Chapter 8

90 9 6
                                    


Kabanata VIII

"Saan ang nais niyong puntahan, señorita Teresita?" tanong ni Lorenzo sa akin. Nakasakay kami ngayon sa aming mga kabayo. Si Rikit ang aking sinasakyan at si Lorenzo naman ay nakasakay sa kaniyang kabayong si Pietro. Maingat kong hinahatak ang renda ni Rikit dahil maalikabok ang daraanan.

"Pablita ayos ka lamang ba diyan sa likod?" tanong ko kay Pablita na nakasakay ngayon sa isang taon pa lamang na kabayo. "Opo señora. Hindi na ako makakapag-hintay na makahuli ng maraming ibon." natutuwang saad niya.

"Ano nga ulit ang tanong mo, señor?" baling ko kay Lorenzo. Tumikhim muna siya bago magsalita. "Saan mo nais magtungo sa aming hacienda?" inilagay ko ang ilang hibla ng aking buhok na tumatakip sa aking mga mata.

"Sa totoo lamang ay wala akong alam na lugar sa inyong hacienda. Sa totoo niyan ay ngayon pa lamang ako makakatapak sa inyong lupain. Ngunit ako ay nasasabik na." napapadyak pa ako dahilan upang kumaripas ng takbo si Rikit dahil sa gulat. Mabuti at napigilan ko ito. Mabilis ding lumapit sa akin si Lorenzo gamit ang kaniyang kabayo.

"Sa tingin ko ay may isang lugar kang magugustuhan." nilingon ko siya. Umiwas naman siya ng tingin sa akin. Bakit ang ilap niya matitigan sa kaniyang mga mata? Tila isa itong simarong toro na ayaw magpaamo. Nagpatuloy na lamang kami sa pagtahak sa kalsada at nanahimik na.

Hindi masakit sa balat ang init kahit na alas-tres na ng hapon. Payapa ang mga ulap sa kalangitan at marahang umihihip ang hangin at dumadampi ito sa aming mga balat.

Maya-maya pa ay nasa tapat na kaming isang napakarangyang tarangkahan. Aking binasa ang nakasulat "Hacienda Bautista" hindi ko pansin na nakangiti na pala ako. Tinakpan ko naman kaagad ang aking bibig ng abaniko. Luminga-linga pa ako sa paligid dahil sa takot na baka may nakakita sa akin. Ngunit tanging si Lorenzo lamang pala. Hindi din nakatingin ang kanilang mga gurdia personal na nagbabantay sa kanilang tarangkahan. Pinagbuksan na kami ng tarangkahan. Napagpasiyan namim na bumaba na lamang kami sa mga kabayo at akayin na lamang ito.

"Tulungan na kita, señorita." lumapit siya sa akin na hindi pa nakakababa. Inilahad niya ang kaniyang mga kamay. Kinuha niya ang tali ng renda sa akin. Inabot ko na ang kamay niya. Ramdam ko ang lambot ng kaniyang mga kamay. Parang hindi nadampian ng kahit na anong matigas na bagay.

Nakababa na ako kay Rikit. Napatingin ako sa kaniya. Namumula na ang kaniyang mukha. Napatingin ako sa aming mga kamay. Napabitaw bigla ako sa kaniya. Hindi ko napansin na napatagal ang aming pagkakahawak at mas mahigpit ang aking mga kamay kaya hindi siya makabitaw.

Nagsimula nang mamula ang aking mukha. Bawat kilos ko yata ay tila taliwas na sa kaniyang mga inaakala. Bakit lagi kong nakakalimutan ang bawat aral itinuro sa amin sa beateryo?

Naglakad na kami sa patungo sa loob ng mansion. Pinagbuksan kami ng pinto ng isang babaeng nakasuot ng kupas at naninilaw nang baro't saya. Yumukod siya sa amin at tuluyan nang pinapasok.

Naghubad na ng sumbrero si Lorenzo. "Nariyan na ba si ama?" maikling sabi niya sa aming kaharap. Iginiya niya ako na umupo sa isang bakanteng silya. Umupo naman ako, maraming dalanghita sa lapag ng mesa. Humahalimuyak sa salas ang amoy nito. "Wala po siya dito, señor. Nilibot niya ang buong bayan ng San Agustin upang alamin ang kalusugan ng mga mamayan. Nababahala po siya dahil dumadagsa ang mga may sakit na dinadala sa ospital." maikling tugon nito. Maikli ang buhok nito, maliliit na ilong at mapupulang pisngi.

Si Pablita naman ay nakatayo sa gilid ko. Ang mga mata niya ay tila umiikot at mawawalan na ng itim. Ang kaniyang mukha ay walang-gana. Nasa tapat niya ang babaeng nagbukas ng pinto para sa amin. Mukhang hindi maganda ang kanilang pagkikita. Sinaway ko na lamang siya, siya na lamang ang unang umiwas ng tingin sa aming kaharap.

Serenata ᜐᜒᜇ̵ᜒᜈᜆTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon