Chapter 08 - Mahal Na Prinsipe

21 3 42
                                    

08

*   *   *


"Anna, dito!" sabay kaway ni Trisha sa akin pagkabukas ko ng pinto papasok. 

Sa isang Korean restaurant nila naisip na magkita-kita at takam na takam raw sila sa mga napapanood nila sa telebisyon. At dahil hindi naman ako gaanong mapili sa pagkain ay agad na akong sumang-ayon sa kanila. Habang papalapit, napansin kong ako na lang pala ang hinihintay at batid kong nandito na ang lahat. 

"Pasensiya na at medyo nahuli ako," nahihiya kong sabi na tila naging pagbati ko na. 

"Okay lang yun. Ang mahalaga sumipot ka, di ba Hans?" natatawang sabi ng kaibigan naming si Sari.

Ngumiti na lamang ako at nang uupo na sana ako ay may napansin naman itong si Hans. Napapikit ako. Napakagat labi. Para akong binuhusan ng malamig na tubig sa kanyang sinabi. 

"Uy, kasama mo si Matthew?" nakangiti niyang tanong habang sinisenyasang umupo sa tabi niya ang nagtatago sa likuran ko. 

Nakalimutan kong naipakilala ko pala sa kanya si Matthew noon. 

~flashback~

"Nasaan ka?"

Hindi ko sinagot ang text ni Matthew kaya heto't tinawagan niya talaga ako. Inis na inis na ako subalit sinubukan ko pa rin ang magtunog kalmado.

"Umalis na ako at may tatapusin daw kayong research paper kina Angel."

"Pumunta ka hindi mo na lang ako hinintay."

"Para saan pa eh hindi ka naman magpapahatid," medyo iritable kong sabi.

"Kahit na!"

Rinig na rinig ko ang pagtaas ng boses niya at tila switch yun na pinasabog ang bomba sa utak ko. Hindi na ako nakapagpigil at marahas na pinarada ang kotse sa gilid ng daan.

"Teka lang ha. Pinapagalitan mo ba ako? Alam mo bang dalawang oras na akong naghintay at hindi ka man lang nagtext sa akin na matatagalan ka at hindi pala magpapasundo? Tinatawagan kita, ayaw mo namang sagutin. Tapos ngayon, magagalit ka?" 

"Naiwan ang phone ko sa bahay. Kinailangan ko pang utusan ang katulong na hanapin ang number mo doon nang matawagan kita gamit ang phone ni Alex. Hindi ko agad nagawa at may practice kami."

Sandali akong tumahimik at pakiramdam ko ay sasabog na ang dibdib ko sa galit. Kailangan kong kumalma at baka bigla akong mangisay sa sobrang inis. 

"Malayo na ako sa school niyo. Bukas na lang ulit kita susunduin, okay? Isa pa, may tatapusin kayo di ba? Alangan namang samahan pa kita? Pagmumukhain mo pa akong yaya," kalmado ko nang sabi na may bahid pa rin ng pagkainis. 

"Hindi na ako tutuloy. Gusto ko nang umuwi at masama ang pakiramdam ko," matamlay niyang sabi.

"Magpasundo ka na lang sa driver niyo o kaya mag-taxi pauwi. May lakad ako. Naka-oo na ako. Di ko na yun mababawi."

Hindi ko na siya hinintay pang makasagot at tuluyan nang binabaan. Kung minsan talaga umaandar ang pagiging prinsipe niya at gustong nasusunod lahat ang gusto. 

Nang muli kong patakbuhin ang sasakyan, muling tumunog ang cellphone ko. Isang unknown number na naman subalit iba ito sa ginamit na Matthew. 

"Ate, si Kevin 'to."

Lalong kumunot ang noo ko at mukhang pati si Kevin ay dinamay na niya sa pag-iinarte. 

"Si Matthew ba?" 

Loving MatthewTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon