07

44 10 0
                                    

MARAMING tao ang bumungad sa pagpasok ko ng institution. Kaliwa't kanan ang mga patakbo kung maglakad. Hindi rin maawat ang mga bulungan sa paligid. Lumapit ako sa dalawang janitress na pasimpleng nagbubulungan habang nagpupunas ng sahig.

"Oo nga, kawawa naman siya."

"Nakita mismo ng mga mata ko kung paano siya pahirapan ni Dr. Madrigal."

Natauhan ang isang janitress nang makita akong papalapit sa kanila. Siniko niya ang kasama niyang patuloy pa rin sa pagkukuwento at nang matauhan din ay kitang-kita sa mukha niya ang malaking gulat nang makita niyang nakangiti ako sa kanila. Tumungo sila at nagpatuloy na lang sa paglilinis.

"Bakit kayo huminto sa pag-uusap? Nagsisimula pa lang akong making." Malambing kong usal at humakbang muli papalapit sa kanila.

"Patawarin mo po kami. Huwag mo po kaming isusumbong kay Dr. Madrigal kundi ay papatayin niya kami!" Pagmamakaawa ng janitress na may edad na at may katabaan na siyang ikinagulat ko ngunit may magandang ideyang pumasok sa aking isipan na siyang pwedeng panakot sa dalawa upang sabihin nila sa akin ang lahat ng kanilang nalalaman.

"Hindi ko kayo isusumbong mga ginang." Sabi ko ng may ngiti sa dalawa.

"Ma-maraming salamat po!" Masayang sabi naman ng isang kasama ng janitress na medyo payat kung ikukumpara sa isa.

Agad silang tumalikod sa akin at akmang aalis na ngunit hinila ko pabalik ang kanilang mga uniporme dahilan para lumingon sila sa akin.

"Hindi pa ako tapos sa sasabihin ko mga ginang. Ang ibig kong sabihin sa inyo ay hindi ko kayo isusumbong kung sasabihin nyo lahat sa akin ang nalalaman nyo."

"P-pero S-señora."

"Madali naman akong kausap. Kung ayaw nyong sabihin, kaagad ay makakarating kay Dr. Madrigal ang mga narinig ko kanina. Maaari ko rin kayong baligtarin at mas mapalala pa ang inyong sitwasyon." Sambit ko sa pinakamalambing na boses habang kunwaring tinitingnan ang kuko ko.

Lumingon-lingon muna sa paligid ang matabang ginang. Kita sa mukha ng isa na hindi siya sang-ayon sa gagawin ng matabang ginang. Sinubukan pa niyang pigilan ito pero tiningnan lang siya ng kasama niya na parang sinasabing wala na silang magagawa pa.




"SIGURADO ka ba rito Haila?" Hindi ko sinagot ang tanong ni Luis sa halip ay mas binilisan ko pa ang paglalakad.

"Malayo pa ba Haila?"

"Haila magpahinga muna tayo."

"Bumalik na tayo Haila. Magtataka si Dr. Madrigal kung hindi pa tayo makakabalik bago lumubog ang araw."

"Ha—"

"Hindi ba titigil 'yang kadadakdak mo?" Iritado kong putol sa sasabihin ni Luis.

"Walang patutunguhan ang paglalakad natin dito. Baka maligaw tayo kapag lumayo pa tayo masyado."

"Kung magrereklamo ka lang, bumalik ka na sa institution. Ako na lang mag-isa ang hahanap kay Dr. Maddie."

Magsasalita pa sana si Luis pero bigla akong tumigil sa paglalakad dahilan para magtaka siya sa akin. Sa wakas. Sa hinaba-haba ng aming paglalakad sa masukal na kakahuyan na ito ay natanaw ko na rin ang sikat ng papalubog na araw. Ibig sabihin, ito na ang daan papalabas sa likod ng Agravtha. Tumakbo ako upang akyatin ang malaking bato na nagsisilbing pader sa kakahuyan. Ang likod ng malaking bato na ito ay hindi na pag-aari ng Agravtha.

Pagtapak ng paa ko sa ibabaw ng pader ay uminit bigla ang mukha ko dahil sa galit at pagkadismaya. Ang daan na inilarawan ko sa aking isipan ay isa palang karagatan. Wala rito ang daan na itinukoy ng janitress sa akin.

AGRAVTHATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon