11
* * *
Nakaabang sa labas ng malaking bakal na gate, hinihintay ko ang paglabas ni Matthew. Nag-ayos ako at gusto kong maganda ako sa huli naming pagkikita. Oo, ito na ang huli at bukas ng umaga ay aalis na kami ni Hans. Hindi kami papuntang New Zealand kung saan siya huling nanggaling kundi sa Australia.Batid niyang ayokong masundan ni Matthew kaya inilihim namin ang lahat kahit sa matalik kong kaibigan na si Trisha. Tanging kaming dalawa lang ni Hans ang nakakaalam ng bagay na ito. Napakabait niya sa akin at umabot pa sa puntong may mga isasakripisyo siya para sa ikabubuti ko. Ang alam niya ay ginusto ko ito para ayusin ang sarili subalit yun ay isang maling kasinungalingan.
Ito ay gagawin ko hindi para sa sarili kundi para sa taong pinakamamahal ko. Titiisin ko ang sakit kahit alam kong balang araw ay ito ang sisira sa akin.
"Magandang umaga" magiliw na bati ng aking pinakamamahal.
Hindi ko mapigilang titigan siya at bagay na bagay sa kanya ang suot na white tshirt at nakabukas na checkered polo. Ilang segundo rin akong nakatulala nang bigla niya akong gisingin mula sa aking naglalakbay na isipan sa pamamagitan ng isang halik sa pisngi.
"Naku, patawad. Ba't kasi ang gwapo mo," nakangiti kong sabi habang pinapaandar ang kotse.
"Kikiligin na ba ako niyan?" natatawa niyang sabi.
Nagpunta kami sa isang amusement park. At tulad ng inaasahan ko, sabik na sabik siyang sakyan lahat ng rides.
"Alam mo bang first time ko rito?"
"Weh? Hindi nga?"
"Totoo. Pupunta dapat kami ni mommy dito pagkatapos nung competition ko."
Napakalapad ng ngiti niya subalit ramdam ko ang kirot sa kanyang puso habang inaalala ang nakaraan.
"Isipin mo na lang ako ang mommy mo," suhestiyon ko.
Umiling siya nang nakabusangot saka hinila ang kamay ko at mahigpit itong hinawakan.
"Iisipin kong nakikipag-date ako sa girlfriend ko."
Tila nakuryente ang buo kong katawan sa sinabi niya habang para namang baliw sa pagkabog ang dibdib ko. Hindi ko na ito kinontra at sa araw na ito, hahayaan kong maging masaya ang sarili na kasama ang taong mahal ko. Ito na ang huli kaya susulitin ko na.
Halos lahat ng rides ay sinubukan namin at ni isang beses ay hindi niya binitiwan ang aking kamay. Sa tuwing mapapalingon ako sa kanya, lagi siyang nakangiti at ito ang unti-unting dumudurog ng aking puso.
Ayokong makalimutan ang mga ngiti niya, ang kislap ng kanyang mga mata at ang himig ng boses niya sa tuwing binabanggit ang aking pangalan.
"Anna?" sambit niya upang gisingin ang naglalakbay kong isipan.
Ilang beses niyang binanggit ang aking pangalan subalit mga ngiti lang ang aking sinusukli hanggang sa mapansin ko ang pagkunot ng kilay niya. Hinaplos ko ang pisngi niya at tinitigan ang nagmamaktol niyang mukha.
"Gustung-gusto kong tinatawag mo ang pangalan ko," natutuwa kong sabi bago ko siya tuluyan nang niyakap.
Naramdaman ko ang pagyakap niya sa akin habang di ko naman mapigil ang pagtulo ng aking mga luha. Bago pa man niya ito makita ay mabilis ko na itong pinahid at agad na pinalitan ng mga ngiti.
Ayoko siyang bitawan. Kung maaari lang ay itatakas ko siya. Lalayo kaming dalawa nang walang kung sinumang makakaalam. Subalit alam kong yun ay pagiging makasarili.
Bago tuluyang lumubog ang araw, nagpasiya kaming tapusin ang araw sa huling ride. At yun ay ang ferris wheel. Habang paisa-isang sumakay ang ibang pasahero, unti-unti rin ang pag-akyat ng sinasakyan naming cabin hanggang sa mapwesto ito kung saan tanaw na tanaw ang napakagandang paglubog ng araw sa karagatan.
"Ang ganda," pagkamangha ko.
"Anna, salamat," nahihiyang sabi ni Matthew na kumuha ng aking atensyon.
Mula sa pagkakatitig sa lumulubog na araw, nalipat ang atensyon ko sa napakaamong mukha ni Matthew. Nag-iwas siya ng tingin na tila nahihiya kaya hinawakan ko ang pisngi niya at iniharap ang mukha niya sa akin.
"Walang anuman mahal ko," sagot ko na nakapagpangiti sa kanya.
"Mahal mo 'ko?" nasasabik niyang tanong.
"Oo naman. Mahal na mahal kita," buong puso kong sabi habang pinipigil ang mga luhang nais nang kumawala. "Kaya naman handa akong gawin ang lahat para sa iyo."
Hindi siya umimik. Sa halip ay mas lumapit siya sa akin at dahan-dahan niyang inilipat ang aking mga kamay sa kanyang balikat. Hinaplos niya ang aking pisngi habang tinititigan ang bawat detalye ng aking mukha.
"Mahal na mahal kita Anna. Mababaliw ako kung mawawala ka sa akin."
Ilang sandali lang ay naramdaman ko ang mainit na paglapat ng kanyang mga labi. Maingat niya akong hinalikan. At sa pagpikit ng aking mata ay ang pagbagsak ng aking luha.
Tumugon ako sa bawat halik niya. Batid kong hindi pa siya ganoon karunong humalik kaya bahagya akong natawa.
"Anna naman eh," pagmamaktol niya.
"First time?"
Tumango siya na tila nahihiya. Napangiti ako habang nililipat ang mga kamay niya sa likuran ko. Yung tipong nakayakap siya sa akin habang nakapatong ang mga kamay ko sa balikat niya. Muli akong pumikit na tila ba hudyat para sa kanya na halikan akong muli.
At muli naramdaman ko ang matatamis niyang labi. Nagpaubaya ako hanggang sa lumalim ang mga halik niya. Ramdam ko ang bawat emosyon doon habang maingat kong nilalaro ang malalambot niyang buhok.
Napakasaya nang mga sandaling yun habang unti-unting nadurog ang aking puso at alam kong ito na ang huli. Hindi ko na siya maaaring makita o mahawakan pang muli.
"Hindi man ako ang nauna sa mga labing yan, gusto kong ako na ang magiging huli Anna," seryoso niyang sabi sa akin.
Tumango ako habang pinapahid niya ang mga kumawalang luha sa aking mga mata.
"Hayaan mong pormal kitang ligawan. Sasabihan ko si Dad. At pag 21 na ako, pakakasalan kita sa ayaw at sa gusto nila."
Habang pinapakinggan ang mga salitang yun, napakaraming bagay ang naglaro sa aking isip.
Pag 21 na siya 28 na ako. Mamahalin pa rin kaya niya ako?
Pag 21 na siya, magiging maganda pa rin ba kaya ako sa paningin niya?
Maaaring nabibigla lang siya at parte lang ng kabataan niya ang bugso ng damdamin. Na baka isang araw, magising siya at maisip na hindi na pala niya ako mahal.
Ayoko siyang bitawan subalit kailangan. Ayoko siyang makalimutan subalit yun ang nararapat. Sana balang araw ay maintindihan niya ang aking naging desisyon. Subalit kung hindi man at kamuhian niya ako ay tatanggapin ko alang-alang sa ikabubuti ng kinabukasan niya.
Ayokong maging makasarili sapagkat tunay na mahal ko siya higit ninuman.
"Lagi mong tatandaan na kahit anong mangyari, mahal na mahal kita at hinding-hindi yun magbabago," nakangiti kong sabi habang hinahaplos ang kanyang pisngi.
Nasaktan ako nung maghiwalay kami ni Ashton noon subalit wala nang mas sasakit pa sa nararamdaman ko ngayon. Gusto kong magwala. Gusto kong sumigaw. Pakiramdam ko ay mababaliw na ako at ilang sandali lang ay maaari nang sumabog ang puso ko.
At sa huling pagkakataon, tinapos ko ang lahat sa amin ni Matthew sa pamamagitan ng isang maikling halik. Tinatapos ko ang lahat nang hindi niya nalalamang yun na ang huli.
* * *
❤ miho_santos
BINABASA MO ANG
Loving Matthew
RomanceIsang desisyon ang nagpabago sa tila normal na takbo ng buhay ni Anna. Nakilala niya si Matthew na tila ba isang maliit na eksena lang sa pelikula. Dadaan. Matatapos. At hindi na mauulit pa. Subalit paano kung ang pagtatagpong yun ay maging isang s...