16
* * *
Sandaling nagtama ang aming mga paningin ni Matthew. Hindi ko mabasa kung anuman ang maaari niyang iniisip at blangko ang ekspresyon ng kanyang mukha. Ito mismo ang nagdulot sa akin ng hindi maipaliwanag na takot.Nang hindi ako binibitawan, hinila niya ako pasakay ng isang nakaabang na taxi. Hindi na ako tumanggi at sariwa pa sa aking isipan kung paano siyang nagalit nung huli kaming nagkita.
Natatakot ako. Si Hans ang iniisip ko at ayokong mag-alala siya para sa akin.
Makaraan ang ilang minuto, huminto ang sinasakyan namin sa isang hotel. Hawak-hawak ang aking kamay, napilitan na akong sumunod sa kanya hanggang sa makarating kami sa isang silid.
Hindi ko alam kung ano ang gagawin hanggang sa nagkusang hawakan ng aking kamay ang pihitan ng pinto at nagpaalam na uuwi na.
"Hindi. Dito ka lang."
Nagulat ako at umalingawngaw ang napakalamig niyang boses sa buong kwarto. Napahinto ako sa kinatatayuan habang naririnig ang mga yabag niyang papalapit sa akin. Napapikit ako hanggang sa maramdaman ko ang pag-alis niya ng aking kamay mula sa pinto.
Dahan-dahan niya akong pinihit paharap sa kanya at inalis ang aking sumbrerong panlamig. Nanatili akong nakayuko habang dahan-dahan niyang inangat ang aking mukha paharap sa kanya.
Nagkatitigan kami. Inayos niya ang mga nagkalat na hibla ng aking buhok at maingat na inalis sa pagkakakabit ang mga butones ng suot kong coat. Nang tuluyan na niyang hubarin ang aking panlamig, hinila niya ako paupo sa gilid ng kama.
Kinakabahan ako. Hindi ko inakalang aabot sa puntong matatakot ako sa mga titig niya. Nanatili akong nakayuko at hindi ko alam kung magsasalita o hindi. Ni hindi ko rin alam kung saan magsisimula o kung ano ang sasabihin.
"Takot na takot ako, Anna," basag niya ng katahimikan pagkaupo sa tabi ko.
Nagtama ang aming mga paningin at ang mga salita niyang yun ang kumuha ng atensyon ko. Nasilayan ko ang kalungkutan sa kanyang mga mata at kung paanong nangilid ang mga luhang agad niyang pinahid bago ito tuluyang maglakbay sa kanyang mapupulang pisngi.
"Sinabi ni kuya Hans sa akin ang lahat. At naiintindihan ko kung bakit ka niya ipinagdadamot sa akin. Hindi ako karapat-dapat para sa 'yo, Anna. Mahina ako. Makitid at isip-bata," nakayuko niyang sabi.
Hindi ko na napigil ang sarili. Nilapitan ko siya at ikinulong sa aking mga bisig. Iyak siya ng iyak habang ang tangi kong nagawa ay haplusin ang malalambot niyang buhok.
"Ilang taon rin ang hinintay ko bago kita muling nahawakan nang tulad nito mahal ko. Masaya ako. Napakasaya ko," naluluha kong sabi habang yakap-yakap ang isang napaka-espesyal na tao sa buhay ko.
Nalaman ni Matthew mula kay Hans na naaksidente ako nung unang taon namin sa Australia na umabot pang kamuntikan na akong di makalakad. Araw-araw akong naglalasing noon hanggang sa maaksidente ako at masagasaan ng isang kotse. Sa pagtiyatiyaga at pagmamahal ni Hans, bumalik sa normal ang buhay ko subalit hindi naghilom ang sugat sa puso at isipan ko. Dahil doon, nagkaroon ako ng mga di maipaliwanag na panic attacks.
"Maaari ko bang tingnan ang mukha mo?" malambing kong pakiusap.
Kumalas siya sa pagkakayakap at tumitig sa akin. Maingat kong hinaplos ang namumula niyang pisngi habang di siya matigil sa pag-iyak.
"Patawad at nagalit ako sa 'yo Anna. Sinisi ko ang lahat sa ' yo. Pero ang totoo galit na galit ako sa sarili ko at naging mahina ako noon. Di kita nagawang protektahan," pagpapaliwanag niya sa pagitan ng mga hikbi.
Nakatitig lamang ako sa kanya habang sa lumalim ang kanyang mga pag-iyak na unti-unting kumukurot ng aking puso.
"Di ako naging sapat upang manatili ka Anna. Sinakripisyo mo ang lahat para sa akin. Galit na galit ako at nagseselos ako kay Kuya Hans. Naiinggit ako at siya ang nasa tabi mo sa mga panahong kailangan mo ng masasandalan. Ako dapat yun eh. Ako dapat ang gagawa nun."
"Tahan na mahal ko."
"Takot na takot ako nung makita kitang nahihirapan at nawalan ng malay Anna. Takot na takot ako. Halos mabaliw ako. Gusto kitang yakapin. Gusto kitang samahan pero ayaw ni kuya Hans at naiintindihan ko. Ako ang dahilan kung bakit nangyari yun sa'yo eh. Kasalanan ko. At kanina, nung paano mo ginustong umalis sa takot mo sa 'kin, napakasakit."
Hindi matigil sa pag-iyak si Matthew at wala akong ibang maisip gawin kundi ang yakapin siya.
"Tahan na mahal ko. Tahan na," sabay tapik ko ng likuran niya.
Makalipas ang ilang minuto, nakatulog na si Matthew sa tabi ko. Kahit pulang-pula na ang pisngi at ilong niya sa kakaiyak, nanatiling payapa ang mukha niya. Walang kupas. Napakagwapo pa rin ng mahal ko.
Walang pagsidlan sa tuwa ang puso ko sa mga sandaling ito. Matapos ang ilang taon, muli ko siyang nakasama at nahawakan. Napakalapit niya sa akin at abot-kamay ko lang.
Maingat kong hinaplos ang mga tattoo niya sa braso at napaisip kung paano niyang tiniis ang sakit para rito. Hinawakan ko ang malalambot niyang kamay at inilapit yun sa aking pisngi.
Nang tuluyan ko na sanang ipipikit ang aking mga mata, narinig ko ang pagtunog ng aking cellphone.
~Anna, nasaan ka? Pauwi ka na ba?~
Isang mensahe mula kay Hans ang nilalaman nito. Gumagabi na pala at maaaring nag-aalala na siya sa akin.
Nag-iwan ako ng mensahe para kay Matthew at tiyak kung hahanapin niya ako pag nagising siyang wala ako sa tabi niya. Nakalakip rin dito ang aking numero sakaling gusto niya akong makausap. At bago ako tuluyang makaalis, dahan-dahan akong lumapit upang halikan siya sa noo.
Nakangiti akong lumabas ng silid at matapos ang ilang taon, ngayon lang ako muling naging ganito kasaya. Kung maaari lang sana ay gusto kong manatili sa tabi niya.
Pagkalabas ng hotel bigla akong napahinto sa paglalakad na tila huminto ang buong paligid. Hindi ko alam kung iiwas ba ako o lalapit at magsisinungaling. Ang lahat ng tuwa sa puso ko ay dahan-dahang napalitan ng pait at kalungkutan.
Nakaparada sa di kalayuan ang sasakyan ni Hans na tila nag-aabang ng aking paglabas. Bago pa man ako makaiwas ay nagtama ang aming mga paningin kasabay ng pagpatak ng aking luha at pagngiti niyang may pait.
* * *
♥ miho_santos
BINABASA MO ANG
Loving Matthew
RomanceIsang desisyon ang nagpabago sa tila normal na takbo ng buhay ni Anna. Nakilala niya si Matthew na tila ba isang maliit na eksena lang sa pelikula. Dadaan. Matatapos. At hindi na mauulit pa. Subalit paano kung ang pagtatagpong yun ay maging isang s...