10
* * *
"Hoy Anna!"Nagkalat sa mesa ang iniinom kong iced coffee nang magulat ako sa biglang pagpukaw ni Trisha nang naglalakbay kong isip. Rinig na rinig ko ang tunog ng pagkadismaya mula sa kanya habang pinupunasan ko ang mga tumalsik na inumin sa aking damit.
"Kung nakinig ka lang sana sa 'kin noon pa, hindi sana ito mangyayari."
Pag-uwi ko galing Ilocos, nakipagkita ako sa kaibigan ko at ayokong maglihim sa kanya. Ikinuwento ko ang lahat. Ikinuwento ko kung paanong nagpahayag si Matthew ng damdamin sa akin at kung paano ko ito pilit na iniwasan subalit bumigay rin ako.
"Alam kong mali ito pero hindi ko alam kung kailan at paano. Pero sa tuwing naalala ko ang mukha niya, hindi ko mapigilang mangulila. Nasasabik akong makita siya, mahawakan siya, makausap siya."
"Ayokong lumabas na kontrabida sa kung anumang nagpapasaya sayo ngayon Anna. Pinipigilan ko lang na masaktan ka. Oo, sabihin na nating makapangyarihan ang pag-ibig na wala itong kinikilalang edad o estado sa buhay subalit nais kong ipaalala sa 'yo na masyado pang bata si Matthew upang maging sigurado siya sa nararamdaman niya para sa' yo. Na hindi malabong darating ang araw na makakatagpo siya ng sing edad niya at ipagpapalit ka."
Napakarami kong gustong idahilan kay Trisha upang ipagtanggol ang sarili at ipagpumilit ang nais mangyari subalit tanging mga luha ko na lamang ang aking naisukli sa kanya.
"Kaibigan mo 'ko. Papayuhan kita subalit hindi kita didiktahan sa kung ano ang dapat mong gawin. Kung anuman ang magiging pasya mo, asahan mong hindi kita iiwan."
Mabilis akong umalis sa kinauupuan at tinabihan sa pag-upo ang kaibigan. Mahigpit ko siyang niyakap habang pareho na kaming hindi matigil sa pag-iyak.
Kinahapunan, lumabas ako ng opisina habang tanaw mula sa malayo ang mukha ng taong nagpapasaya sa akin. Hindi ko mapigilang ngumiti habang kumakaway siya sa akin nang may napakalapad na ngiti. Sa buong buhay ko, hindi ko na maalala ang huling beses na may nagparamdam sa akin ng ganito. Yung pakiramdam na may naghihintay at nasasabik na makita ako.
"Kanina ka pa ba rito?" pauna kong tanong.
"Hindi. Kakarating ko lang. Na-miss agad kita," sabay hawak niya ng aking kamay at inilapat yun sa kaniyang pisngi.
Nagpatuloy ang ganun sa pagitan namin ni Matthew. Araw-araw niya akong inaabangan tuwing uwian at sabay kaming kumakain sa labas bago ko siya ihatid sa kanila. Kung minsan, sumasabay sa amin sina Alex at Kevin na pawang walang alam sa kung ano ang meron sa amin.
Dumaan ang tatlong araw, limang araw, isang linggo, dalawang linggo. Patuloy lang ang ganun. Masaya kaming magkasama at ni minsan ay hindi namin napapag-usapan kung ano ba talaga ang meron kami. Nalunod ako sa mga salitang sinabi niya noon na mahal niya ako hanggang sa isang araw, namulat ako sa posibilidad na maaaring ang pagmamahal na yun ay hindi tulad ng pagmamahal na nararamdaman ko para sa kanya.
"Alam mo, masaya akong kasama ka," panimula ko nang makarating kami sa tapat ng bahay nila.
Sandali siyang tumitig sa akin at ngumiti, bagay na siyang nakapagpailang sa akin. Nag-iwas ako ng tingin at sinabihan siyang lumabas na ng kotse.
"Ako rin naman. Napakasaya ko sa tuwing nakikita kita," tugon niya.
Inabot niya ang aking kanang kamay at hinalikan ito. Maingat ko naman itong inilapat sa kanyang pisngi at tinitigan siya na tila ba pinag-aaralan ko ang bawat detalye ng kanyang mukha. Nahahawakan ko siya subalit tila isang mamahaling display sa mall, hindi ko siya kayang bilhin, iuwi, at gawing akin.
BINABASA MO ANG
Loving Matthew
RomanceIsang desisyon ang nagpabago sa tila normal na takbo ng buhay ni Anna. Nakilala niya si Matthew na tila ba isang maliit na eksena lang sa pelikula. Dadaan. Matatapos. At hindi na mauulit pa. Subalit paano kung ang pagtatagpong yun ay maging isang s...