15
* * *
"O Diyos ko! Anna!"Narinig ko ang boses ni Tita Agnes habang dahan-dahan akong hiniga ni Hans sa stretcher. Hindi ko maigalaw ang buo kong katawan at kahit anong pilit ko ay ayaw bumukas ng aking mga mata. Gising ako. Gising na gising subalit pakiramdam ko ay panaginip lang ang lahat.
"What happened to Anna?!" galit na galit na tanong ni Doc Mitchell. "I told you to be careful Hans. She could die because of shock. You know that!"
Panay hingi ng tawad lamang ang narinig ko mula kay Hans. Nasasaktan ako at alam kong ako ang may kasalanan ng lahat. Hindi na sana dapat ako nagpumilit pa. Inakala kong maaayos ang lahat kung makakapag-usap kami ni Matthew subalit lumala lang ang lahat at humantong pa sa ganito.
Pinilit kong makinig at hinahanap ko ang boses ni Matthew subalit wala. At tila sumasaliw sa aking panghihinayang, tuluyan nang naging tahimik ang paligid hanggang sa tuluyan nang huminto ang lahat.
Hindi ko alam kung ilang oras akong nawalan ng malay. Ni hindi ko alam kung gabi na ba o umaga pa. Dahan-dahan kong idinilat ang aking mga mata hanggang sa makita kong natutulog si Hans sa tabi ko. Maingat kong hinaplos ang mukha niyang bakas ang labis na pagod at kalungkutan.
"Anna?" gulat niyang sambit nang mapansing gising na ako.
Bilang tugon, tumango ako at ngumiti.
Nalaman kong mahigit isang araw akong walang malay at base sa kwento ni tita Agnes na panaka-naka akong binibisita, hindi raw ako kailanman iniwan ni Hans.
At dumating rin ang araw na maaari na akong umuwi. Magmula nang magising ako, hindi ko kailanman hinanap si Matthew kay Hans. Ayoko at pakiramdam ko ay masasaktan ko siya. Sapat nang nagkausap kami at natapos yun sa ganoong pangyayari.
Labis akong iningatan ni Hans kaya sa pagkakataong ito ako naman ang mag-aalaga sa kanya. Iingatan kong hindi siya masaktan. Kung nabigo man akong ingatan si Matthew noon, sa pagkakataong ito, sisikapin kong huwag nang magkamali pang muli.
Oo, tanggap ko na. Tanggap ko nang hindi na maaaring ibalik ang dati. Inaamin kong nasasaktan pa rin ako at may parte pa rin ng puso kong nanatiling nakakapit kay Matthew. Subalit nakapagdesisyon na akong umusad hindi lang para sa sarili ko pero alang-alang na rin kay Hans.
"Bakit Anna? May masakit ba sa 'yo?" natataranta niyang sabi habang hawak ang magkabila kong pisngi.
Agad ko namang hinawakan ang mga kamay niya at nakangiting umiling.
"Hans, pwede mo ba akong yakapin?"
Napangiti siya sa aking sinabi at mahigpit naman akong niyakap. Nang bahagya siyang kumalas mabilis ko siyang ninakawan ng halik sa labi na tila batang naglalambing at nangungulit.
"Ipakukulong kita, Anna."
"At bakit?" nanunuya kong sabi.
"Isa kang magnanakaw ng halik," sabay ngiti niya habang di rin ako maawat sa pagngiti.
"Hans, salamat."
Nagkatitigan kami at nang sabihin ko ang mga salitang yun ay tila nagpalit ang ekspresyon sa mukha niya. Dahan-dahan niyang inilapit ang sarili at tila alam na ang susunod na mangyayari, dahan-dahan kong pinikit ang aking mga mata.
Naramdaman ko ang mainit na pagdampi ng kanyang mga labi. Nagsimula yun sa maiiksing halik hanggang sa tumugon ako at unti-unti yung lumalim.
"Mahal kita Anna."
Sa halip na sagutin si Hans, isang ngiti ang aking sinukli at inaya na siyang umuwi. At nang halikan niya ako ay si Matthew ang nasa aking isipan. Hindi ito madali lalo pa't sariwa pa sa aking alaala ang pagkakataong nahawakan kong muli ang kanyang pisngi.
Dumaan ang mga araw, pinilit kong mamuhay uli nang normal na para bang hindi kami muling nagkita ni Matthew subalit naging napakahirap nito para sa akin. Ngumingiti ako subalit sa kaloob-looban ay sobra akong nanghihina. Para akong dahan-dahang pinapatay nang di maipaliwanag na pangungulila at kalungkutan.
May mga panahong naninikip na naman ang dibdib ko subalit pinilit ko itong itago at ayokong mag-alala si Hans sa akin. May mga gabi pang napapanaginipin ko kung paanong kinamuhian ako ng taong minahal ko nang sobra.
"Anna?" pagpukaw ni tita Agnes sa akin habang nakatulala akong hawak ang kutsara.
"H-ha? Ba-bakit po?" natataranta kong sagot.
"Ok ka lang ba? Pansin kong mas lalo kang nangayayat at namutla."
Hindi ko napansing napapabayaan ko na naman ang sarili. Ayokong mag-alala si Hans kaya't nag-ayos ako nang hindi niya masabing may dinadamdam ako. Sa tuwing umuuwi siya ng bahay, pinipilit kong maging masaya. Kinukulit ko siya at nilalambing. Pinapakita kong masigla ako at wala siyang dapat ipag-alala. Subalit hindi pala ako nakaiwas sa mga titig ni tita Agnes.
"Pagod lang po siguro ako sa trabaho. Ayoko naman pong huminto at gusto kong tulungan si Hans," pagdadahilan ko.
"Ingatan mo ang sarili mo Anna. Tiyak kong mag-aalala na naman si Hans sa 'yo. Pati ako mag-aalala rin," malungkot niyang sabi.
Nang minsang maglakad ako pauwi galing trabaho, napahinto ako sa isang bench habang tinititigan ang mga batang naghahabulan sa parke. Di ko maiwasang mag-isip at maghinayang kung paanong nawala sa akin ang dati kong buhay.
Mag-isa akong namumuhay subalit masaya ako sa trabaho ko noon sa Pilipinas. Nagagawa ko ang kung anong gusto kong gawin. Dati ay malakas ako at tinitingala pa ng ibang tao. Subalit sa isang iglap ay naduwag ako at tumakbo.
Ayokong isiping patapon na ang buhay ko. Hindi naman ako mag-isa at kasama ko si Hans na labis akong minamahal. Oo, alam ko. Masuwerte ako subalit kahit anong pilit ko, may kung anong mabigat pa rin sa puso ko at di ako malaya.
Nang magsimula na akong lamigin, tumayo na ako at nagsimula nang maglakad uli nang may biglang humigit ng aking kamay. Nagulat ako subalit bahagyang napangiti. Alam ko kasing si Hans ito at yan ang lagi niyang ginagawa sa tuwing naabutan niya akong umuupo sa parke.
Agad akong lumingon at ngumiti subalit nang maaninag kong hindi yun si Hans, nagsimula akong kabahan at natakot.
"Matthew?"
* * *
♥️ miho_santos
BINABASA MO ANG
Loving Matthew
RomanceIsang desisyon ang nagpabago sa tila normal na takbo ng buhay ni Anna. Nakilala niya si Matthew na tila ba isang maliit na eksena lang sa pelikula. Dadaan. Matatapos. At hindi na mauulit pa. Subalit paano kung ang pagtatagpong yun ay maging isang s...