at agad tumakbo palapit sa binatilyo. Doon ko nalamang inaatake siya ng hika.

"Ate, tulong," pagsusumamo niya sa akin habang mariing nakakapit sa aking braso. 

"May dala ka bang gamot?" sabay hawak ko naman sa magkabila niyang pisngi habang panay iling lang ang sinagot niya sa akin. 

Nagsisimula na akong mataranta hanggang sa maalala kong may supot ako sa bag at ito ang ginawang sisidlan ng binili kong vitamins kaninang umaga. Agad ko itong kinuha at inalalayang huminga ang binatilyo mula rito. Minsan na rin kasing may inatake ng hika sa opisina at naalala kong ganito rin ang ginawa ng mga kasamahan ko. 

Isinandal ko ang binata sa kanang bahagi ng aking katawan habang nakaunan ang ulo niya sa aking balikat. Hawak-hawak ko ang supot habang humuhugot siya ng malalalim na paghinga mula rito. 

"Kalma ka lang. Hindi kita iiwan, okay?" 

Agad siyang tumango habang patuloy sa paghinga. Hindi ko alam kung bakit subalit tila wala akong makitang pagbabago sa kondisyon niya. Naisip ko tuloy kung may mali ba sa hawak ko nang supot o baka masyado lang itong maliit para sa kanya. 

Maya-maya pa, may iilang tao nang lumapit sa amin at nakiusyoso. Napansin kong mas lalo lang siyang nahihirapan kaya napasigaw na ako. 

"Pwede ba, huwag kayong magkumpulan diyan! Hinaharang niyo ang hangin eh! " 

Nagsisimula na akong matakot nang mapansin kong unti-unti nang naninigas ang kanyang mga daliri. Napapikit ako at niyakap siya. Rinig na rinig ko ang pag-iyak niya at ang pagpupumilit niyang huminga. 

"Hija, iyo 'yun di ba?" sabay turo ng isang mama sa nakaparada kong sasakyan. 

Parang wala sa sarili akong tumingin doon sa mama at tila blangko na ang aking isipan. Napanganga na lamang ako habang naluluhang tumango. 

Loving MatthewTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon