Chapter 06 - Hindi Tayo Bagay

25 3 21
                                    

06

*   *   *


Hindi na bago sa akin ang dumalo sa malalaking salu-salo at parte na yun ng trabaho ko lalo na kung naiimbitahan ng mga kliyente. Subalit sa pagkakataong ito, tila naubos lahat ng kumpyansa ko sa sarili at kinakabahan ako. 


"Ba't ba kasi ako pumayag na pumunta dito?" pagdadalawang-isip ko nang hindi pa lumalabas ng sasakyan. 

Napasubsob ako sa manibela nang marinig kong may kumakatok sa bintana. Pagkalingon ko, nakita ko ang mga nakangiting mukha nina Alex at Kevin. Nabuhayan ako ng loob at sa wakas ay may makakasabay na akong pumasok. 

"Anong ginagawa mo dun sa loob ate?" tanong ni Kevin pagkalabas ko.

"Eh kasi kinakabahan akong pumasok. Buti na lang dumating kayo."

"Nakita namin ang sasakyan mo eh. Kinabisa ko pa plate number mo, so yun, sigurado akong sa iyo nga kaya nilapitan namin," nakangiting paliwanag ni Alex. 

Natawa na lamang ako sa kalokohan nilang dalawa hanggang sa inalok ni Kevin na kumapit ako sa braso niya. Ginawa ko naman habang nasa kabila ko naman si Alex. 

"Ate, ang ganda mo. Bagay na bagay sa 'yo ang damit mo," si Alex. 

"Talaga?" 

"Oo, walang halong biro." 

Nang makarating kami sa malaking pintuan, agad na sumalubong si Matthew. Mas lalo siyang gumwapo sa suot na suit. Ang dating bagsak at malambot niyang buhok ay malinis na sinuklay at nilagyan ng kung anong hairwax. 

"O bro, heto na. Special delivery," sabay abot ni Kevin ng aking kamay kay Matthew. 

Mariin niyang hinawakan ang aking kamay at tinitigan ako. Bagay na siyang nagdulot ng pagkailang sa akin. 

"Ang ganda-ganda mo ate. Ah hindi, mas lalo kang gumanda ngayon," nakangiti niyang sabi.

At binola pa talaga niya ako.

Pagkapasok namin ng hall, namangha ako sa laki nito. Napakarami pang tao at tiyak kong mayayaman ang lahat nang nandito. Ipinakilala niya ako sa mga magulang at mga stepsisters niya. Dun ko nalamang solong anak pala siya bago muling nagpakasal ang daddy niya. 

"So ikaw pala ang nagligtas sa unico hijo ko? Maraming salamat," sabi ng daddy ni Matthew na ramdam ko ay ubod talaga ng bait. 

"Ah siya nga pala, hijo, andito si Angel. Baka naman pwede mo siyang isayaw," singit ng stepmom ni Matthew na may kasamang isang napakagandang binibini. 

Hindi ko alam subalit hindi maganda ang kutob ko sa stepmom niya o sadyang tumatak lang sa isip ko na tulad ng nasa fairytale, laging kontrabida ang mga stepmom. Sana nga mali ang kutob ko.

"Hello Miss Anna. Ako po si Angel," sabay ngiti niya sa akin at magalang na nakipagkamay.

Bagay nga ang pangalan niya sa kanya at mukha siyang anghel sa ganda. Naalala ko tuloy ang sabi nina Alex na para raw siyang K-pop idol. 

Mabilis ko namang inabot ang kanyang kamay na may pagtataka sa aking mukha. Hindi pa man ako nakapagpakilala ay alam na niya agad ang aking pangalan.

"Naikuwento po kasi kayo nina Alex sa akin. At nang makita ko kayong dumating, malakas na ang kutob kong kayo nga si Miss Anna," pagpapaliwanag niya.

Puro ngiti na lamang ang aking naisagot sa kanya at pakiramdam ko ay na-starstruck ako. Kahit saang anggulo tingnan, wala akong maipintas sa ganda niya. Banggitin na rin nating mayaman siya at may magandang pag-uugali.

Loving MatthewTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon