Chapter 09 - Isisi Mo Sa Selfie

19 3 63
                                    

09

*   *   *


Ilang beses ko na ring narinig ang isang ideya na hindi ko masabi-sabi kung totoo nga ba o hindi. Nagiging bobo raw ang isang taong umiibig. 

Nakatulalang nakatitig sa kisame, ilang minuto na rin akong tila iniintindi ang mga nangyayari sa buhay ko. Pakiramdam ko ay bigla akong tumalino at pinaandar ang utak sa kakaisip. 

Isang linggo ko nang hindi nakikita si Matthew at lagi niya akong tini-text na matagal siyang makakauwi. Na magpapasundo na lang siya sa driver nila o kaya ay sasabay sa mga kaibigan. 

Ginagantihan kaya niya ako dun sa ginawa kong pag-iwas sa kanya noon?

O maaaring nagsasawa na siyang makita ako araw-araw?

Na baka napagtanto na niyang mas masaya palang kasama ang mga kaibigan niyang kasing-edad niya lang. 

At isang pagsasayang ang pagbibigay ng oras sa taong lagi siyang tinataboy. 

Pero ito rin naman ang gusto kong mangyari di ba? Dapat ko itong ikatuwa. Ito ang tama at hindi na dapat pang maulit ang nangyari noon na kahit alam kong mali ay hindi pa rin ako tumigil. 

Hindi ito isyu ng pag-ibig. Hindi ako naging bobo at sa halip ay gumamit ng utak upang magpaliwanag sa sarili. Tama! Wala lang ito. 

Hindi ako apektado. 

Okay lang ako.

Nang makaramdam na ako ng pagkabagot, binuksan ko ang aking cellphone at tumingin ng kung anu-ano sa social media. Tuwang-tuwa akong habang nagbabasa ng mga memes. May iilan pang videos na talagang nabaliw ako sa kakatawa. 

Panay swipe ako nang hindi tumitigil sa kakangiti hanggang sa matigilan ako sa isang larawan. Ang hirap daanan at kalimutan. Hindi ko magawa at tila nanigas na ang mga daliri ko. 

Mapapansin sa kuha ng anggulo na si Angel ang kumuha ng litrato. May hawak siyang malaking baso ng milk tea habang nakangiti naman si Matthew sa dakong likuran niya. Naka-uniporme pa sila at malamang ay kuha ito matapos ang klase nila. 

Titig na titig ako nang bigla kong mabitawan ang aking cellphone. At dahil nakahiga ako sa sofa, agad yung tumama sa mukha ko. 

"Pakelam ko ba kung mag-date sila! Eh di wow! Sila na ang bagay!" pagmamaktol ko at mabilis na kumuha ng isang lata ng beer sa ref. 

At dahil ayokong lumabas na nagseselos na bitter, ni-like ko ang naturang larawan. Ilang minuto lang ay nakita kong tumatawag si Matthew. Ayokong sagutin at hindi ko alam kung paano siya dapat kausapin. 

Naiinis ako. 

Naiinis ako at ang sakit ng mukha kong nahulugan ng cellphone. 

Naiinis ako at para akong pinagmukhang tanga. Yung hindi na lang ako diretsahang sinabin na layuan ko na siya at hindi na pala ako kailangan sa eksena ng buhay niya. 

Hindi ako nagseselos. Sadyang napipikon lang ako. Yun lang yun. 

Nang ayaw tumigil sa kakatunog ang cellphone ko, tuluyan ko na itong pinatay. 

Kinabukasan, pagdating ko ng opisina sinabihan akong pumunta ng Ilocos para sa isang 3-day seminar at isa raw ako sa mga inirekomenda. Syempre tuwang-tuwa ako at naaamoy kong makakagala ako. 

"Pasensiya na kung short notice pero bukas ng gabi na ang alis mo. Ok lang ba?" tanong ng boss ko. 

"Naku sir, wala pong problema. Go po ako riyan," masigla ko namang tugon. 

Loving MatthewTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon