12
* * *
Mahigit limang taon na ang lumipas magmula nang umalis ako ng Pilipinas at sumama kay Hans sa Australia. Napakabait niya sa akin at kahit ilang beses kong tinanggihan ang pag-ibig niya ay hindi siya nagbago sa akin. Siya ang nag-aalaga sa akin nung mga panahong naglalasing pa ako upang makalimutan si Matthew. Pag may sakit naman ako, andyan rin siya.Nakatira kami sa iisang bahay kasama ang ibang pinoy na nakilala namin. Pinilit kong baguhin ang sarili upang tuluyan nang iwan at kalimutan ang dating ako. Ang dati kong mahabang buhok ay pinaiksi ko hanggang balikat. Kabaliktaran naman kami ni Hans at pinahaba niya ang kanya.
"Titig na titig ka. In love ka na ba sa akin?" pagbibiro niya habang nagluluto ng almusal.
"Baliw ka talaga."
Inaamin ko, hindi mahirap mahalin si Hans. Napakabait niyang tao, napakamasipag, at napakamaalaga. Idagdag na nating gwapo rin siya at may magandang hubog ng katawan. Hindi ko na nga ipinagtaka at minsan siyang magkanobya nang niligawan siya ng isang napakagandang Australiana. Subalit hindi rin sila nagtagal at dumating sa puntong pareho silang nagkasawaan.
Sa tuwing may mga okasyon at nagtitipun-tipon ang mga OFW's palagi kaming tinutukso na magpakasal na at para rin naman daw kaming mag-asawa. Hinahatid-sundo niya ako sa trabaho, pinagluluto ng almusal, pinapasyal. Lahat na. Nakapagpatayo kasi siya ng sariling coffee shop kaya hawak niya ang oras niya. Siya ang boss eh.
Nung mga panahong umiiyak pa ako gabi-gabi, tinatabihan niya ako sa pagtulog subalit ni minsan, hindi niya sinamantala ang mga panahong yun.
"Ligawan rin kaya kita Hans tulad ni Wanda," biro ko habang umiinom ng kape.
"Kung ganun, magpapakipot muna ako," sagot niya habang pinaniningkit ang mga mata.
"Ok lang. Kung hindi mo agad ako sasagutin at nainip ako, hahanap na lang ako ng poging Australiano," ngingiti-ngiti kong sabi habang nagto-toast ng tinapay sa tabi niya.
Bago pa man ako makaiwas, mabilis niya akong hinila palapit at ikinulong sa kanyang mga bisig. Nakasimangot na siya habang di naman ako matigil sa kakatawa.
"Ok lang naman sa akin kung hindi ka pa rin handang bumitaw Anna. Maghihintay ako hangga't alam kong may mahihintay pa ako," seryoso niyang sabi sa akin.
Tila nilamon ako ng mga titig niyang puno ng sinseridad. Marahan kong hinaplos ang kanyang pisngi at maingat na inilapat ang aking mga labi sa kanya.
"Sapat na ba yan upang sabihing handa na ako?"
Habang nakapikit ang mga mata, napangiti siya sa aking sinabi bago ako tinitigan at hinalikan sa noo.
"Mahal na mahal kita Anna."
Muli kaming nagkatitigan nang akmang hahalikan niya ako na tila naghihintay ng permiso mula sa akin. Bilang pagtugon, inilapit ko ang aking mga labi at muli siyang hinalikan. Dahan-dahang lumalim ang kanyang mga halik at nagpaubaya ako.
Halos mawala na kami sa aming mga sarili nang bigla namang tumunog ang toaster at natigilan kami. Sandali kaming nagkatitigan at nagsitawanan na lamang sa nangyari.
"Hans, salamat," bigla kong sabi habang ipinagpatuloy ang pagto-toast ng tinapay.
"Saan?" pagtataka niya habang nakatingin sa akin.
"Sa lahat-lahat."
Napakalaki ng utang na loob ko kay Hans. Na kung hindi dahil sa kanya marahil ay nanatiling miserable ang aking buhay. Kaya naman, tiniyak ko munang handa na ang puso ko bago magdesisyon na buksan ito para sa kanya. Ayoko siyang saktan. Hindi siya karapat-dapat na masaktan.
BINABASA MO ANG
Loving Matthew
RomanceIsang desisyon ang nagpabago sa tila normal na takbo ng buhay ni Anna. Nakilala niya si Matthew na tila ba isang maliit na eksena lang sa pelikula. Dadaan. Matatapos. At hindi na mauulit pa. Subalit paano kung ang pagtatagpong yun ay maging isang s...