PROLOGO

138 10 0
                                    

SA isang madilim at maliit na kwarto, matatagpuan ang isang babaeng may mahaba at itim na buhok na siyang tumatakip sa halos kabuuan ng kaniyang maamong mukha. Nakaupo siya at nakasandal sa sulok ng kwarto habang yakap-yakap ang mga tuhod. Nakatungo ang babae habang kumakanta ng may nakapangingilabot na tinig. Umiiyak habang tumatawa at patuloy na kumakanta. Ilang sandali pa’y iniuntog niya nang paulit-ulit ang kaniyang ulo sa pader. Habang umaandar ang kamay ng orasan, lalong lumalakas ang pag-untog niya. Palakas nang palakas din ang pagkanta niya hanggang sa maging sigaw na ito.

Bumukas ang pintong gawa sa metal na nagpakawala ng isang nakabibinging tunog. Pumasok ang dalawang babaeng nakasuot ng puting uniporme. Sumunod sa likod ang isang lalaking may katangkaran, bilog ang hugis ng mukha at may malaking salamin na tumatakip sa mapupungay niyang mata. May hawak itong hiringgilya na naglalaman ng pampatulog. Nagsimula nang magsisigaw ang babae nang makita ang hiringgilya. Agad na hinawakan ng dalawang babae ang braso nito ngunit sadyang ayaw magpapigil sa pagwawala ang babae. Mas lalo pa itong nagsisigaw at nagwala.

“Pinatay mo sila! Pinatay mo! Pinatay mo!” Paulit-ulit na sigaw ng babae habang patuloy na nagpupumiglas sa pagkakahawak sa kaniya.

“Tumahimik ka!” Isang malakas na sampal ang dumapo sa pisngi ng babae. Sandaling natahimik ang babae at tumingin nang matalim sa duktor. Sumenyas ang doctor sa dalawang babaeng nurse na pahigain na ang babae sa maliit na higaan. Itinaas ng duktor ang hiringgilya at dahan-dahang itinuon ang hinlalaki sa ulo ng hiringgilya dahilan para lumabas ang drogang ituturok sa babae. Nanlaki ang mga mata ng babae at muling nagwala. Itinali naman ng dalawang nurse ang mga kamay at paa ng babae upang hindi makagalaw. Dahan-dahang inilapat at itinusok ng duktor ang karayom ng hiringgilya sa leeg ng babae.

“Hayop ka! Mamamatay tao! Hayop ka!” Nanghihinang sigaw ng babae sa duktor bago siya mawalan ng malay.

AGRAVTHATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon